31 March, 2009

Sobre

Kumakatok ang lungkot
sa tuwing dumarating
ang kartero…

Maingat kong binubuksan
ang sisidlan ng kuwento mong
ilang ulit tinupi.

Marahang inuusisa
ng aking mga mata
ang kurba
ng mga letra ng liham
mong malihim.

At pagkatapos,
lalakbayin ng aking ilong
ang mga sulok ng ‘yong sulat
bago muling isuksok
sa parihabang alkansya ng lumbay.

Ay, para akong mapupunit
sa langitngit ng pintong hinagkan ng
hangin.

24 March, 2009

NAKAMAMATAY: Bawal ang Makabayan sa Embahada ng Amerika sa Pinas*

Bukol, putok na ulo, ube sa braso, ube sa mukha, ube sa likod, ube sa hita, ube sa binti, ube sa paligid ng mata, bangas, putok na nguso, wasak na kamiseta at basag na salamin sa mata-- ito ang depenisyon ng dramang "To Serve and Protect" ng PNP sa mga sumusugod sa embahada ng kano.

Sa balita, sa pag-init ng usapin ukol sa Visiting Forces Agreement (VFA) , panay-panay na naman ang ulat ukol sa mga rally sa nasabing embahada. Panay-panay na naman ang kabrutalan ng mga "Pulis na Pilipino" sa kanilang mga kababayan.

Noon pa man, kahit hindi sa usapin ng VFA, tulad ng pang-gigyera ng Amerika sa mga bansang Iraq at Afghanistan: sinasalubong ng hambalos ng truncheon at wasiwas ng pamalo ng mga mamang pulis ang mga raliyista na nagnanais tuligsain ang mga patakaran o karahasan ng gobyernonng kinakatawan ng naturang embahada.

Bugbog-sarado ang mga Pilipino sa sarili nilang bayan. Bugbog-sarado ang mga Pinoy sa kanilang mga kababayan, mga kababayang pulis. Habang sa loob ng embahada, sa malamig na embahada ay namamahinga o siguro ay pahila-hilata at pakamut-kamot ng kanyang itlog ang manggagahasang si Daniel Smith. Si Daniel Smith na manggagahasa.

Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy ang gobyerno ng amerika!

Kung bakit babalik at babalik ang mga mamamayan sa embahadang ito kahit ilang ulit masaktan,
kung bakit dapat tayong sumama sa kanilang pagbalik ay dahil:

pauulit-ulit nilang ginagahasa ang ating soberanya.
Pauulit-ulit nilang binababoy ang ating karapatan.


*Matapos kong makita ang namamagang sugat ni Kepi sa taas ng kanyang ilong, sa pagitan ng kanyang kilay.

10 March, 2009

Elehiya kay teacher Rebelyn

Apat na araw bago ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, isang puting van lulan ang mga armadong kalalakihan ang tumangay sa isang guro sa Davao City.

Tatlong araw bago ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan-- natagpuang lumulutang sa isang ilog sa Carmen, Davao Del Norte ang guro na napaulat na dinukot, si teacher Rebelyn M. Pitao.

Isang substitute teacher si Rebelyn sa St. Peter College sa Toril, Davao City. Nang matagpuan ang katawan ng 20 anyos na guro: may 3 sentimetrong "ligature mark" sa leeg, 5 saksak na kung saan ang 2 ay itinarak sa kanyang kaliwang dibdib. Ang mga nasabing atake rin ay tumagos sa kanyang bituka, baga at diaphragm. Mukhang hindi pa nakuntento ang mga salarin, kung kaya't isang matigas na bagay pa ang kanilang iniulos sa maselang bahagi mo teacher Rebelyn.

At sa nangyari, isang malaking itim na tandang-pananong ang naiwan sa pisara, sa pasilyo, sa mga silid na pinagtuturuan mo, sa kuwaderno ng 'yong mga mag-aaral, sa Davao, sa Mindanao, sa buong bansa at sa buong daigdig. Isang MALAKING itim na tandang-pananong na tumititig sa amin sa araw-araw.

Anak ka raw ng isang opisyal ng New People's Army, e ano naman ngayon? Lahat naman tayo ay anak ng ating mga magulang na may pinili/pinipili pa ring tahakin sa kanilang buhay. Ang bawat isa naman sa daigdig ay nanggaling sa mga tinatawag na nanay at tatay na bago pa man tayo isinilang ay may gawaing pinaglalaanan na ng panahon. Lahat tayo ay anak ng mga nilalang na maaring isang abogado, pulis, sundalo, nurse, prostitute, OCW, Pulis Oyster, yaya-- at sa'yong kaso, ikaw ay anak ng isang NPA na nagnanais magpabagsak sa sistemang umiiral sa ating bansa--pero hindi ibig sabihin nito ay kung ano sila ay ganon din tayo.

Hindi one plus one ang buhay-- at ito ang hindi natutunan ng mga salarin.

Ang pagbibigay ng katarungan sa iyong malagim at maagang pamamaalam at ang pag-aangkin ng isang makataong lipunan ang takdang-aralin na hinding-hindi namin katatamaran.

Isang mataas na pagpupugay sa gurong inialay ang kanyang panahon at galing para sa kanyang mga kababayan at bayan!

Isang mataas na pagpupugay para sa iyo teacher Rebelyn M. Pitao!










07 March, 2009

Liyab ng Lila

Napatda sa'king kaliwang dibdib ang mga paningin ng tao sa LRT2 kagabi. Nakalimutan ko na may ikinabit nga pala akong kapirasong papel na may lasong lila at may nakasulat na: "Women's Rights are Human Rights."

Nagtataka sila kung bakit sa isang lalaki nila mababasa iyon. Namamangha sila na sa kasariang di umano'y pinaghugutan sa kanila na may malapad na balikat ang kakikitaan nila ng pirasong papel na itinusok ng aspile. Hinihintay ko lang na may magtanong. Subalit nakarating ako sa 'king destinasyon na puro mata, hindi bibig ang nagtanong.

Alam kaya ng mga nanay kung bakit ako may ganoong drama? Alam kaya ng mamang matagal na nakatingin sa nakasulat kung anong ibig sabihin noon?

06 March, 2009

Mga Kababayan Ko, Nais Kong Malaman N'yo

Habang nakatigil lang ang mga dyip at walang humpay na bumubusina, businang akala mo naman ay bubuwag sa buhul-buhol na mga sasakyan-- dumating ang isang mensahe. Bagama't alam kong posible ito lalo pa at napabalita ang kalagayan ng kanyang kalusugan, mas pinili ko pa ring magduda sa mga letra sa screen ng topakin kong cellphone.

Nang makarating ako sa Vicente Cruz, muling tumunog ang aking cellphone: "beh patay na si Francis M. :-(" Bigla-bigla, tumugtog sa aking isip ang kanyang mga kanta. Parang wala akong ibang nariring kanina habang naglalakad sa may Nagtahan. Wala akong ibang narininig maliban sa boses ni Kiko. Wala akong ibang naiisip maliban sa batang ako at si kuya na sinasabayan si Francis M. sa radyo.

May lungkot sa bawat pamamaalam. Nalulungkot ako kaya nga nagsulat ako ng ganito. Hindi lang dahil sa tagahanga niya ako kaya ako nalulungkot. Hindi ako nalulungkot dahil wala na talaga akong pagkakataon na makita siyang kumanta sa labas ng aming TV. Hindi ako nalulungkot dahil hindi na niya masasamahan ang EHEADS bukas--- ang maagang pamamahinga ng isang mahusay na alagad ng sining, isang nasyonalistang artista ang kahulugan ng aking lungkot.

Mga kababayan ko, nais kong malaman niyo:
Maraming mahuhusay kumanta, maraming kanta ang may kaaya-ayang tunog, subalit sa huli-- ang paksa pa rin ng awit, isang tinig na handang tumindig at tumunggali sa hamon ng panahon ang magbibigay dahilan upang maging imortal ang sining at ang artista.

Tinakdaan man ng sakit ang iyong pananatili rito Kiko, ipinagdamot man sa amin ng 'yong kalusugan ang mga bagong awit-- Francis Magalona nais kong malaman mo, bilib ako sa ambag mo sa'ting mga Pilipino.