22 May, 2009

Isang Hapon ng Dalwang Mahahabang Buntonghininga

Matapos makita ang mga larawan at balita sa facebook, naglaho ang bigat ng aking mga mata--naglakbay ito patungo sa aking dibdib at dumaloy sa mga kamay.

At matapos ang pagkuyum-kuyom, naging salita ang mahahaba kong mga buntonghininga.

1
Kahapon, habang naghahanda pabalik sa maingay at mausok na lungsod, natanggap ko ang balitang may isang mamamahayag na kasali sa "order of battle" ng AFP sa Mindanao. Sa naturang listahan, naroroon din ang mga pangalan ng mga miyembro ng iba't ibang organisasyon na kritiko ng gobyerno.

Noong bata pa ako, 'pag sinabing listahan, ang kahulugan nito sa akin ay:
pangalan ng maiingay sa klase.
pangalan ng mga kapit-bahay na nagpasupot ng sardinas o itlog at bumabalik kung akinse o katapusan.
dalawang numero na tinatayaan ni daddy na sinasabi pa niyang tumbok ganito at sahod ganito.

Nang mabasa ko ang statement ng mamamahayag na si Carlos Conde, tumayo ang aking balahibo sa batok.

Sino nga ba namang hindi magngangamba 'pag ang pangalan mo ay nasa listahan ng mga militar? Sinong hindi mababalisa lalo pa't ang Pilipinas ay ika-2 sa buong mundo na delikadong lugar para sa mga mamamahayag?

Sinong mapapanatag lalo pa't maging ang ulat ni UN Special Rapportuer Professor Philip Alston ay nakaturo sa mga naka-fatigue? Sinong magkikibit-balikat sa ganitong balita sa ilalim ng isang rehimeng nasasadlak sa sandamakmak na kaso ng paglabag sa karapatang pantao?

Hanggang utak-pulbura ang presidente, Carlos Conde, mananatiling kaaway tayo ng rehimeng ito na galit sa mga nagsasabi at nag-uulat ng totoo.


2
Isang guwardiya ang humaya ng kanyang hawak na baril sa mga magsasaka. Marahas na binuwag ng mga mamang pulis ang kampuhan ng mga magsasaka. Ito ang eksena kanina sa bukana lamang ng Batasan.

Ilang linggo na rin ang kampuhan ng mga magsasaka mula pa sa Timog-Katagalugan upang tutulan ang CARP at isulong ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Subalit sa halip na pakinggan, dinahas ng mga alagad ng batas ang mga nagtatanim at nagpapakain sa lipunan, silang halos buong-buhay na sa pagbubungkal at pagpapayaman ng lupang sa kasalukuyan ay di matawag na kanila.

Walang ibang dapat mag may-ari sa lupa kundi ang mga nagpapala rito. Subalit
habang patuloy na ipinagkakait sa mga magbubukid ang pagmamay-ari sa lupa, habang may huwad na tagapagtanggol ang huwad na CARP (si Riza Honteveros-Barraquel), at hanggang ang ang sistema ay ang mismong nagpipriserba ng piyudalismo-- patuloy na magsasatingga ang mga buntonghininga di lang ng mga nagtatanim, kundi lahat ng nagugutom. Nagugutom sa maraming bagay.

Buntong-
hininga.
Buntonghininga.

11 May, 2009

Ang Bago kong Paboritong Salita

Mahaba-haba rin ang patlang na naganap sa aking pagdadrama rito. Ewan ko ba, kung kailan ako maraming bagong natutunan mula sa dinaluhang workshop, ay saka naman ako nahihirapan magsulat.At ito ang pinaka-bagong dramang aking kinakaharap.

At itong binabasa mo ngayon ay isa na namang pagtatangka na palayain muli ang mga salita na nangagsabit sa aking dila.

May bago na namang nadagdag sa listahan ng mga paborito kong salita, Iyas. Salitang Hiligaynon na natutunan ko sa Bacolod nitong mga nagdaang linggo. Hindi lang ang matalinghagang kahulugan nito o ang mismong musika ng salita ang naging dahilan kung bakit naging paborito ko ito-- higit sa lahat ang mga aral at alaala na sumibol sa Iyas workshop.

Nadagdagan din ang mga kaibigan ko sa facebook, ang tetxmate,kachat.
Nadagdagan ang mga kakilala kong nagsusulat,
ang mga dapat isaalang-alang sa pagsusulat,
ang pagkilala at pagsuporta sa iba pang lenguwahe sa bansa.
At higit sa lahat, nadagdagan ako ng timbang (hahahaha) dahil sa masarap na pagkain
at komportableng tulugan ng Balay Kalinugan. Tinubuan ako ng pakpak nong nandoon ako (literally at figuratively).

Ay muntik ko nang makalimutan, Binhi nga pala ang katumbas na salita ng Iyas.

25 April, 2009

Punebre sa Kamatayan ng Batas(an)

Salamat at nagdesisyon ang Korte Suprema na magpapalawak sa representasyon ng mga “marginalized sector” sa Kongreso.

Subalit nais kong idiin ang salitang “marginalized” para sa kapakinabangan ni Palparan at ng kanyang presidente at mga zombies nito.

Ang marginalized ay:

1. siyang lagi’t laging biktima ng pang-aapi’t pandarahas;
2. siyang lagi’t laging ninanakawan ng karapata’t kalayaan;
3. siyang lagi’t laging di-pinakikinggan;
4. siyang lagi’t laging kinalilimutan;
5. tiyak kong hinding-hindi si Palparan.

Congressman na si Palparan? Wawawawow!
Marami na namang susunduin si San Lamuerte.

13 April, 2009

Panalangin ng Panahon

" A devotee, no doubt, in search of greener pastures presses a passport on the glass enclosing the miraculous image of the Mother of Perpetual Help at her shrine in Baclaran.”
-Kapsyon ng larawan ni Lyn Rillon, PDI, Nobyembre 21, 2008


Nagmamapa ang gitling-gitling
na guhit ng aking mga palad

sa lapad na bubog ng ‘yong kabanalan.
Naririto ang ruta ng mga bulong

na pilit ko ring tinunton sa mga butil
ng misteryo, at sa pulu-pulong

patak ng puting esperma.
‘Pagkat pangako nila’y di naging tinapay—

Ina, inilalapit ko po sa’yo ngayon
ang aking paglayo.

Upang saklolohan ang aking sikmura
at masumpungan ang lupalop ng katubusan.

At sa aking patutunguhan, nawa’y iadya mo po ako
sa lahat ng masasama.

01 April, 2009

Huling araw ng aking buhay FT

Tuluyan nang ginapi ng kontradiksyon ang may-ari ng blog na ito.

Halos tatlong taon din ang aking inilaan upang makatulong at makapagsilbi sa kapwa. Sa mga taong ito, hindi lang iisang beses na dumating ako sa puntong nais ko nang lumayo at limutin kung ano ako bago ko isulat ito.

Tiyak, matutuwa na si daddy at ang dalawa kong nakatatandang kapatid 'pag nalaman nila na iiwan ko na ang Maynila, iiwan ko na ang lahat-lahat sa Maynila. Uuwi na ako sa probinsiya upang doon simulan ang paglimot sa aking naging buhay sa mausok at maligalig na lungsod.

Mahirap ang humantong sa ganitong pasya lalo pa't sa loob ng mahabang taon ay ito ang naging sentro ng aking pag-iral: pakikisangkot. Sa totoo lang, hindi ko pa rin alam kung paano na nga ito gagawin. Lahat ng pangalan sa aking phonebook, lahat ng mga kaibigan sa facebook at friendster, lahat ng link sa aking blog ay bahagi (o mas tama na nangayon ang "naging bahagi") ng aking buhay bilang isang full-time (FT) sa organisasyong nagnanais ng isang makabuluhang pagbabagong panlipunan.

Magpalit man ako ng sim card, i-delete ko man lahat ng account ko sa internet, umuwi man ako ng probinsiya-- alam kong ito ay panandalian lamang na paglimot. Panandalian na kailangan kong piliting maging pangmatagalan o panghabambuhay na, dahil ito na ang aking pinipili. Ito na ang aking pinili mula ngayon.

Sa mga nakasama ko sa kagutuman, modahan, tulaan, awitan, pagdidikit ng mga posters sa kalsada, takbuhan sa Mendiola, sa mga nagdarahop na komunidad, sa mga picketline, sa mga pag-aaral, sa mga debate, at sa lahat-lahat, Maraming salamat.

Hanggang dito na lang talaga siguro ako, salamat nang marami mga kasama.

Hindi ko kayo mapipigilan at hinding-hindi ko kayo pipigilan kung bahain man ninyo ng reaksyon ang artikulong ito. Mga kasama, lagi ninyong tandaan: dapat higit tayong magsuri sa unang araw ng Abril. Happy April Fool's Day! Apir!