12 June, 2009

Kumbakit Pula ang Petsa ng Kalayaan

Maagang umalis ang kasamahan ko sa bahay upang maabutan ang libreng sakay sa LRT kanina. Libre sakay dahil araw raw ng Kalayaan.

Ito ang handog ng pamahalaan para sa pagdiriwang. Ito lang? Oo, ito lang ang kayang ibigay ni Gng. Arroyo dahil ganito rin ang kahulugan ng salitang "Kalayaan" para sa kanya: maliit na bagay.

Pula ang petsa ngayon sa kalendaryo. Ito ang kulay na mabilis mapudpod sa aking mga krayola noon. Pula ang ikinukulay ko sa bulaklak. Pula ang inihihibo ko sa puso. Pula para sa isang bahagi ng watawat- hanggang sa maging paborito ko itong kulay kahit takot ako sa dugo.

Sabi ng propesor ko, ang pula ay radikal. Sabi ni daddy ang pula ay kaliwa. Pero para sa kaklase ko, ang pula ay todas. Todas siya sa mga magulang niya pag pula ang marka sa test paper. Napakaraming kahulugan ng pula.

Pero ang pinakapaborito kong kahulugan: pula ang kulay ng pag-ibig. Ang kulay na nagpapaalala sa akin ng tula ni Romulo Zandoval: "Napopoot tayo pagkat nagmamahal."

Ang mismong paraan ng paggunita ng ating gobyerno sa araw na ito ay nagpapakita lamang ng kapayakan ng salitang Kalayaan para sa kanila na sinasalungguhitan ng kanyang mga patakaran.

Ito ang araw ng Kalayaan. Kalayaang magnakaw, mandaya, pumatay, mandukot at mandahas. Ito ang kalayaang ipinagbubunyi ni Gng. Arroyo.

Pula ang petsa sa kalendaryo dahil napopoot tayo sa huwad na Kalayaan at umiibig tayo sa totoong kahulugan ng salitang ito.

"Pag pumula ang silangan, malapit na ang kalayaan." linya ng paborito kong kanta na natutunan ko noong hindi ako nakuntento sa kahulugan ng kalayaang itinuro ng aking propesor at idinikta ng diksyunaryo.

10 June, 2009

Kasal sa Lakas ng Aklas

Ngayong ika-sampu ng Hunyo, magaganap ang kasal ng taumbayan sa lakas ng Aklas. Hindi rosas ang mamumukadkad,kundi mga kamaong mariing nakakuyom at pulang bandila.

Ito ang pagtitipong hindi na kailangan ng imbitasyon, dahil noon pa man ay matagal na tayong iniimbita ng kalunus-lunos na kalagayan ng ating bansa upang sama-samang makipag-isang dibdib sa ligalig.

Ito ang sakramento upang ganap tayong maging tao: makisangkot para sa makabuluhang panlipunang pagbabago.

Bakit ayaw ko sa Constituent Assembly o sa kahit anong hakbang para itulak ang Cha-Cha? Dahil mahal ko ang Pilipinas.

Buburahin ang ilang mga mahahalagang probisyon sa ating konstitusyon na pumoprotekta sa karapatang pantao. At pag nangyari ito, hindi malayong maging sementeryo ang buong bansa dahil sa pagsahol ng pamamaslang.

Dadagdagan ng salitang "responsable" ang probisyon ukol sa karapatan sa malayang pamamahayag. Sinong magpapakahulugan sa salitang ito? Ang gobyerno, ang utak-pulburang gobyerno.

Ang ating mga anak at kapatid na babae ay di-imposibleng maging si Nicole, dahil pahihintulutan nito ang pagdagsa ng mga sundalong kano at gagawing ligal ang pagtatayo ng mga base militar ng tusong Tiyo na si Sam. Hindi rin ligtas sa gahasa ang ating likas na yaman.

Tayo'y magiging dayo sa ating bansa, dahil may karapatan nang ganap na ariin ng mga dayuhan ang mga batayang industriya at serbisyo.

Ang edukasyon ay hindi na prayoridad ng gobyerno. At sa mga pamantasan o mga paaralan, hindi na ituturo ang nasyunalismo.

At ang mga ito ang saliw ng Cha-Cha ni Gloria.

Hindi ako sasayaw. At kailanman ay hindi ko tatambalan si Gloria sa paghataw, dahil ang Cha-Chang ito ay di lang pag-indayog sa bubog, kundi pag-indak patungong hukay.

Kaya ngayong ika-sampu ng Hunyo, magpapakasal ako sa LAKAS ng AKLAS!