15 December, 2010

Salin ng Origami

Origami
Marjorie Evasco

Yaring salita’y bumubuka, tinitipon ang hangin
Upang paliksihin ang tagak sa paglipad
Hilaga ng aking araw sa iyo.

Hinuhugisan ko yaring tula
Buhat sa papel, tinutupi
Ang pagi-pagitan ng ating mga kapanahunan.

Yaring tula ay isang tagak
Na sa pagkabuka ng mga pakpak,
Ang papel ay magiging wagas at walang-laman.


Origami
Marjorie Evasco

This word unfolds, gathers up wind
To speed the crane’s flight
North of my sun to you.

I am shaping this poem
Out of paper, folding
Distances between our seasons.

This poem is a crane.
When its wings unfold,
The paper will be pure and empty

12 December, 2010

Bottom

Sa pagitan ng aking pagmamakata-makatahan ay ang pagsasalin-salinan. Heto ang personal na salin ng tula ni Ronald Baytan. Ang English version ay galing sa internet.


Ilalim

Hapdi ang karampatang kabayaran
Yaring aking pagpapaubaya
Sa itinangi-tanging hiling
Na ibigin ng mga bagay-bagay ng pag-ibig
Na sumibol at bumaklas
Sa mga pinid
Ng aking balat. Kapuwa-lalaking kaibigan.
Nararapat mong malamang
Ako’y isang baguhan sa hapdi
At ang aking mga halinghing ay dalisay
Tulad ng mga tisang nagigiba.
At sa iyong bawat paglagpak sa aking kaakuhan,
Ako’y nagiging grabedad
pinananatili ang lapat ng sandaigdig,
Ako’y naging batong
Binarena hanggang maging pinong deposito.

Ako’y bumalikwas,
Tumihaya,
At nangayupapa

Sa kawalan, nilagusan
Ng tingga ng iyong pag-ibig
Hanggang sa ikaw ay makaraos.
Samantalang nahihilata sa iyong likod,
Kinilatis mo ang aking mga mata at nakitang
Ang pagiging ibabaw ay may kabayaran,
At anong sakit, sapagkat walang kahit sino,
Walang kahit sino ang nais mapailalim.


Bottom

Pain must be the price
of my submission
to a long-cherished wish
to be loved by love-things
that grow and rip
open the sealed vaults
of my skin. man-friend.
you must know
i'm a novitiate of pain
and my moans are pure
like bricks breaking
apart at your every plunge.
as you crash into my being,
i become gravity
holding all of earth down,
i become a rock
drilled to grainy sediments.

i twist,

turn,

and shrink

to nothingness, shot through
with bullets of your love
till you are through.
now lying on your back,
you read my eyes and see
being top has a price,
and it hurts, because nobody,
nobody wants to be bottom.

03 December, 2010

Kuliglig sa Lungsod

1

Ginising
ng tinig
ng mga
kuliglig
yaring
aking
balahibo
sa batok,
braso’t
binti

kagabi,
nais ko
sana
silang
hanapin.
Subalit
paano,
gayong
tanging
tainga
ang sa
kanila’y
nakakikita
rito
sa matuwid
na kalsada
ng lungsod?

Humarurot
ang aking
antok
palayo
sa pagbigat
ng kanilang
hininga.
Ganitung-
ganito
nga sila
pagka-
katapos
buhusan,
lunurin
ng lamig:
siksik
liglig
umaapaw
ang ligalig.

Sa mga
sandaling
iyon—
napapanis
na ang
laway ng
buong
kapuluang
wala
man lang
bakas ng
pagkabalisa
sa paninimdim
ng paligid.
Sapagkat
ang nata-
tangi niyang
pagkabalisa
ay bara sa
kalsada.


2


May luksa sa asong nawala,
subalit kung kulisap— wala
kahit buntong-hininga.
Sapagkat walang puwang sa kalunsuran
ang mga mumunting lumbay.
Sapagkat dito:
nakamamatay ang pakikiramay.


3

At sa aking paghihintay
sa muling pagdantay ng pungay:
isang munting obituwaryo ang nalathala
nang subukan kong tumula.
Patung-patong na mga puntod
ang aking mga taludtod.

Agad kong sinindihan ang munti kong kahibangan.

Sapagkat siksikang lansangan lamang
ang ngalan ng aking pangamba
rito
sa
matuwid
na
kalsada
ng
Maynila.

02 Disyembre 2010

24 November, 2010

Yaring Ngalan ng Ating Katahimikan

Maaga niyang naramdaman
ang kahulugan ng titig ng tatlong tuldok.
Sa hapag-kaininan, ito ang sangkap
ng umaasu-asong kumustahan kung hapunan.
Sa palaruan, ito ang iling
sa bawat takbo at tilapon ng bola.
Sa dalanginan, ito ang sapilitang pagluhod
at pagkakanulo sa sarili.

Hanggang kanyang natutunan
na may batas ang paggalaw,
may mga bantas ang pag-usal.

Na sa paglao’y kanyang naunawaan
ang kuwit na nakasabit
sa lalamunan ng kanyang ina,
ang gitla ng mahabang gitling
sa mga pangungusap ng kanyang ama,
ang mga nakaambang panaklong
sa lingon ng kanyang mga kalaro,
ang nakadilat na panipi
sa pikit na mga talata ng aral.

At kanya ngang napagtanto:
may karahasan ang dilang
nasasalat sa salita.

Gayong kay tahi-tahimik—
wala silang naririnig.
Sapagkat ang lahat-
lahat hinggil sa pag-ibig
ay matagal nang ipininid.
Subalit

kay tagal na ring nabatid
walang di babaklasin,
mga braso ng pag-ibig.

24 Nobyembre 2010

Heto ang paunang pagbawi sa matagal kong pananahimik. Paumanhin sa mga nagtatanong at naghahanap ng bagong tsismis.

03 June, 2010

ulan

Ginising ako ng malakas na buhos ng ulan.

Agad kong sinarhan ang mga bintana, na para bang kumakatok na ayaw pagbuksan. Na para bang isang bisita na ayaw masilayan. Na para bang friend request sa facebook na ayaw pahintulutan. Na para bang kahapon na wala nang espasyo sa ngayon.

At napakarami pang para, susme-- ganito ata talaga pag bigla kang naantala sa pamamakyaw ng muta.

Habang sinasalansan ko't iginugrupo ayon sa kulay ang aking mga damit,parang pelikula ang sasabihin ng isa kong kaibigan-- may sulat na ilang ulit tinupi ang nalaglag. Pero hindi ko na binasa. Saulado ko na ang tulang naroroon.

Parang ganito rin ang tagpo noon, umuulan habang nagkakape kami ni makata at sinasabayan ang The Beatles.

All you need is love
All you need is love, love, love
Love is all you need.

Parang pelikula, sabi ko.

Subalit walang cuts o script ang buhay. Hindi tayo itinatakda sa isang tagpo-- nagaganap ang lahat dahil sa kondisyon, konkretong kondisyon ng ating iniinugan. Hindi telon ang ating mundo; laman tayo hindi makulay na anino.

Hindi na lang sana ako nagsalita, pa-artist pa kasi ako, yan tuloy dinugo na naman ako.

Bago kami maghiwalay non, isang sulat ang pinabaon nya sa akin. Ito yung hahalughugin ko sa tuwing nalalango sa pag-ibig upang makabalik ako sa huwisyo-- Subalit hindi pelikula ang Pagsinta-- ang pamagat ng tula ni makata.

Matagal-tagal na kaming hindi nagkikita at kung magkita man ay parang hindi pa rin talaga ganon na masaabi mong nagkita. Ganon pa man, siya ung tipong gusto ko pa rin makita (sa akin yun, ewan ko sa inyo).

Ano kayang ginagawa niya habang pinipindot ko ang mga letra na bumubuo sa pahinang ito? Akala ko isang pangungumusta ang kanyang sulat sa fb nong minsan, ayun,naholdap daw siya noong isang linggo.

Hindi ko man lang kinakitaan ng galit ang kanyang sulat. Kunsabagay, si makata yun. Tiyak, sa gubyerno na naman yun naha-high blood. Mamamapak na naman ako ng pagsusuri kung bakit tuwing magpapasukan o kung may okasyon sa bansa ay andaming nanunutok.

Nagpalit na ang panahon. Nagapalit na ang administrasyon. Mayroon pa bang kapana-panabik sa pagpapalit?

Hindi ko man lang pinakitaan kahit tilamsik ng pananabik ang pagdating ulan.

30 March, 2010

Ang nagbabagang dila nilang mga "nakapag-aral"

Kasunod ng pagkatupok ng mga bulok na upuan, pasilidad sa PUP-Sta. Mesa-- nagliyab ang dila ng mga nagke-claim (batay sa kanilang mga binitawang pahayag)na mga edukado. Sila 'yung kabaligtaran ng kanilang pinararatangang "barbaro" o "bayolente."

Sa totoo lang, kung hindi pa sa antas ng protesta na ipinamalas ng mga mag-aaral-- hindi naman mapag-uusapan ang mga problema sa edukasyon. Kung hindi naman nadistrongka ang gate ng CHED ay hindi bababa si CHED Chairman Angeles. Hindi siya magpapahayag na hindi magtataas ng matrikula (mula sa P15-P200) ang PUP.

Pabilisin natin ang eksena: nagtuluy-tuloy ang protesta, binato ng paintball si Chancellor Velasco ng UPLB, hindi natuloy ang Board of Regents meeting ng UP. Hinuli ang limang student leaders ng PUP na papunta sana sa CHED dala ang mga sira-sirang upuan/pasilidad upang ipakita sa CHED ang kanilang kalunus-lunos na kalagayan. Binomba ng fire extinguisher ang mga estudyante sa CHED.Binawi ni PUP president Guevarra ang kaso. Lumaya ang mga estudyanteng ilang araw rin sa piling ng mga pulis sa Metro Police District. Inangkin ni Mar Roxas ang tagumpay ng pagbasura sa pagtataas ng matrikula sa PUP.

Dalawang linggo na halos laman ng balita ang mga nabanggit. At ang sumunod na tagpo: kanya-kanyang eksena sa pagpapabida/pagpapatalinuhan sa pagsusuri sa nangyari. Dumagsa ang mga nagpoposturang intelektwal/edukado.

Noli de Castro, Arnold Clavio, Bianca Lapus, Alex Magno at marami pa. Marami pa silang nagpanggap na may alam. Marami silang agad bumato ng mga paratang: bayolente, barbariko at kung ano pang mga salitang nasa dila ng mga liberal.

Kung nais nyong malaman kumbakit nagliyab ang damdamin ng estudyante-- halika,sasamahan ko kayong mag-enrol sa UP, PUP at EARIST.

Kay Bianca, hindi ba't taga-PUP ka? Nakita mo ba ang bentilador na iginuhit ng estudyate sa kisame ng isang silid sa main building? Teka, ilan nga ba kayo noon sa classroom? At maalala ko, nakapanghiram ka na ba ng libro sa lib nyo (ang pinakamalaking library sa Southeast Asia pag dating sa sukat)? Hindi mo nabanggit ni minsan ang mga ito sa Bottomline.

24 February, 2010

katagang kampit

Sapagkat sandata rin ang mga salita. Ito ang sandatang mas nahahasa at nagiging epektibo kung lalapatan ng pagkilos. Kwentuhan mo ako,pagkatapos, bigyan natin ng kaganapan ang iyong mga kataga.

http://kabataanpartylist.com/blog/the-real-heroes-of-edsa1/

14 February, 2010

lunas sa paghahanap ng kapanatagan

Bukod sa sirenang may nangungupas na buntot, at mga anak ng kung anu-ano (anak ng ahas,alimango, syokoy) at kumakain ng buhay na manok at mga kung anu-ano pang kayang kainin basta makapaningil sa mga nagpapaniwala (kasama na ako dati roon)-- inaabangan ko lagi noon ang mga sasakyang bakal na nanggigitata sa grasa sa tuwing magpipista sa amin.

Isa sa mga paborito ko noon ang horror train. 'Yung tipong bumayad ka para mabugbog ang puwet mo at'yung tipong kung kelan nasa gitna na ng lagusan kung saan nakakonsentra ang mga nananakot ay doon laging nagkakataon na tumitigil (o sinasadyang itigil). Kulay violet,pula o green ang ilaw sa loob nito. Lagi namang ganoon, pag nakakatakot ang eksena, violet o pula o green ang ilaw. Tapos sa loob may kung anu-anong boses: boses ng matanda, bata, humahalakhak, umiiyak. At may kung anu-anong nahuhulog mula sa itaas o sumusulpot sa gilid-gilid.

Siyempre 'pag ganitong usapan hindi mawawala ang tsubibo o mas alam ng karamihang Ferris wheel. Madalas hindi ko kakilala ang kasama kasabay kong sumasakay rito noon. Ayaw akong samahan ng mga kapatid o mga pinsan ko dahil natatakot. Marami na rin kasing nabalitang nahulog at sumabit-sabit bago tuluyang humampas ang katawan na madalas, ayon sa kwento,ay una ang ulo sa paglagpak. Ang morbid. Pero sakay pa rin naman ako nang sakay. Natutuwa ako pag nakikita ko ang kabuuan ng perya mula sa itaas. Pakiramdam ko, natutupad ang pangarap kong makalipad.

Lahat ng alaalang ito ay parang mga tao sa perya na dumagsa sa aking gunita nang pumunta ako UP Fair, at hinilo sa pagsakay sa galamay na bakal na may makukulay na ilaw. Octopus ang tawag nila rito at P30 ang bayad para mapasigaw habang ibinabalibag sa ere. At ito lang ang tangi kong sinakyan at nagpasaya sa akin sa Fair.

Maraming taong pumupunta sa perya para magsaya. Dito, hindi mo kailangan ng kasama para di maramdaman ang pag-iisa. Sasamahan ka ng mga nagtitingkarang kulay, nagsasabugang liwanag; ang bawat sandali rito ay alok ng pagtakas.

Subalit sa Fair,bagama't ang set-up ay nag-aalok ng saya, hindi nito hinahayaang maging lagusan ito tungo sa pagtakas. Sa kabila ng mga sumasabog na liwanag at kumakalabog na tambol: pinag-uusapan ang mga bagay na tinatakasan ng karamihan, o kung hindi man, ay pinagkikibit-balikatan lamang ng mga nagtatalunan sa tugtog at nagihiyawan sa pagkakita sa paborito nilang bokalista.

Habang naglalakad patungo sa sakayan pa-Philcoa, para akong dinadaganan ng mga paang nagtatalunan nang bigla kong maalala sina kuya Rey, ate Tere at Dr. Merry. Kumusta na kaya sila at ang iba pang iligal na inaresto at pinararatangan ng AFP sa Morong Rizal? Habang nasa Octopus kaya ako, ano kayang kalagayan nila sa Camp Capinpin? Kung nahihilo sila, ano kayang sanhi ng kanilang pagkahilo? Sampal? Tadyak? Hampas? Kuryente?

Katrabaho ko sila dati sa isang health NGO, pag nabasa ito ng AFP, tiyak-- tatawagin din nila akong NPA.

Mas naging malinaw sa akin, walang ibang iniaalok ang ating panahon kundi pagbabalikwas. Walang ibang lunas ang aking pagkabalisa kundi sumasabog na pagtuligsa.

Araw ng puso ngayon, susubukan kong langgasin ng berso ni romulo Sandoval ang aking agam-agam,"Napopoot tayo pagkat nagmamahal."

11 January, 2010

RITWAL SA PAG-ALIS

(Kay Grace at Juaniyo)

Humayo na, humayo sa katanghalian
Habang itong lungsod ay marubdob
Na titindig sa liwanag,
Katumbas ng iyong impit na lumbay.


Sanlaksa ang kaparaanan ng pag-alis:
Kahit piliin pa nating manahimik
Ang ating mga katawan, mga kamay, mga paa, mga pandama
Ay pinababatid ang kanilang tinig sa ating pamamanhid
Tinitipon ang mga bagay sa bawat silid upang igayak
O sinusuyod ang mga kalsada at lansangan
Pagkakatapos ng kinagawiang pag-inom kung dapit-hapon.


Mas madaling umalis
Kung tanghaliang-tapat—
Ang panginurin mula sa pantalan, waring postcard,
Pinaganda ng usok mula sa kusina
At ng namumukadkad na mga punong akasya—
Isang pangkaraniwang tagpo sa araw ng Oktubre
Na marahil ay pareho lamang
Sa iyong pagbabalik: isang di maipaliwanag na paniniyak
Ng di masukat-sukat o yaong
Tinatawag nating di-mawawasak.

*salin ng tulang Ritual for Leaving ni Marjorie Evasco

01 January, 2010

Fantasia

Bilog ang mata ng langit, malinaw ang rainbow sa paligid ng buwan. Ang ulap, parang bitak-bitak na lupa. Parang mga papel/sulat na nilamukos at inihagis na para bang napaso. blue moon daw ngayon.

Swerte raw ang bilog pag new year. bilog na mga prutas. bilog na disenyo sa damit. basta bilog, sabi ni mommy at ni lola, pera raw ang ibig sabihin non. dati rin, pag patak ng 12:00, pintatalon kami. di lang simpleng talon ginagawa namin, umaakyat pa kami sa upuan tapos doon parang Maskman/Shai-der na tatalon sa sahig para araw tumangkad. At pagkakatapos ng ganitong gabi, bilog din ang aming tiyan.

Matagal na ganito ang kalakaran ng pagsalubong namin sa siklab at sabog ng pagpapalit ng taon. Pero ito ang pasabog: hindi naman tumangkad ang aming kapatid, siya pa naman ang karir na karir sa pagtalon. At iyon, puro barya lang ang madalas matira sa bulsa di daddy pagkakatapos ng ganitong pagdiriwang. at siyempre pa, ang tiyan niyang parang laging kabuwanan.

***

Nagpaparenta ng Fantasia komiks noon ang aming kapit-bahay. Kaya naman matagal din akong naniwala kina mommy at lola. Tuwing kabilugan noon, niyayaya ko ang aking mga kalaro para mag-abang sa paraluman sa sagingan. Sabi kasi sa komiks, agimat ang iluluwa ng puso ng saging. Natigil ang lahat ng kabaliwang ito nang magluto si lola ng puso ng saging kinabukasan, wala namang kakaiba. wala namang parang bato o kahit anong alam kong hindi bahagi ng saging na magbibigay ng kapangyarihan.

andami-raming ritwal sa pagpapalit ng kalendaryo. samu't sari ang gimik ni mommy para swertehin. Pero ang totoo, ni hindi pa man lang kami nakatama sa lotto o ilang ulit pa lang siyang nakabalik taya nang matsambahan ang ilang numero. anim kami sa pamilya, saktong bilang ng numerong tinatayaan sa lotto, na siyang laging tinatayaan ni mommy. Hanggang hindi ko namalayan na hindi na ginagawa ni mommy ang paglalagay ng mga barya sa sulok ng bahay, bintana, baitang ng hagdanan, ibabaw ng bigasan.

gawa na rin siguro yun ng matagal na pagkawala ni mommy dahil sa pagho-Hong Kong. bagamat hindi na nagagawa ang ritwal na pampaswerte, marahil, kaya nagDH si mommy dahil bahagi rin ito ng kanyang pagka-uhaw sa swerte.

kayraming nahuhumaling sa swerte. kayraming naglalaway sa alwan-- at karamihan sa kanila, ayun, nasa iraq, qatar, saudi, singapore o kung saan man may pagkukunan ng isasaksak sa sikmura-- bagay na mayroon naman talaga sa pinas pero sa ilalim ng ating sistema ay sa mundo ng dapat umiiral.

at ang puno't dulo ng lahat ng ito?
ang dakilang fantasia: matatag na republika.

isang republika ng maletang puno ng fantasia.