15 October, 2008

Kuwentong G-liner

Noong nakaraang linggo, may isang lalaki ang umakyat sa G-liner na aking sinasakyan papuntang Sta. Mesa. Walang sabi-sabi siyang namigay ng papel—inilapag niya ito sa ibabaw ng aking bag at ‘yung ibang nag-iisa sa upuan ay sa tabi nito basta iniwan. Sinuyod niya ang bus, mula sa mga pasaherong nasa unahan, hanggang sa pinakadulo. At nang matiyak na bawat isa ay may papel na, muli siyang bumalik sa may gawing unahan at nagsimulang kausapin kaming lahat na nasa loob ng bus.

“Maganding gabi po sa inyo mga sir at ma’am, mula po ako sa United Christians. Tumutulong po kami sa mga kababayan nating mahihirap. Nag-papaaral po kami ng mga street kids blah blah blah blah blah.
Naririto po ako upang kumatok sa inyong mga puso. Any amount ma’am, sir ay malaking tulong po blah blah blah.”

“The more we give, the more we’ll be blessed.”

Muling sinuyod ni kuya ang bus. Kinolekta ang mga papel na may nakasulat ukol sa kanyang pakay. Nag-untugan ang mga barya na kanyang inihulog sa belt bag na nakayapos sa kanyang bewang. Pagkatapos ng pangongolekta ng donasyon, muli siyang bumalik sa puwesto kung saan siya nagsalita.

“Maraming salamat po mga sir, ma’am. God Bless Your Trip.”

Muling napako ang atensyon ng lahat sa balita sa t.v. Gigil na gigil na namang nagbabalita si Mike Enriquez.

“Mga kapuso!”

Halos humaba at bumilog ang kanyang nguso sa pag-uulat. Anong balita? Wala namang bago, nagmamalaki pa rin si GMA na hindi tayo maapektuhan ng krisis na kinakaharap ng Amerika. Balitang tiyak na bigla kang maglilihi sa atsara ‘pag ‘yong napakinggan.

Buti na lang, muli akong sinagip ng aking tenga mula sa pagkabagot. Ooops! PAALALA: hindi ako tsismoso, malakas lang talaga ang aking pandinig, peksman! Dalwang kabataan ang nag-uusap sa likod ng aking upuan. Ginaya nila si kuya na namigay ng papel at may belt bag sa bewang.

“Yes good evening sir, ma’am. Mula po ako sa United Christians. Kumakatok po ako sa inyong pitaka. Any amount ma’am, sir ay malaking tulong po laluna ‘pag BUO.”

Tawa akong nang tawa ng marinig ko ‘to. At ikaw habang binabasa ‘to ay tiyak kong tumatawa rin. Siyempre tumawa akong walang tunog, effort nga ako sa pagpipigil kasi baka isipin nila eh talagang intensyon kong makinig.

Totoo man o hindi ang sinasabi ng papel na ibinigay ni kuya, seryoso man o hindi si kuya, paano pa kaya ang mga susunod na eksena sa mga bus na sasakyan ko ‘pag nagkatotoo ang duda ko at ng karamihan sa sinabi ni GMA sa t.v?

Naku, siguro may biglang aakyat sa bus na walang kaabug-aabog lulunok ng espada, ibubuhol ang sariling katawan, tutugtog ng gitara habang naka-split, kakantahin ang I will survive sa iba’t ibang at kung anu-ano pang bagong gimik ang susulpot.

Hay, di malayong marami pang aakyat sa mga sasakyan na may belt bag na nakayapos sa bewang.

At ang mas nakatatakot, darami ang sasampa sa bus na may dalang baril at kokolektahin lahat ng gamit ng pasahero. Magkakaroon na ng human chain mula Avenida patungong Circle hanggang Cubao ng mga kababayan nating nanunutsot habang pisil-pisil ang umbok sa dibdib o sa pantalon tuwing gabi’t madaling-araw makadelihensya lang ng panchibog.

Naku, kung magkakatotoo ang duda ko (na madalas ay nagkakatotoo) sa sinabi ng Ginang sa balita, hindi malabong kulangin ang bilang ng pulis upang pigilan ang mga kababayan natin na ang pasensya ay ga-hibla na lang buhok na nasa bingit ng pagkapatid at kakaladkarin palabas ng Malakanyang ang kapit-tukong Ginang sa higanteng belt bag ng bayan.


06 October, 2008

Kay Rachelle Mae Palang

Tanggap ko na ang lahat. Subalit, sadyang makulit ang lungkot na panay-panay pa rin sa pagdalaw sa’kin— dumarating nang walang pasabi.

Nitong minsan, bigla na naman akong dinalaw ng lungkot habang ako'y nananalamin. Noong araw na iyon, ikaw ang aking kausap sa panaginip-- ikaw na hindi ikaw. Sa buong pag-uusap natin, ni hindi ka humarap sa akin, ni hindi mo ako nilingon.

Nagkukwentuhan tayo nang hindi nakikita ang ekspresyon ng ating mga mukha. Ni hindi ko narinig ang 'yong pagtawa, ni nasilayan ang pamumula ng iyong pisngi nang kahit sa panaginip ay nagkwentuhan tayo ng mga taong ninanais nating sumundo sa atin sa mundo ng pagiging single.

Habang sinusuklay ang aking magulong buhok buhat sa pagtulog ay muli akong naiyak. Pinaluha ako ng aking imahe sa salamin na suut-suot ang kamisetang ibinigay mo nitong Mayo sa Davao. Ang kamiseta na rin ang ipinantuyo ko sa’king mga mata.

Nabanggit mo noon sa akin sa Davao na pagkatapos ng iyong termino ay nais mong pumunta sa lugar na kung saan higit kang kailangan—doon sa kung saan may mga kababayan tayong hindi man lang nakararanas ipitan ng thermometer sa kili-kili o dampian ng stethoscope ang katawan. Labis akong humanga sa iyo nang pinili mong umuwi nang mas maaga sa Cebu upang makapaghanda sa licensure exam kung kaya’t wala ka sa mga retrato sa puting buhangin at payapang dagat ng Samal Island .

Nagpatuloy ang ating kwetuhan sa YM-- mula sa pag-ibig hanggang sa politika. Nagpatuloy ang tawanan sa telepono, ganon pa rin ang paksa—mula sa taong tinutukoy sa blog mo hanggang sa pag-agapay sa bagong officer ng Visayas.
Naging abala tayo nang dumating ang Hunyo.

Lumipas ang maraming araw na walang sulat o mensahe sa para sa isa’t isa. Pero hindi ako nangamba na nakalimutan na ako ng aking Donya (ang tawag ko sa’yo dahil sa’yong kutis at pangangatawan). Alam kong kahit subsob tayo sa mga gawain at di nakapagpaparamdam sa isa’t isa ay di ibig sabihin na walang sandali na hindi nakiraan sa ating gunita ang alaala ng isa’t isa, natitiyak ko ito.

Habang nasa bahay ako ng isang kaibigan, nakarating sa amin ang balitang hindi agad paniniwalaan ng mga nagmamahal sa’yo, at kabilang ako don.

Ay, ayaw ko pa ring maniwala sa mga ulat nang subukan kong i-google ang pangalang “Rachelle Mae Palang.” Mabilis ang pagbuhos ng ulat ukol sa’yong kamatayan at ng dalwa pang lalaki na iyo raw kasama.

Sino bang di magugulat na ang taong kasama mo lang sa Davao at katuwang upang magturo hinggil sa mga karapata’t kalayaan at sumisigaw ng hustisya para kay “Beng” Hernandez na dating CEGP VP for Mindanao na pinatay ng mga sundalo noong 2002 at sa iba pang biktima ng pampolitikang pamamasalang at sapilitang pagkawala—ay ang pangalang laman ng mga pahayagan at balita sa ineternet ngayon? Ay pangalang namaalam na may mga sisiw na sumisiyap na iniwan?

Tulad ng palusot ng mga sundalo noon nang barilin nila si Beng sa mukha ay ang dahilang inihuhugas nila ngayon sa malansa nilang mga kamay na kumalabit sa gatilyo ng armas na itinutok din sa’yong mukha— ikaw daw ay armado.

Subalit ayon sa sundalong nakausap ng tatay ni Rachelle: walang armas si Rachelle.
Hindi ko masasabi na ang aking pag-iyak habang sinusulat ito ay ang huli kong pagluha—sinong hindi hihikbi sa pagkamatay ng isang tulad ni Rachelle na high school valedictorian, mahusay na student-leader, mapanuri at matapang na editor,mapagmahal na kasama, mabuting anak di lamang ng kanyang magulang kundi pati ng bayan at nurse na handang mag-duty hindi sa ospital sa ibayong-dagat kundi sa isang komunindad na larawan ng pagdarahop?

Tanggap ko na, na hindi ko na maririnig ang tawa ng aking Donya. Hindi ko na makikita ang pamumula ng pisngi ni Rachelle kapag usapang puso na ang paksa.
Maluwag na sa akin ngayon na abo na ang katawang lagi kong niyayakap sa aming pagkikita. Hindi na ako dapat magulat.

Hindi na tayo dapat magtaka kung ang isang Beng o isang Rachelle na walang ibang hinangad kundi ang isang bayan na walang natutulog nang gutom, at sumeryoso sa mga salitang “karapatan at kalayaan” ay tanging sa mga reatrato, alaala o panaginip na lamang natin makikita. Walang dapat ipagtaka dahil ang Pilipinas ay pinamumunuan ng isang Ginang na “evil.”

Tiyak ko na iiyak pa ako ‘pag muli kong maaalala si Rachelle. Ang taong maraming lumuluha sa kanyang pagkawala ay isang taong dakila-- isang tao para sa kanyang kapwa-tao, kaya’t hinding-hindi ko ipagdaramot ang aking luha para sa aking Donyang umibig nang buung-buo.

Magpahinga ka na Rachelle, ikukwento namin sa lahat ang ‘yong kabayanihan. Iyayakap ka namin nang mahigpit sa kalayaan, sakaling abutin namin ito.

Maraming salamat!

Mataas na Pagpupugay para sa’yo Rachelle Mae Palang!


*Sorry Rachelle, medyo natagalan akong gawin ito dahil lagi akong naiiyak sa tuwaing susubukan kong dugtungan ang aking huling sinabi. Ganun pa man, heto na at natapos ko rin sa wakas ang aking pagpupugay sa’yo. Muwah!