Alam ko, pwede akong mapaaway sa bisyo ko. Kung pwede lang dukutin ang mga mata at ibalik na lang ulit, siguro gasgas na ang eyeballs ko o pingas-ingas na maiwasan lang ang nauna. Pero dahil nga ang nasabi ko ay maaari lang sa mundo ng mga sana, kawawa naman ako huhuhu.
Hindi ko pa rin talaga maaral kung pa'no didisiplinahin ang aking mga mata 'pag nagbibyahe o kahit pag naka-upo lang sa kung saan. Malakas talaga ang hatak sa akin ng mga mukha ng tao sa bus, jeep, lrt,mrt etc. laluna yaong mga natutulog. Paglilinaw lang, hindi ko sila pinagnanasahan, unahan ko na 'yong mga hitad na makababasa nito.
Madalas, mas mahaba pa sa oras ng aking biyahe ang paghagilap ko ng sagot kung bakit ba ang daming natutulog sa sasakyan. Kung minsan nga, nakarating na ako sa aking destinasyon o nakauwi na ako sa bahay ay di pa humihinto ang aking utak sa pag-iisip sa aking mga nakasakay. Para bang ayaw pumara ng kanilang mga hapung-hapong mukha sa aking gunita.
Kagabi, sa bus pauwi sa Manila, nasa pagitan ako ng dalwang babae. Si nanay, na naka-kulay green at may pisil-pisil na rosaryo sa'king kaliwa at si Ana T., sa'king kanan. 'Pag sakay pa lang namin ay tulog na si nanay. Nakita ko na lang siyang gising noong nasa Kamias na kami.
Tatlumpung minuto pag-kasakay namin, knock-out na rin si Ana. Mas nagfocus ako kay nanay, dahil si Ana ay madalas kong makitang tulog. Mahipan lang kasi ng hangin ang babaeng 'yon, ay agad makagagawa ng muta. Kulang na ang ngipin ni nanay sa harap. Maabo na rin ang kanyang buhok. May alon na ng balat sa kanyang mukha. Nasaan kaya si nanay habang tinitingnan ko siya? Ano kayang ginagawa niya sa lupalop ng kanyang panaginip? Kung bigla kaya siyang magising at maabutan ang aking mga matang nakapatda sa kanya, sasampalin niya kaya ako? O biglang itatas ang rosaryo at magsisigaw ng "demonyo!demonyo!"
Habang minamapa ko ang pagod sa kanyang humpak na pisngi, pilit ko ring hinanap ang dahilan kung bakit ganon na lang siya kapagod. Hay, sa kaliwa ko pagod, sa kanan ko, pagod, sa unahan ko si Leni na tiyak ay pagod din. At ang taong nasa likod ko, kahit di ko na tingnan ay alam ko ring nakatulog dahil sa pagod. Nang sumakay kasi kami ay nagkukwentuhan pa sila ng kanyang kasama.
Araw-araw, lulan ng mga sasakyan ang mga hapung-hapong mga nilalang. Dumaragdag sa alinsagan ang panay-panay na paghikab. Ay, hindi ko mapigilan ang mapatingin sa mga mukha ng aking mga kasakay dahil nakikita ko sa kanila kung ano ang aking hitsura 'pag di napaglalabanan ang antok sa biyahe.
Paroo't parito sa lungsod ang mga katawang nananaginip sa bawat pagsandal, dahil sa pagod mula sa paulit-ulit na panggagahasa sa atin ng mga pabrika, akademya, mga kuwartong nagyeyelo sa Makati, Ortigas at Libis.
Ang paulit-ulit ay nakapapagod. Ang pauulit-ulit ay nakagagalit. At ang galit ay laging dumudulo sa paghihimagsik na nagsisimula sa pag-gising.
10 December, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)