25 December, 2009

Pagpapatihulog sa Mines View

Hindi ako galit sa mundo. Pero sa totoo lang, ano nga bang masaya sa Pasko?

Habang excited ang karamihan sa atin na nagbabalot at nagpupunit ng regalo, nang magawi ang makakati kong mga talampakan sa mines view sa baguio noong isang araw: bagama't buhay pa ako ngayon kaya nga nababasa mo ito-- pakiwari ko'y may kung anong lumundag sa akin sa bangin doon.

may kung anong tumalon sa aking katawan sa bangin nang makita ko ang isang lolang igorot na naghihintay ng mga dayo na magpapakodak sa kaniya.

may kung anong nagpatihulog sa akin nang makita ko ang isang puting kabayo na kinulayan ng pink ang buhok at inilalako ng kanyang amo sa mga turista para magkaroon ng larawan sa alaga.

may kung ano sa aking katawan ang nahumaling sa grabedad kaya't nagparaya sa pagdungaw sa bangin nang makita ko ang belen doon. Dalawang inukit na kahoy na winangis sa mga kapatid nating katutubo. At muling may lumundag sa aking katawan nang makita ko na may bra pa ang babaeng kahoy gamit ang kilalang tela na hinahabi ng mga taga-roon.

pare-pareho lang naman ang larga ng ganitong panahon-- "masaya" raw. At kung ganitong malamig ang simoy ng hangin,sabi nga ng kanta ni ate na nagvivideoke roon: "give love on christmas day."

ay, pasko lang pala dapat magmahal.Kaya naman pala sinagot ito ng ating kanta: sana araw-araw ay magiging pasko lagi.

eh paano pala kung walang pasko?

Mapapanot ang hallmark sa kakamot ng ulo, (pero hindi rin, gagawa pa yan ng maraming okasyon. Ang hallmark pa! Siguro magkakaroon ng pet's day, neighbor's day, pulis oyster's day, yaya's day, call center agent's day, at kung anu-ano pang day. Susko day!)Siyempre,kasama sa mapapanot ang mga amoy pera ang hininga.

sa mines view-- pinagpapantay ng kahirapan ang tao at kabayo: kapwa may presyo. 'yung mga bata, parang si spiderman lang kung gapangin ang mga baryang inihahagis ng mga dayo.

ngayon, paano nga ba kita dapat batiin sa araw ng pasko?

11 December, 2009

tiktak tiktak ng kasalukuyang panahon

Parang bomba ang ating panahon.

Sa loob ng 24 oras, pinatutunayan ng ating telebisyon/radyo/diaryo na kayraming pangyayari ang sumasabog sa mga sulok ng ating kapuluan. Ilang araw na ang nakalilipas matapos maging patok na salita ang backhoe, matapos manuot sa ating utak ang mga salitang "culture of impunity"-- sa pagpihit pa ng mga kamay ng orasan-- KABOOM! Martial Law na sa Maguindanao.

Tiktak tiktak tiktak.

Madalas ko nang makita si Makata. Noong nakaraang linggo, halos araw-araw ko siyang kasama. Siya, hawak ang placard na may nakasulat na JUSTICE TO ALL VICTIMS OF THE AMPATUAN MASSACRE, na sa pagkakita sa akin ay kinawayan ako at inabutan din ng placard: makapal na pulang END at itim na IMPUNITY!

Noong unang beses na niyaya niya ako sa "mob," na rally para sa karamihan, noong una niya akong inabutan ng placard ay sinabi kong next time na lang. Pagtaas ng presyo ng gasolina ang ikinagagalit niya noon at ng mga kasamahan niya. Ang imbitasyong iyon ay nasundan pa ng napakaraming pagyayaya. Aaminin ko, noong una sumasama ako para makita siya. Nakikimartsa dahil sa paraang ito nakakausap ko siya nang mahaba-haba.

Akala ko tula lang ang laman ng bungo niya, 'yung tipong kung isa siya sa mga nakasakay sa convoy ng Mangudadatu-- sasabog sa lupa ng Ampatuan,Maguindanao ang talinghaga sa pagkabutas/biyak ng kanyang ulo. Pasintabi sa aking kamorbidan. Ang dami niyang alam. Para siyang political journal. Ang daming "ismong" binabanggit eh ang pinag-uusapan lang naman namin ay tunay na pagbabago at katarungan.

Nitong nagdaang linggo, halos maperfect ko ang attendance ng martsa. Nakita ko ang sarili kong sumisigaw at wala nang alinlangan sa pagtangan sa karatula, habang tumatagaktak ang pawis sa pisngi at buong katawan. At ang pasabog, ginawa ko ang lahat ng ito nang hindi katabi si Makata. May ilang mob na rin na sinamahan ko na wala naman siya.

Tiktak Tiktak.

Pumihit na rin ang aking pakikisangkot. Naiinis ako dati sa rally dahil sa trafic. Naiinis ako dati sa mob dahil sa ingay. Pero heto ako ngayon, kasabay humakbang ang dating kinaiinisan ko. Ang dali ko noong sabihing binabayaran lang naman sila para sumigaw at magmukhang galit. Subalit heto ako, walang pagsidlan ang pagpapaumanhin nang malaman kong prinsipyo ang kanilang panawid-gutom/uhaw.

Tiktak.

Ang ating panahon ay panahon ng lagi't laging paglaban. Naks naman.
Linya ko na yan, hindi kay Makata.

Heto naman ang kanyang sinabi: Wala namang ibang pagpipiliang inihahapag ang sitwasyon kundi sigwa. BOOM!

26 November, 2009

Kulay Dugo ang Kulay ng Bawat Pahayagan*

Nagsisiksikan sa buwan ng Nobyembre ang mga balitang nagbigay sa atin ng atensyon ng mundo: pagtalo ni Paquaio kay Cotto, ang pagtanghal kay Efren Penaflorida bilang CNN hero, na hindi pa man lubusang nananamnam ng ating bayan— ay agad pinapait ng kasabay nitong kaganapan.

“Hudyat na ng eleksyon.” Ang sabi ng aleng katabi ko sa jeep noong Martes.

Sa loob man ng siksikang jeep, LRT at maging sa sakayan ng tricycle— pinag-uusapan ang Maguindanao massacre.

Tumindig ang aking balahibo nang suriin ko kumbakit ganoon ang nasabi ng ale. At lalo akong nabalisa: may bakas ng pagkasanay sa karahasan ang kanyang mga salita.
Na para bang kakambal na ng halalan ang kamatayan sa ating bansa— sa Pilipinas na unang nagkaroon ng demokrasya sa buong Asya.

Gusto niyo bang makita ang mukha ng demokrasya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon? Buklatin mo ang diyaryo, pakinggan mo ang radyo, titigan mo ang telebisyon kung ala-siete’t alas-onse.

Extrajudicial killings, enforced disappearance ang ilan sa kilala nitong pangalan, subalit iisa ang kanyang mukha: lawless violence na pinananatili ng culture of impunity.

At ngayon, muling kaharap natin ang mukha ng demokrasya sa ilalim ni Gng. Arroyo: 46 na indibidwal ang ibinaon matapos igapos, paputukan sa mukha, at hindi pa nakuntento— ang iba ay pinugutan ng ulo. Ilan sa kanila ay babae na ginahasa muna bago paslangin. Dalawa sa kanila ay abogado, na ang isa ay pinutulan pa ng kamay at dinusta ang mismong mukha. Ayon sa balita kahapon, 37 ang tinatayang kasamang mamamahayag na kapwa tinakpan din ng pahayagan ang duguang mukha’t katawan.

At sa nangyari, naetsapwera natin ang Iraq, mula sa pagiging panlima natin sa kasalukuyan, pag dating sa usapin ng journalist killings sa buong mundo.

Kaya naman, mariing kinukundena ng kabataang manunulat ang karahasang ito at ang kainutilan ng mismong adminstrasyong Arroyo na pangalagaan ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Higit yaong nagtataguyod at pumoprotekta sa demokrasya: ang mga mamamahayag at abogado, tulad ng mga naging biktima ng Maguindanao massacre.

Walang ibang dapat singilin sa nangyari kundi si Gng. Arroyo, na lantarang kaalyado ng mga Ampatuan at Mangudadatu, na kapwa kilalang warlords sa Maguindanao— kung saan nakapagtala ang administrasyon ng 12-0 laban sa oposisyon noong halalan 2007.

Sa pagkaganid sa posisyon, hinahayaan ang pag-iral ng private army sa Maguindanao at sa iba pang bahagi ng bansa. Bagay na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga kilalang angkan upang maghari. Bagay na nagpatiklop sa mga pulis at militar sa Maguindanao upang pigilan ang naganap na karahasan. Ayon sa mga ulat, ilang metro lamang sa pinangyarihan ng massacre ay nakatirik ang isang detachment ng militar.

Maaaring makaligtas o mapagkamalian ang isang putok na kung anong tunog lamang, subalit ang bilang ng putok na umalingawngaw upang paslangin ang mahigit 40 katao, ay katakatakang walang nakapansin mula sa mga nagsabing: To serve and protect, Buhay ko, Alay sa Iyo.

Lahat ng ito ay naganap sa ngalan ng kapangyarihan.

At sa ngalan ng posisyon, maraming inosenteng pinatay na para bang hindi tao, na para bang manika lamang na tinaggalan ng kamay, sinira ang mukha— tulad ng ating nasaksihan sa naganap na massacre noong Lunes.

Patapos na ang Nobyembre, at tiyak, ang mga susunod na araw, linggo at buwan ay panahon ng paniningil ng hustisya sa lahat-lahat ng biktima ng karahasan sa ilalim ng administrasyong ito.

Walang hindi naghangad ng hustisya at tunay na pagbabagong panlipunan, subalit ang bawat paghahangad ay may kaakibat na paglaban. Hindi iniluluwal ng simpleng pagsusot ng isang pula’t itim na dog tag na may nakasulat na “Ako mismo,” ang tunay na pagbabago o pagpopost sa facebook o pagjoin sa cause.

Kailan matatapos ang siklo ng karahasan/ cultur of impunity? ‘Pag napagod na ang karamihan sa atin sa pananahimik.

Sabi nga ng isang mamamahayag pangkampus na si Ditto Sarmiento noong Martial Law:

“Kung hindi tayo kikibo, sinong kikibo?
Kung hindi tayo kikilos, sinong kikilos?
Kung hindi ngayon, kailan?”

Sa nagtiyagang bumasa nito, sa mga kapuwa ko kabataan at sa aking mga kababayan:

Tayo na sa Mendiola!

*linya sa kantang Pahayagan

04 November, 2009

Patay kang bata ka

Gaya ng nakaugalian tuwing Nobyembre, nakipagsiksikan kami ng aking kapatid sa bus terminal upang makauwi sa probinsiya.

Di tulad ng aming mga kasakay, wala kaming bitbit na bulaklak, o lata ng biskit, makukulay na kandila ('yung classic na pula na may dragon pang malulusaw). Maliban sa aming mga sarili at backpack ng ilang pirasong kamiseta,toiletries, undies, babasahin, sitsirya at bottled water-- uuwi kami ng Quezon para dalawin ang lolo't lola namin pati ang mga magulang nila na wala sino man sa aming magpipinsan ang umabot sa kanila.

Ipinagtitirik din namin ng kandila si tita teacher. Siya na ang may-ari ng nitso na kung saan nakalibing ang kanyang tatay, na siyempre lolo ko. Ang mga buto ni lolo ay nasa sementong kahon na nasa ibabaw ng nitso ni tita teacher. Isang krus na puting-puti rin ang nasa ibabaw naman ni lolo.

Hindi ako nakadalaw noong nakaraang taon kaya mas madali kong napansin ang kulang at nadagdag. Siyempre gaya ng nakaugalian, bagong pintura ang nitso/krus/bakal na bakod. Nadagdagan na naman ng sapin ng pintura ang himlayan ni tita teacher at lolo. Nabawasan naman ang bakal na pumoprotekta sa kanila. Nawala ang pinto ng gate. Kuwento ng mga pinsan ko, ninakaw raw. Marahang ninakaw. Paano nangyari yon?

Noong una, kalahati lang ang nawala. Medyo nahiya pa ata kina tita't lolo ang taong nagdala sa junkshop ng gate. Kinalaunan, naging pantay na sila. Naisip siguro noong umarbor ng gate na hindi magandang tingnan na walang kapares ang bakal na bakod. Parang patalastas lang ng mentos.

Akala ko, bagyo rin ang salarin kumbakit bago ko marating ang kinaroroonan nina tita't lolo ay maraming puntod na binakuran ang walang yero. Maraming socket ang wala nang bumbilyang nakakabit. Pati pa la ang mga ito, inaarbor na rin.

Ibang klase talaga pag nagmura ang sikmura: walang patay-patay para lang mabuhay. Sa tuwing tatablan siguro ng hiya o konsensiya ang mga gumagawa nito, iniisip na lamang nila na, "Gate lang naman to. Bumbilya lang naman to, may kilala nga ako milyun-milyon ang inarbor sa pera ng bansa pero hindi nahiya, naghapunan pa sa ibang bansa. Madali lang namang mag-sorry at magmukhang sobrang nagsisisi."

Sana mali ako. Sana lang talaga.

Kasi kung hindi, patay kang bata ka. Ang maling ginagawa ng mga pinuno ay nagiging tama sa mata ng bitukang nagwawala.

03 November, 2009

Pagharap sa Patlang

Sa kabila ng sunud-sunod na sakuna, isang buwang tahimik ang aking blog.

Naiinis ako nang hindi ako nakapagsulat tungkol kay Ondoy, Pepeng, Ramil at ngayon nga ay dumaan na si Santi at kasalukuyang may binabantayan na naman ang Pagasa.

Kung tutuusin ay napakarami kong maaring isulat noong nakaraang buwan. Subalit gaya ng nasabi ko, "kung tutuusin."

Pero mahirap talagang katuos ang mga salita. Hindi ko sasabihing writer's block ang aking drama, dahil hindi ako naniniwala roon. Ang tawag ko roon ay "palusot." Hindi ko rin sasabihing wala ako sa mood-- ang tawag ko ron ay "pagdadahilan."

Eh ano na kung ganon ang tawag sa ganitong ugali ko sa pagsusulat? Katamaran.

Katamaran sa gitna ng panahong dapat mas rumaragasa ang aking salita, nang sa isang panayam ay sinabi ng isang taga-Palasyo na mayron daw 30 rubber boats sa NCR. Sapat naman ang bilang (o labis-labis pa) ng rubber boats kung sinlaki ito ng Titanic.

Katamaran sa gitna ng unos na dapat humahagupit din ang talata ng pagbatikos sa kung paanong ang dalawang higanteng estasyon ay ibinibida ang bawat galaw nila sa pagtulong. Sa dos, mula sa pagtatakal ng bigas hanggang sa pag-aabot ng kanilang mga artista sa mga biktima ng bagyo. Ito ba ang kahulugan ng Ako Mismo? Ako ang tagapagbalita, ako mismo ang balita!

Bilang muling pagharap sa hamon ng patlang, pagdamutan mo ang kapirasong sulating ito na lipos ng paumanhin.

27 September, 2009

Paglusong sa Lungsod at Pagtulog sa Kuwarto TXX 247

Nananakit ang aking binti. Sanay naman ako sa mahabang lakaran, pero maglakad/lumusong sa tubig/baha, iba na 'yon.

Ganito ako nakauwi kahapon mula Central Station ng LRT1. Nakauwi? Muntik lang palang makauwi. Isang kanto na lang ay makauuwi na sana ako kung hindi lang hanggang leeg ang kelangan kong lusungin. Languyin pala.

Tapos na ang aming klase nang magsuspend kahapon. Wala namang bago ron: ni hindi nga nakapagwarning ang PAGASA na ganon ang Sabadong naghihintay sa atin. Sa school pa lang ay kita ko na ang bangis ni Ondoy, pero mas mabangis ang mga estudyante: kanya-kanyang pose sa baha sa school. Yung tipong first time nilang makakita ng baha. Pupusta ako, naka-upload na ngayon sa kanilang facebook, friendster, multiply o kung anumang account nila sa www ang ginawa nilang pagpapacute sa baha.

Tumpak yung isang ad sa MRT, na corned beef, hindi sardinas ang MRT. Ganon din naman ang LRT. Pare-preho lng na corned beef ang moda ng biyahe. Body-to-body ang drama sa vito cruz. Nararamdaman ko na nga sa batok ko ang init ng hiningan ni manong na hinihingal. Hindi ko maramdaman ang aiercon, lalong hindi ang habagat. May pumapatak sa aking ulo. Pakiwari ko, pawis na nag-evaporate.

Bumaba ako sa Central dahil inakala ko na baha sa Doroteo. Hay, pahamak talaga ang mga akalang yan. Baha rin naman sa Central. Ang tanga ko, ang slow ko bago maisip na baha ang buong Maynila. Nilakad ko hanggang Quaipo. Kahit mali, inaliw ko na lang ang sarili sa mga nakasasalubong.

Heto ang ilan sa kahit papano'y nagpatawa sa akin habang mag-isang sumusuong/lumulusong:

1. Nabalatan ang payong ng manong na kasalubong ko sa Mc Arthur Bridge. Siyempre tumawa ako nong nakalagpas na siya sa akin.
2. Iba talagang magmahal ang pinoy. May isang kuya na kinarga sa kanyang likod ang gf niya na ayaw maglusong. Parang movie lang. May isang apo na kinalong ang kanyang lola. Parang MMK. May dalawang lalaki ang nagsusubuan ng umuusok na sabaw sa isang kainan na nadaanan ko sa Quaipo.
3. Nakalibre ang mga kumpanya ng patalastas. Kasabay ko sa paglusong ang balat ng napkin at diaper, balat ng kape, gatas, at ultimo cposter ng pelikula.
4. Nakita ko si GMA. totoo. Natrap sasakyan niya sa flyover sa may Sta. Catalina. Ang drama niya, bumababa siya ng sasakyan. sumilip-silip sa ilalim ng tulay. Kinawayan siya ng mga tao na naglulusong. Super kaway din ang presidente niyo. Ang pinakanatutuwa at ang gumuwa ng dapat kong ginawa: bonggang-bonggang sumigaw ang mga bata nang: "Patalsikin si Gloria!"

Padilim na nang marating ko ang Vicente Cruz. Kunsabagay, madilim naman talaga kahapon. Mga bandang ala-sais. Dito ako natagalan. Nahirapan akong magdesisyon kung lulusong ba ako sa Pureza na hanggang dibdib ang baha. Laban!

Tama yung drayber na nakakuwnetuhan ko noon. Pag umuulan sa Pinas, hindi lang dapat payong ang dala mo. Sa susunod na may bagyo, makikinig na ako sa kanya. Magdadala ako ng bangka.

Madiskarte ang Pinoy. Dahil hindi uubra ang padyak, airbed ang kanilang pinagkakitaan. 'Yung mga nandidiri sa ginawa ko ay bumabayad nang mahal. No way. Para saan pa na sumakay ako ehh nalagpasan ko nga ang Recto? Laban!

Mag-aalasiyete na nang marating ko ang Stop and Shop. Bilang premyo sa sarili, bumili ako ng apat na chillimansi pancit canton at isang bote ng san mig light na pambawi sa kahaggardan ng araw na ito. Sinamahan ko ng isang kahang winston lights.

Ibang klase si Ondoy. Muli niya akong pinaglakad dahil wala nang biyahe. Pinalusong hanggang bewang na ang dulo ng aking maghapong pagsuong ay hindi rin ako makauuwi. Hini ko makakain ang pancit canton. Hindi ko maiinom ang san mig iight. Said na ang tinapay sa bakery.

Tanghalian lang ang laman ng aking tiyan at ang tanging pwede kong gawin ay buksan ang winston lights habang nakisisilong sa jeep ni manong na hindi ko na naitanong ang pangalan. Alas-kuwatro pa lang ay andon na raw si Manong. May isang taga-street din namin ang nakisilong sa jeep. Sa may tapat ng bakery, hindi pinansin si Ondoy kaya't sige lang sa pagtoma habang naksawsaw ang paa sa tubig.

"Sabihin mo traffic kaya hindi ka makauwi. Piktyuran mo pa para maniwala," sulsol ng isang kainom sa kaibigan na mukhang hinahanap ng magulang.

Kaya naman pala ang daming nakapakong mga pangalan ng tubero sa mga poste, seyoso nga, barado ang Pilipinas, ang matatag na Republika ng Pilipinas.

16 September, 2009

Wow hanep

Habang tumutuhog ng kwek-kwek kanina, naisip ko kung ilang kwek-kwek ang mabibili ng bill na binayaran ni Madam G. sa Le Cirque.

Napangiti at tumulo ang laway ko.

Isang six feet na swimming pool na nag-uumapaw sa kwek-kwek ang naisip ko. 'Yung tipong magda-dive ako at habang nasa ere ay tulu nang tulo na ang laway. Tapos i-iinvite ko lahat ng mga kaibigan ko, mga kapitbahay, street children, mga taga-payatas, taga-riles at lahat ng gustong jumoin. Maglalangoy kami sa pugo hanggang meron. Hindi kami titigil hanggang may natitira at hindi bumabaho ang aming utot.

Feeling ko, masyado pang konti ito sa aktuwal na mabibili. Ok lang, sanay na ako sa pugo. Pugo lagi score ko sa math quizz. Kaya siguro nahilig ako sa pugo. Basta ang mahalaga, alam kong magalalangoy ako sa pugo.Tamasa! Ito na yung "tamasa" na tinatawag ng mga kaibigan namin ni kuya na mga tambay noon sa amin na masayang-masaya na tinablan ng alak.

Nang minsang tinanong ko kung pinangarap ba ni Makata na makakain sa Le Cirque, ito ang sinabi niya: " Bakit mo naman naitanong?"

Ayan, tanung nang tanong pa kasi, eh di namroblema na naman ako sa susunod kong sasabihin?

"Natanong ko lang." walang kakwenta-kwenta kong reply.

"Wala akong balak umalis ng bansa.Ang hangin dito ang aking hininga. Ang pagkain dito ang aking kabusugan. Kumbakit may nagugutom ay hindi dahil tamad sila, may isinilang lang talagang sadyang matakaw."

Tulad ng inaasahan, wala akong naisip na ipantapat na linya. Walang nasabi maliban sa hirit ng isang bangag: "Wow hanep!"

10 September, 2009

Txt mula kay Makata

"Saan kaya nakapako ang 'yong paningin?
Saan nakadapo ang mapagpala mong palad?
Ilang langgam ang nagpatiwakal
marating lang ang iyong labi?"

Text ni makata. Hay, kung di pa ako sanay sa kanya, naku baka nacoma na ako.
Ganyan siyang mangumusta. Panalo di ba? Nag-uusisa lang sa aking ginagawa,idinamay pa ang langgam.

"Heto nag-eenroll. Bkit?" Walang ka-art-art kong sagot.

Gusto niyang makipagkita sa Quaipo. Natuwa naman ako dahil siya ang nagyaya this time. Pero hindi niya sinabi kumbakit at bakit sa Quiapo.

Sa may hilera ng manghuhula at bangketa ng pamparegla at kung anu-anong gamot sa bote sa gilid ng simbahan ko siya pinuntahan. As usual, bitbit na naman niya ang kanytang listahan ng mga ninakaw na linya. Ako, kunwari hindi excited na makita siya, kaya ingat na ingat sa pagtatanong na: "Anong meron at bigla mo akong naisipan itext?"

Tinitigan niya ako sa unang pagkakataon.

Ito ang sumunod na tagpo:

Nabasag ang grabedad noong hapong iyon. Naging pipi ang kapaligiran. Ang barker na tumatawag ng pasahero ay b u m a g a l ang pagkaway/pagtawag sa mga pasahero.Kitang-kita ko kung paano isinilid ng pulis ang kotong sa bulsa sa dibdib kung saan nakakabit ang tsapa. Kitang-kita ko kung paano pinigtas ang isang kwintas, kumpaano nadukot ang pitaka. Kitang-kita ko ang mga bagay na bagama't nakikita ay pinipiling hindi makita.

Lahat sila. Lahat ng naroroon noong hapon na nabasag ang grabedad ay sa akin napako ang paningin. Ang parehong titig sa tuwing kaharap ang natutulog na Santo. Ako, noong hapong iyon ang tanging may tunog: kalabog ng dibdib.

"Ay, mukhang nanadya na naman ang teknolohiya. Tinext kita na kung maaari mo akong samahan mag-DVD hunting."


Ayan, ang keso kasi!

07 September, 2009

Keso, Hindi Bato ang Puso Ko

Totoo pala. Kayhirap umibig sa isang makata.

At maniwala ka, grabeng maka-impluwensiya ang makata. Kahit ang inis ay kayang sabihin nang may tamis.

Madalas ay hindi ko siya maintindihan, parang paghahagilap sa kahulugan ng kanyang sinusulat na saknong. Pero kahit hindi ko siya lubos na maunawaan, alam kong malambing siya. Sinlambing ng tunog ng kanyang mga taludtod, sinatamis ng mga talinghagang ilang ulit kong binasa bago malasahan (sabi ko na sa’yo e, malakas makahawa ang dila ng makata).

‘Pag kasama ko siya, parang nauubos ang mga pangkaraniwang bagay. Peksman! Lahat nagiging espesyal ‘pag siya na ang nagsalita. Kung paaanong ang bato na dati ay isa lang kalat sa kalsada na sinisipa-sipa ko, o ibinabatu-bato sa dagat at binibilang kung ilang beses tatalon sa ibabaw ‘pag nagdadrama— ay biglang nagiging espesyal. Na pwedeng maging tao ‘yung bato o ako na mismo pala ‘yung batong sinisipa-sipa at inihahagis sa tubig.

Gets mo? Ok lang kung “slight,” ako rin medyo nalalabuan e.

Sa mata ng makata, walang bagay ang walang kahulugan. Kaya nga pakiramdam ko, ako na ang pinakatangang nilalang na nabuhay pa sa mundo ‘pag kakwentuhan ko siya.

Ultimo kape, pag siya na ang nagsalita ay nagiging isang bagay na parang hindi ko alam at ngayon lang narinig, samantalag kape lang naman ang aming pinag-uusapan. Ano bang meron sa kape, e pare-pareho lang mapait, maitim at anti-oxidant (Naks! Kunwari hindi tanga. Medyo lang)?

Iba siya sa mga makatang kakilala ko, pula ang ballpen na ginagamit niya sa kanyang notebook na punung-puno ng mga ninakaw na linya sa mga nakatabi sa jeep, fx, lrt, mrt, G-liner, bus sa EDSA, elevator, sa CR, sa karendirya, at sa kahit saang sulok na may taong nag-uusap o kahit nagsasalitang mag-isa.

“Hinihiram ko lang.” ang lagi niyang sinasabi sa tuwing hihiritan kong nagnanakaw siya ng salita. Puwede ba ‘yun? “’Pag nanghihiram, nagpapalam.” Lagi kong buwelta sa kanya. Na lagi namang susundan ng kanyang pang-FAMAS na linya: “Hindi lahat ng bagay ay pinagpapaalam. Paano naman aangkinin ng aleng nakasakay ko papuntang Katipunan ang sinabi niya, gayong pwede ko ring sabihin na naisip ko rin yon at marami pang nakaisip/makaiisip non? Na habang sinasabi niya iyon ay may kasabay siyang nagsasabi noon sa Luneta, sa Bohol at sa Sulu.” Magdurugo ang aking ilong, hudyat ng katapusan ng topic na iyon.

Pero kung minsan, hindi pa siya kontento sa pagdurugo ng aking ilong. Hihirit pa siya: “ Sa lahat, salita ang pinakamahirap panghawakan.” Unti-unting lalamlam ang kulay sa aking paligid. Magiging chiaroscuro ang lahat (naks, kunwari may alam din sa art).
“‘Yang sorry na ‘yan, ‘yan ang pinakakawawang salita. Ang kasunod ng bawat sorry ay isa bago at mainit-init na sorry tapos mandaraya/mangungurakot na naman.” Muling babalik ang kulay ng paligid, alam ko na ang susunod na tagpo: nakahiga ako sa isang bakal na higaan na walang latag sa emergency room ng PGH at muling hihimatayin dahil sa simoy ng hangin.

Pero kahit nagmumukha akong tanga, gustung-gusto ko siyang kausap. Kahit hindi ko siya maintindihan, pakiramdam ko’y nagkakaintindihan pa rin kami. Ang tanga lang talaga no?

Oo, mahirap umibig sa isang makata. Pero wala namang pag-ibig ang madali. Matagal nang nasabi sa blog na ito na: “Ang pag-ibig ay pakikibaka, hindi pantasya.” Naks na naman.

Kahit pa pintor yan, musikero, sirkero o kung ano pa mang trip mong mahalin, pare-pareho lang namang may kawirduhan ang bawat isa, o kung sa kausap kong makata yan— talinghaga ang itatawag niya diyan.

Parang tula lang ang pag-ibig. Masarap bigkasin kahit pa ang totoo’y hindi natin lubos nauunawaan ang bawat linya. Pero kahit pa pinagmumukha akong tanga ng talinghaga— binabasa ko pa rin ito nang paulit-ulit at sinasabing maganda ang tula. Kokoment pa ng: Syet ang lalim. Lupit mo!

Ngingiti siya kahit alam niyang hindi ko naman ganap na naunawaan. Ngingiti ka kahit iyun at iyon ang sinasabi ko sa kanyang tula. Tapos aakbayan niya ako at bubulong: "Salamat. Salamat at andiyan ka." Ako naman, kilig na kilig, at gaganting: "Wala 'yun, sus para tula lang." Toink!

Hay, sobrang cheesey na naman!

05 September, 2009

hus dis?

Tiyak, sasabihan mo na naman akong emo kapag nabasa mo ito. Mamatay na ang hindi emo o hindi maeemo sa ngayayari ngayon sa bansa!

Mas nagiging madali na ngayon ang komunikasyon dahil sa teknolohiya. Pero maniwala ka, sa pagdali nito mas nagiging mahirap ang mga bagay-bagay.

Sakaling dumating sa hangganan ang palitan ng mga kakornihang kowts sa celfone, tiyak buburahin mo ang mga mensaheng dating tuwang-tuwa kang binabasa at finoforward pa sa iba na alam mong nakarerelate. Itatapon sa basurahan ng 'yong celfone ang pangalan at numero na dating di lang agad magreply ay pinagdadramahan mo. Magpapanggap kang makauusad ka na sa ginawa mo, pero sa bawat tunog ng fone mo ay umaaasa kang siya iyon. Alam mong siya iyon kahit pa may drama kang binura mo na siya.

Halimbawang siya nga iyon ay sasagutin mo pa ng "Hus dis?" Pa-hus dis hus dis ka pa upang ipaalam sa kanya na ok ka na pero ang totoo ay hinihintay mo ang tugon niya. At ito ang nakatatawa sa dramang "hus dis?": magagalit kang lalo kung hindi na siya tuluyang magparamdam. Bakit nga naman siya magrereply sa ganon ay alam naman niyang alam mo na siya iyon?

Mahilig tayong magtanong kahit kabisado naman natin ang sagot.

Makinig ka: kahit burahin mo ang numero at pangalan ng tao, kahit paulit-ulit ka pang magpalit ng sim, niloloko mo lang ang sarili mo dahil alam na alam mo namang sa puso, hindi sa sim card nakasave ang kanyang pangalan, numero, email add at maging tirahan.

Sobrang Cheesey talaga!!!

05 August, 2009

Panganib ng Pag-alala

Akala ko cellphone ng katabi ko sa LRT2 kanina ang tumutugtog. Pamilyar sa akin ang melodiya, ‘yun yung laging kinakanta ni mommy pag nagvivideoke kami sa bahay noon. Maya-maya pa’y may boses na.

“Oh tie a yellow ribbon around the old oak tree...”

Dilaw ang kulay ng mga nagdaang araw. Ultimo diyaryo, ay naging anemic.

Buhay na buhay ang diwang makabayan nitong mga nagdaaang araw. Marami ang lumuluha, lumuluwas mula sa malalayong probinsiya at lumalahok sa pagpupugay. Sa Quiapo, panandaliang kinabog ng mga kanta noong EDSA 1 ang Wondergirls.

Pati poste, tulay, at mga gusali ay nagluluksa sa pagpanaw ng tinatawag ng marami na Ina. Tila mga anak na naulila sa Nanay ang publiko.

Gayong babae at isa ring ina ang kasalukuyang pangulo ng bansa, bakit ganoon na lang
ang pakiramdam ng karamihan? Kung si Cory pala ang ina, na iniiyakan ngayon ng mga anak, ano pala ngayon si Gng. Arroyo?

Totoo, may mahalagang naging kontribusyon si Tita Cory upang wakasan ang diktaduryang Marcos. At hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay ay naging kasama siya sa malawak na hanay ng mamamayang lumalaban sa anti-mamamayang pamunuan ni Arroyo.

Subalit may panganib ang bawat paggunita: Baka matali na lang tayo sa diwa ng pag-aalala at pagpupugay sa mga "nagdaan." At hindi na makita ang hamon ng "ngayon" dahil lango sa tagumpay ng "kahapon," na ipinapangalan lamang sa iisang mukha, sa iisang indibidwal. Kung kaya't unti-unti ring nalalagay sa hukay ang ngalan ng ating kasaysayan: Kolektibong Paglaban.

27 July, 2009

Oo, sumama ako sa rally kanina

Oo. Ako 'yung nadaanan ng camera kanina habang hawak ang papel na may nakasulat na "Liar!" sa bulto ng mga nagrarally laban sa SONA.

Hindi na ako nagreply kasi alam ko namang alam mo na hindi ako aabsent sa SONA sa kalsada.

Oo. Hindi ako nagsasawa at natatakot magkasakit dahil sa ulan.
Oo, ito pa rin ang mundo ko.
Oo, sa lahat ng itinanong mo na matagal ko nang sinagot ng OO.

Ayaw mo pa rin sa mga rally. Pero kung makalitanya ka noon, ehh daig mo pa ang mga mass leaders sa kalsada. Kesyo mahal ang gasolina. Kesyo mahal ag kuryente. Kesyo kurakot ang gobyerno. Kesyo mandaraya ang mga nasa puwesto. Kesyo ang laki ng tax mo.

Sa dinami-dami ng 'yong nirereklamo, ni simpleng pagpirma sa petition namin sa oil price hike ay hindi mo magawa. Kesyo wala namang magagawa ang mga papirma-pirma. Magaling ka lang sa kakekesyo.

Oo, tumutula pa rin ako. tungkol kanino? Nagfifish ka ba?
Siyempre hindi tungkol sa'yo.
Pero para sa mga katulad mong kesyo lang ang alam sabihin sa pahanon ng krisis.

Kesyo, kesyo. Puro na lang kesyo, sana maisaing mo yang kesyo mo pag nagutom ka!

17 July, 2009

Ang mga Bayani sa Kalaw

Sana magcomment ka upang matulungan mo ako sa pagrerevise nito. hehehe


1 Nang sabihin ko sa iyong
2 dalampasigan ng kabayanihan ang Kalaw,
3 habang kapwa nakatindig sa harap
4 ng rebultong may labit na libro
5 at nakatanaw sa Manila de Bay—
6 tila along humampas sa akin ang iyong halakhak.

7 Sumumpa ako sa iyong hahanapin ko rin
8 ang laya sa aking paglalayag.

9 Lalaya ang ating dila sa sarsa ng sardinas,
10 tinapa, tokwa at toyong iginisa.
11 Lalaya tayo sa pagluhod sa Lotto.
12 Kasama ng ilang pantalon at kamiseta, litrato
13 habang sinasalat ko ang tiyan mong umalsa—
14 iiimpake ko sa hulugang maleta ang lahat ng layang ito.

15 Nang ituro ko sa iyo ang muhon
16 na susukat ng ating agwat sa makalawa:

17 mula dangkal,
18 patungong metro.
19 Metru-metro.
20 Kilometro.
21 Kilukilometro,
22 hanggang sa tawaging milya.

23 Milya-milyang tatawirin ng sobre at kable
24 upang sabihin ang di-masabi-sabi,

24 na ating pagkakasiyahin sa simpleng kumusta ka?
25 At sasagutin nang kinasanayang ayos lang—
26 gayong batid natin, ang ating mga pangungusap ay tulad ng dagat.
27 Ganito ang kasaysayan ng ating kasanayan sa kawalang katiyakan,
28 sa kawalang kaayusan:
29 Ayos lang ako.

30 Tulad ng mga bantay sa bantayog, nangusap kang walang tinig.
31 Nagmistula akong bato na nilililok ng iyong titig.

32 Nang halughugin ko ang lungsod— dito,
33 dito sa Kalaw niya ako itinuro
34 at ipinakilala kay Magsaysay.
35 Aking natuklasan: sinlawak ng Kalaw ang daigdig
36 na labis na umiibig sa tulad kong kawal
37 ng kawalan.

38 Sa panahon ng digma sa pagkatulala, ang pangkaraniwang ako
39 ay nagiging pambihira— dakila.

40 Kumusta na kayo?
41 Turuan mong tumawag ng tatay.
42 Padalhan mo ako ng bagong litrato.
43 Laging overtime kaya malimit akong makatawag.
44 Huwag niyo akong isipin.
45 Ayos lang ako.


46 Ito ang malamig na dambana
47 ng nilulumot kong kagitingan.



29 Hunyo 2009

06 July, 2009

Muli kong sinubukang magkuwento tungkol sa'yo, sana matapos ko

Ganito palagi. Ewan ko ba kung anong meron ang ulan.

Muli ka na namang tumawid sa aking gunita habang marahas na tinutusok ng ulan ang mga kalawanging bubong. Samantalang ang alimuom ay pilit naghahanap ng daan upang marating ang aking ilong.

Hindi kakayanin ng aking payong ang patak. Hindi ko kakayanin ang alimuom-- pag ganitong umuulan-- ako na ata ang pinakamahinang nilalang. Habang naghihintay sa pagtila, isinalang ko ang takore, inihanda ang tasa-- at inamuy-amoy ang aroma mula sa bibig nito.

Paano ba tatakasan ang ganitong sandali? Ang ganitong pangyayari na ang tanging naiba ay mag-isa akong nagkakape habang sinsabayan ang "Banana Pancakes" na paulit-ulit nating pinatutugtog dahil sa panahon? Mag-isang umuupos sa Winston lights (na lagi mong ipinagtataka kung bakit lasang papel)? Mag-isang naghihintay ng pagtigil ng ulan at mag-isang maglalakad patungo sa kung saan?

Lagi mong dinadrama mo noon (dahil sa epekto sayo ng Wind Stuck), na 'pag nawala ka ay gusto mong maging ulan. Ginaya mo yung isang karakter na gustong maging hangin. Ako, kahit hindi ko gustuhin o piliting gayahin yung isang tauhan-- kusa akong naging siya. Minsan ko nang sinubukang sahurin ang ulan dahil sa pag-asang baka kahit hindi ako naniniwala ay pagbigyan ako ng himala-- na pag tumingin ako sa palanggana ay makikita kita. O higit pa, maka-usap at maisarado ng maayos ang mga bagay-bagay.

Tama si Elsa, "walang himala!" Pero hindi na rin ako naniniwalang ang himala ay nasa puso ng tao, eh pano yung mga walang puso, gaya ng sabi mo, yung mga tulad nina GMA, Palparan etal?

Hay, ako ang pinakamadramang tao 'pag umuulan. Ganito talaga siguro pag nasosobrahan sa kaiisip. Kulang lang siguro ako sa tulog. Pero ayaw ko rin masyadong magtutulog, kasi sa'yo rin naman iikot ang aking panaginip.

Umuulan din noon, pumunta ako Mendiola upang ipagtanong ka. Namalo ang mga pulis at umatake ang bumbero, tapos nakita k

12 June, 2009

Kumbakit Pula ang Petsa ng Kalayaan

Maagang umalis ang kasamahan ko sa bahay upang maabutan ang libreng sakay sa LRT kanina. Libre sakay dahil araw raw ng Kalayaan.

Ito ang handog ng pamahalaan para sa pagdiriwang. Ito lang? Oo, ito lang ang kayang ibigay ni Gng. Arroyo dahil ganito rin ang kahulugan ng salitang "Kalayaan" para sa kanya: maliit na bagay.

Pula ang petsa ngayon sa kalendaryo. Ito ang kulay na mabilis mapudpod sa aking mga krayola noon. Pula ang ikinukulay ko sa bulaklak. Pula ang inihihibo ko sa puso. Pula para sa isang bahagi ng watawat- hanggang sa maging paborito ko itong kulay kahit takot ako sa dugo.

Sabi ng propesor ko, ang pula ay radikal. Sabi ni daddy ang pula ay kaliwa. Pero para sa kaklase ko, ang pula ay todas. Todas siya sa mga magulang niya pag pula ang marka sa test paper. Napakaraming kahulugan ng pula.

Pero ang pinakapaborito kong kahulugan: pula ang kulay ng pag-ibig. Ang kulay na nagpapaalala sa akin ng tula ni Romulo Zandoval: "Napopoot tayo pagkat nagmamahal."

Ang mismong paraan ng paggunita ng ating gobyerno sa araw na ito ay nagpapakita lamang ng kapayakan ng salitang Kalayaan para sa kanila na sinasalungguhitan ng kanyang mga patakaran.

Ito ang araw ng Kalayaan. Kalayaang magnakaw, mandaya, pumatay, mandukot at mandahas. Ito ang kalayaang ipinagbubunyi ni Gng. Arroyo.

Pula ang petsa sa kalendaryo dahil napopoot tayo sa huwad na Kalayaan at umiibig tayo sa totoong kahulugan ng salitang ito.

"Pag pumula ang silangan, malapit na ang kalayaan." linya ng paborito kong kanta na natutunan ko noong hindi ako nakuntento sa kahulugan ng kalayaang itinuro ng aking propesor at idinikta ng diksyunaryo.

10 June, 2009

Kasal sa Lakas ng Aklas

Ngayong ika-sampu ng Hunyo, magaganap ang kasal ng taumbayan sa lakas ng Aklas. Hindi rosas ang mamumukadkad,kundi mga kamaong mariing nakakuyom at pulang bandila.

Ito ang pagtitipong hindi na kailangan ng imbitasyon, dahil noon pa man ay matagal na tayong iniimbita ng kalunus-lunos na kalagayan ng ating bansa upang sama-samang makipag-isang dibdib sa ligalig.

Ito ang sakramento upang ganap tayong maging tao: makisangkot para sa makabuluhang panlipunang pagbabago.

Bakit ayaw ko sa Constituent Assembly o sa kahit anong hakbang para itulak ang Cha-Cha? Dahil mahal ko ang Pilipinas.

Buburahin ang ilang mga mahahalagang probisyon sa ating konstitusyon na pumoprotekta sa karapatang pantao. At pag nangyari ito, hindi malayong maging sementeryo ang buong bansa dahil sa pagsahol ng pamamaslang.

Dadagdagan ng salitang "responsable" ang probisyon ukol sa karapatan sa malayang pamamahayag. Sinong magpapakahulugan sa salitang ito? Ang gobyerno, ang utak-pulburang gobyerno.

Ang ating mga anak at kapatid na babae ay di-imposibleng maging si Nicole, dahil pahihintulutan nito ang pagdagsa ng mga sundalong kano at gagawing ligal ang pagtatayo ng mga base militar ng tusong Tiyo na si Sam. Hindi rin ligtas sa gahasa ang ating likas na yaman.

Tayo'y magiging dayo sa ating bansa, dahil may karapatan nang ganap na ariin ng mga dayuhan ang mga batayang industriya at serbisyo.

Ang edukasyon ay hindi na prayoridad ng gobyerno. At sa mga pamantasan o mga paaralan, hindi na ituturo ang nasyunalismo.

At ang mga ito ang saliw ng Cha-Cha ni Gloria.

Hindi ako sasayaw. At kailanman ay hindi ko tatambalan si Gloria sa paghataw, dahil ang Cha-Chang ito ay di lang pag-indayog sa bubog, kundi pag-indak patungong hukay.

Kaya ngayong ika-sampu ng Hunyo, magpapakasal ako sa LAKAS ng AKLAS!

26 May, 2009

Kambal sa Umay: Ang Umay na di kaya ng Atsara

Mula almusal hanggang hapunan, inuulam natin ang salitang “scandal.”

Nitong nagdaang mga araw, nilantakan ng lahat ang video ni Hayden Kho Jr. at Katrina Halili. Kasabay ng mga kapistahan sa buong bansa, pinagpyestahan ng publiko ang bagay na dapat ay pribado at iniiwan sa paglabas sa kuwarto.

At sa nangyari, nagsalimbayan ang mga pananaw. Nagkaroon ng kanya-kanyang kampo ang mga opinyon. At natabunan ang iba pang mahahalagang usapin.

Sa tuwing may ganitong eksena, ang laging kontrabida bukod sa nagpalaganap ng video ay ang dalawang tao na nasa scandal. At madalas sa madalas, ang babae ang pinupukol ng puna. Hindi ako magpapaka-moral, dahil unang-una, isang malaking diskurso ang moralidad.

Sa Quiapo, ang lugar na updated sa mga palabas, isang mama ang walang kaabug-abog na nag-alok sa akin na: “Boss, Katrina?” na sinagot ko ng iling.

Hindi ko pa nakikita ang video, at hindi na mahalaga pa na mapabilang ako sa mga nag-usisa (o baka may mga nagnasa pa nga sa nakita). Hindi ako nagmamalinis, pero hinding-hindi ko sasabihing “ayan buti nga, ang lilibog kasi,” na sinabi ng isang manang sa jeep. At hindi ako daragdag sa mga miron na ang tanging pinagmulan ng opinyon ay ang posisyong napanood.

Sa tuwing may ganitong kaganapan, tila ba gutum na gutom ang karamihan na makatikim sa pinag-uusapan. Kahit sa facebook, may mga naglalagay sa kung ano ang iniisip nila, atat na atat makakuha ng kopya ng naturang video. Para bang kahihiyan ang hindi ka makasawsaw sa ganitong usapin na pinupulutan ngayon kahit sa loob ng Sarao.

Sa nangyari, lalong lumutang ang kalagayan ng kababaihan sa bansa (na hindi nakita ng karamihang nakasilip sa scandal). Ang mas nakalulungkot at nakapagngingitngit dito, nananatiling nakatali ang mga babae bilang imahen na pinagnanasaan gayong isang babae ang presidente ng Pilipinas. Patriyarkal pa rin ang lipunan gayong isang ina ang pinakamataas na opisyal sa kapuluan.

Sina Nicole, Katrina, Maricar at samu’t sari pang mga pangalan ng mga anak ni Eba ay patuloy na pinagsasamantalahan. Hindi ko kailangang maging babae upang respetuhin sila. At hindi ito mahirap gawin, dahil lahat tayo ay may kapamilyang babae. Lahat tayo ay iniluwal ng isang babae.

Babae, lalaki, bakla, tomboy: iba-iba man ang ating kasarian, pare-pareho tayong tao. Pare-pareho tayong may mga karapatan.

Sana ganito rin ka-interesado ang lahat kung ang pag-uusapan ay ang kalagayan ng bansa; ang pangangailangang patalsikin ang mga pinunong walang ibang ginagawa kundi ang punuin ang sikmura’t pitaka. Sana ganito rin kaaktibo ang bayan sa pangangailangang palitan hindi lang mga nanunungkulan, kundi mismong sistemang umiiral.

Pauulit-ulit lang.

Pabalik-balik na mga scandal na kakambal ng sistemang matagal na nating kinaumayan. At sa umay sa mga eskandalong kinasasadlakan ng ating bayan, hindi atsara ang kailangan— makabuluhang pagbabago.

Kakambal din ng umay ang paghahanap. Kaya ang taong nauumay ay tumutungo sa lansangan at sa mga lugar na makahahanap ng tunay na lasa ng pagbabago.

22 May, 2009

Isang Hapon ng Dalwang Mahahabang Buntonghininga

Matapos makita ang mga larawan at balita sa facebook, naglaho ang bigat ng aking mga mata--naglakbay ito patungo sa aking dibdib at dumaloy sa mga kamay.

At matapos ang pagkuyum-kuyom, naging salita ang mahahaba kong mga buntonghininga.

1
Kahapon, habang naghahanda pabalik sa maingay at mausok na lungsod, natanggap ko ang balitang may isang mamamahayag na kasali sa "order of battle" ng AFP sa Mindanao. Sa naturang listahan, naroroon din ang mga pangalan ng mga miyembro ng iba't ibang organisasyon na kritiko ng gobyerno.

Noong bata pa ako, 'pag sinabing listahan, ang kahulugan nito sa akin ay:
pangalan ng maiingay sa klase.
pangalan ng mga kapit-bahay na nagpasupot ng sardinas o itlog at bumabalik kung akinse o katapusan.
dalawang numero na tinatayaan ni daddy na sinasabi pa niyang tumbok ganito at sahod ganito.

Nang mabasa ko ang statement ng mamamahayag na si Carlos Conde, tumayo ang aking balahibo sa batok.

Sino nga ba namang hindi magngangamba 'pag ang pangalan mo ay nasa listahan ng mga militar? Sinong hindi mababalisa lalo pa't ang Pilipinas ay ika-2 sa buong mundo na delikadong lugar para sa mga mamamahayag?

Sinong mapapanatag lalo pa't maging ang ulat ni UN Special Rapportuer Professor Philip Alston ay nakaturo sa mga naka-fatigue? Sinong magkikibit-balikat sa ganitong balita sa ilalim ng isang rehimeng nasasadlak sa sandamakmak na kaso ng paglabag sa karapatang pantao?

Hanggang utak-pulbura ang presidente, Carlos Conde, mananatiling kaaway tayo ng rehimeng ito na galit sa mga nagsasabi at nag-uulat ng totoo.


2
Isang guwardiya ang humaya ng kanyang hawak na baril sa mga magsasaka. Marahas na binuwag ng mga mamang pulis ang kampuhan ng mga magsasaka. Ito ang eksena kanina sa bukana lamang ng Batasan.

Ilang linggo na rin ang kampuhan ng mga magsasaka mula pa sa Timog-Katagalugan upang tutulan ang CARP at isulong ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Subalit sa halip na pakinggan, dinahas ng mga alagad ng batas ang mga nagtatanim at nagpapakain sa lipunan, silang halos buong-buhay na sa pagbubungkal at pagpapayaman ng lupang sa kasalukuyan ay di matawag na kanila.

Walang ibang dapat mag may-ari sa lupa kundi ang mga nagpapala rito. Subalit
habang patuloy na ipinagkakait sa mga magbubukid ang pagmamay-ari sa lupa, habang may huwad na tagapagtanggol ang huwad na CARP (si Riza Honteveros-Barraquel), at hanggang ang ang sistema ay ang mismong nagpipriserba ng piyudalismo-- patuloy na magsasatingga ang mga buntonghininga di lang ng mga nagtatanim, kundi lahat ng nagugutom. Nagugutom sa maraming bagay.

Buntong-
hininga.
Buntonghininga.

11 May, 2009

Ang Bago kong Paboritong Salita

Mahaba-haba rin ang patlang na naganap sa aking pagdadrama rito. Ewan ko ba, kung kailan ako maraming bagong natutunan mula sa dinaluhang workshop, ay saka naman ako nahihirapan magsulat.At ito ang pinaka-bagong dramang aking kinakaharap.

At itong binabasa mo ngayon ay isa na namang pagtatangka na palayain muli ang mga salita na nangagsabit sa aking dila.

May bago na namang nadagdag sa listahan ng mga paborito kong salita, Iyas. Salitang Hiligaynon na natutunan ko sa Bacolod nitong mga nagdaang linggo. Hindi lang ang matalinghagang kahulugan nito o ang mismong musika ng salita ang naging dahilan kung bakit naging paborito ko ito-- higit sa lahat ang mga aral at alaala na sumibol sa Iyas workshop.

Nadagdagan din ang mga kaibigan ko sa facebook, ang tetxmate,kachat.
Nadagdagan ang mga kakilala kong nagsusulat,
ang mga dapat isaalang-alang sa pagsusulat,
ang pagkilala at pagsuporta sa iba pang lenguwahe sa bansa.
At higit sa lahat, nadagdagan ako ng timbang (hahahaha) dahil sa masarap na pagkain
at komportableng tulugan ng Balay Kalinugan. Tinubuan ako ng pakpak nong nandoon ako (literally at figuratively).

Ay muntik ko nang makalimutan, Binhi nga pala ang katumbas na salita ng Iyas.

25 April, 2009

Punebre sa Kamatayan ng Batas(an)

Salamat at nagdesisyon ang Korte Suprema na magpapalawak sa representasyon ng mga “marginalized sector” sa Kongreso.

Subalit nais kong idiin ang salitang “marginalized” para sa kapakinabangan ni Palparan at ng kanyang presidente at mga zombies nito.

Ang marginalized ay:

1. siyang lagi’t laging biktima ng pang-aapi’t pandarahas;
2. siyang lagi’t laging ninanakawan ng karapata’t kalayaan;
3. siyang lagi’t laging di-pinakikinggan;
4. siyang lagi’t laging kinalilimutan;
5. tiyak kong hinding-hindi si Palparan.

Congressman na si Palparan? Wawawawow!
Marami na namang susunduin si San Lamuerte.

13 April, 2009

Panalangin ng Panahon

" A devotee, no doubt, in search of greener pastures presses a passport on the glass enclosing the miraculous image of the Mother of Perpetual Help at her shrine in Baclaran.”
-Kapsyon ng larawan ni Lyn Rillon, PDI, Nobyembre 21, 2008


Nagmamapa ang gitling-gitling
na guhit ng aking mga palad

sa lapad na bubog ng ‘yong kabanalan.
Naririto ang ruta ng mga bulong

na pilit ko ring tinunton sa mga butil
ng misteryo, at sa pulu-pulong

patak ng puting esperma.
‘Pagkat pangako nila’y di naging tinapay—

Ina, inilalapit ko po sa’yo ngayon
ang aking paglayo.

Upang saklolohan ang aking sikmura
at masumpungan ang lupalop ng katubusan.

At sa aking patutunguhan, nawa’y iadya mo po ako
sa lahat ng masasama.

01 April, 2009

Huling araw ng aking buhay FT

Tuluyan nang ginapi ng kontradiksyon ang may-ari ng blog na ito.

Halos tatlong taon din ang aking inilaan upang makatulong at makapagsilbi sa kapwa. Sa mga taong ito, hindi lang iisang beses na dumating ako sa puntong nais ko nang lumayo at limutin kung ano ako bago ko isulat ito.

Tiyak, matutuwa na si daddy at ang dalawa kong nakatatandang kapatid 'pag nalaman nila na iiwan ko na ang Maynila, iiwan ko na ang lahat-lahat sa Maynila. Uuwi na ako sa probinsiya upang doon simulan ang paglimot sa aking naging buhay sa mausok at maligalig na lungsod.

Mahirap ang humantong sa ganitong pasya lalo pa't sa loob ng mahabang taon ay ito ang naging sentro ng aking pag-iral: pakikisangkot. Sa totoo lang, hindi ko pa rin alam kung paano na nga ito gagawin. Lahat ng pangalan sa aking phonebook, lahat ng mga kaibigan sa facebook at friendster, lahat ng link sa aking blog ay bahagi (o mas tama na nangayon ang "naging bahagi") ng aking buhay bilang isang full-time (FT) sa organisasyong nagnanais ng isang makabuluhang pagbabagong panlipunan.

Magpalit man ako ng sim card, i-delete ko man lahat ng account ko sa internet, umuwi man ako ng probinsiya-- alam kong ito ay panandalian lamang na paglimot. Panandalian na kailangan kong piliting maging pangmatagalan o panghabambuhay na, dahil ito na ang aking pinipili. Ito na ang aking pinili mula ngayon.

Sa mga nakasama ko sa kagutuman, modahan, tulaan, awitan, pagdidikit ng mga posters sa kalsada, takbuhan sa Mendiola, sa mga nagdarahop na komunidad, sa mga picketline, sa mga pag-aaral, sa mga debate, at sa lahat-lahat, Maraming salamat.

Hanggang dito na lang talaga siguro ako, salamat nang marami mga kasama.

Hindi ko kayo mapipigilan at hinding-hindi ko kayo pipigilan kung bahain man ninyo ng reaksyon ang artikulong ito. Mga kasama, lagi ninyong tandaan: dapat higit tayong magsuri sa unang araw ng Abril. Happy April Fool's Day! Apir!

31 March, 2009

Sobre

Kumakatok ang lungkot
sa tuwing dumarating
ang kartero…

Maingat kong binubuksan
ang sisidlan ng kuwento mong
ilang ulit tinupi.

Marahang inuusisa
ng aking mga mata
ang kurba
ng mga letra ng liham
mong malihim.

At pagkatapos,
lalakbayin ng aking ilong
ang mga sulok ng ‘yong sulat
bago muling isuksok
sa parihabang alkansya ng lumbay.

Ay, para akong mapupunit
sa langitngit ng pintong hinagkan ng
hangin.

24 March, 2009

NAKAMAMATAY: Bawal ang Makabayan sa Embahada ng Amerika sa Pinas*

Bukol, putok na ulo, ube sa braso, ube sa mukha, ube sa likod, ube sa hita, ube sa binti, ube sa paligid ng mata, bangas, putok na nguso, wasak na kamiseta at basag na salamin sa mata-- ito ang depenisyon ng dramang "To Serve and Protect" ng PNP sa mga sumusugod sa embahada ng kano.

Sa balita, sa pag-init ng usapin ukol sa Visiting Forces Agreement (VFA) , panay-panay na naman ang ulat ukol sa mga rally sa nasabing embahada. Panay-panay na naman ang kabrutalan ng mga "Pulis na Pilipino" sa kanilang mga kababayan.

Noon pa man, kahit hindi sa usapin ng VFA, tulad ng pang-gigyera ng Amerika sa mga bansang Iraq at Afghanistan: sinasalubong ng hambalos ng truncheon at wasiwas ng pamalo ng mga mamang pulis ang mga raliyista na nagnanais tuligsain ang mga patakaran o karahasan ng gobyernonng kinakatawan ng naturang embahada.

Bugbog-sarado ang mga Pilipino sa sarili nilang bayan. Bugbog-sarado ang mga Pinoy sa kanilang mga kababayan, mga kababayang pulis. Habang sa loob ng embahada, sa malamig na embahada ay namamahinga o siguro ay pahila-hilata at pakamut-kamot ng kanyang itlog ang manggagahasang si Daniel Smith. Si Daniel Smith na manggagahasa.

Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy ang gobyerno ng amerika!

Kung bakit babalik at babalik ang mga mamamayan sa embahadang ito kahit ilang ulit masaktan,
kung bakit dapat tayong sumama sa kanilang pagbalik ay dahil:

pauulit-ulit nilang ginagahasa ang ating soberanya.
Pauulit-ulit nilang binababoy ang ating karapatan.


*Matapos kong makita ang namamagang sugat ni Kepi sa taas ng kanyang ilong, sa pagitan ng kanyang kilay.

10 March, 2009

Elehiya kay teacher Rebelyn

Apat na araw bago ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, isang puting van lulan ang mga armadong kalalakihan ang tumangay sa isang guro sa Davao City.

Tatlong araw bago ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan-- natagpuang lumulutang sa isang ilog sa Carmen, Davao Del Norte ang guro na napaulat na dinukot, si teacher Rebelyn M. Pitao.

Isang substitute teacher si Rebelyn sa St. Peter College sa Toril, Davao City. Nang matagpuan ang katawan ng 20 anyos na guro: may 3 sentimetrong "ligature mark" sa leeg, 5 saksak na kung saan ang 2 ay itinarak sa kanyang kaliwang dibdib. Ang mga nasabing atake rin ay tumagos sa kanyang bituka, baga at diaphragm. Mukhang hindi pa nakuntento ang mga salarin, kung kaya't isang matigas na bagay pa ang kanilang iniulos sa maselang bahagi mo teacher Rebelyn.

At sa nangyari, isang malaking itim na tandang-pananong ang naiwan sa pisara, sa pasilyo, sa mga silid na pinagtuturuan mo, sa kuwaderno ng 'yong mga mag-aaral, sa Davao, sa Mindanao, sa buong bansa at sa buong daigdig. Isang MALAKING itim na tandang-pananong na tumititig sa amin sa araw-araw.

Anak ka raw ng isang opisyal ng New People's Army, e ano naman ngayon? Lahat naman tayo ay anak ng ating mga magulang na may pinili/pinipili pa ring tahakin sa kanilang buhay. Ang bawat isa naman sa daigdig ay nanggaling sa mga tinatawag na nanay at tatay na bago pa man tayo isinilang ay may gawaing pinaglalaanan na ng panahon. Lahat tayo ay anak ng mga nilalang na maaring isang abogado, pulis, sundalo, nurse, prostitute, OCW, Pulis Oyster, yaya-- at sa'yong kaso, ikaw ay anak ng isang NPA na nagnanais magpabagsak sa sistemang umiiral sa ating bansa--pero hindi ibig sabihin nito ay kung ano sila ay ganon din tayo.

Hindi one plus one ang buhay-- at ito ang hindi natutunan ng mga salarin.

Ang pagbibigay ng katarungan sa iyong malagim at maagang pamamaalam at ang pag-aangkin ng isang makataong lipunan ang takdang-aralin na hinding-hindi namin katatamaran.

Isang mataas na pagpupugay sa gurong inialay ang kanyang panahon at galing para sa kanyang mga kababayan at bayan!

Isang mataas na pagpupugay para sa iyo teacher Rebelyn M. Pitao!










07 March, 2009

Liyab ng Lila

Napatda sa'king kaliwang dibdib ang mga paningin ng tao sa LRT2 kagabi. Nakalimutan ko na may ikinabit nga pala akong kapirasong papel na may lasong lila at may nakasulat na: "Women's Rights are Human Rights."

Nagtataka sila kung bakit sa isang lalaki nila mababasa iyon. Namamangha sila na sa kasariang di umano'y pinaghugutan sa kanila na may malapad na balikat ang kakikitaan nila ng pirasong papel na itinusok ng aspile. Hinihintay ko lang na may magtanong. Subalit nakarating ako sa 'king destinasyon na puro mata, hindi bibig ang nagtanong.

Alam kaya ng mga nanay kung bakit ako may ganoong drama? Alam kaya ng mamang matagal na nakatingin sa nakasulat kung anong ibig sabihin noon?

06 March, 2009

Mga Kababayan Ko, Nais Kong Malaman N'yo

Habang nakatigil lang ang mga dyip at walang humpay na bumubusina, businang akala mo naman ay bubuwag sa buhul-buhol na mga sasakyan-- dumating ang isang mensahe. Bagama't alam kong posible ito lalo pa at napabalita ang kalagayan ng kanyang kalusugan, mas pinili ko pa ring magduda sa mga letra sa screen ng topakin kong cellphone.

Nang makarating ako sa Vicente Cruz, muling tumunog ang aking cellphone: "beh patay na si Francis M. :-(" Bigla-bigla, tumugtog sa aking isip ang kanyang mga kanta. Parang wala akong ibang nariring kanina habang naglalakad sa may Nagtahan. Wala akong ibang narininig maliban sa boses ni Kiko. Wala akong ibang naiisip maliban sa batang ako at si kuya na sinasabayan si Francis M. sa radyo.

May lungkot sa bawat pamamaalam. Nalulungkot ako kaya nga nagsulat ako ng ganito. Hindi lang dahil sa tagahanga niya ako kaya ako nalulungkot. Hindi ako nalulungkot dahil wala na talaga akong pagkakataon na makita siyang kumanta sa labas ng aming TV. Hindi ako nalulungkot dahil hindi na niya masasamahan ang EHEADS bukas--- ang maagang pamamahinga ng isang mahusay na alagad ng sining, isang nasyonalistang artista ang kahulugan ng aking lungkot.

Mga kababayan ko, nais kong malaman niyo:
Maraming mahuhusay kumanta, maraming kanta ang may kaaya-ayang tunog, subalit sa huli-- ang paksa pa rin ng awit, isang tinig na handang tumindig at tumunggali sa hamon ng panahon ang magbibigay dahilan upang maging imortal ang sining at ang artista.

Tinakdaan man ng sakit ang iyong pananatili rito Kiko, ipinagdamot man sa amin ng 'yong kalusugan ang mga bagong awit-- Francis Magalona nais kong malaman mo, bilib ako sa ambag mo sa'ting mga Pilipino.

05 March, 2009

Alinsangan

Dumating na siya. Nagkalat na ang mga tuyong dahon sa parke. Nagsusulputan na ang mga tindahan ng mga kinaskas na yelo na nilalagyan ng gatas, saging, sago, langka, ube, asukal, leche flan. Mataas na naman ang lagnat ng hangin at mga kalsada dahil dumating na si tag-init.

Nakatatamad lumabas ng bahay. Hindi sa ayaw kong mangitim (kuntento at proud ako sa kulay kong tinusta ng araw), kundi ayaw ko ng pakiramdam na malagkit sanhi ng mainit na hangin. Ayoko ng singaw ng semento na tumatagos ang init sa sapin sa paa. Sumasakit ang ulo ko sa sobrang liwanag at nanunuot na init sa katawan. Ayokong nagpapaypay. Nakakairita ang pagbiyahe-biyahe lalunat pinupuno ang sasakyan na maging ang pagpaypay ay di mo magawa, maging ang pagpunas ng pawis na namamaybay sa pisngi ay ipagdaramot sayo ng espasayo. Ang pamasahe mong P7 ay para lang sa pag-upo, hindi kasama ang paggalaw-galaw.

Pero noong bata pa ako, tag-init ang pinakagusto kong panahon sa kalendaryo. Bukod sa di ko makikita ang aking mga guro noon na talaga namang parang wala nang bukas kung makapag-paproject at research-- ito ang panahon na bumibisita kami sa aming mga pinsan.

Ang tag-init para sa akin noon ay paglalangoy, walang katapusang pagpaplano kung ano naman ang susunod na paglilibangan. Ang tag-init ay pag-akyat sa puno at pagbabalat ng mangga. Ang tag-init ay pagsisid sa malinaw na talon sa Real Quezon o sa pagtakbo sa puting buhangin ng Unisan.

Ang dami-daming alaalang dinadala ng alinsangan.

04 March, 2009

Si Jollibee, si Barney at ang batang si Gabo

Halos kabisado na naming lahat sa bahay ang mga kanta ng isang kulay talong na dinosaur, si Barney. Uma-umaga, isinasalang ng mommy ni Gabo ang Barney CD niya.

Nagtatalon, kumakandirit sa tuwa habang ginagaya ang mga bata sa loob ng 14 inches naming tv si Gabo. Aliw na aliw si Gabo sa kanyang mga kalaro na hindi niya kakulay at ni hindi niya katulad magsalita. Pero paano kaya niya nagagawang matuwa?

Nang magsimulang tumalon ang CD ni Barney, si Jollibee naman ang aming kalaro sa umaga. Si Jollibee, kasama ang ibang maskot na nakikita natin kung may nagdiriwang ng kaarawan. Jolly Town ang moda nila, pero kahit si Gabo, hindi ko kakitaan ng salitang saya habang nakatitig sa mga malilikot na maskot.

Ang higanteng bubuyog na kulay pula, dilaw at ang mga kapwa niya maskot na kala-kalaro ngayon ni Gabo tuwing umaga ay nag-aalok sa kanya at sa iba pang bata ng isang mahinang wika.

Pana-panahong nagtatagalog at nag-iinggles ang mga maskot. Inggles, Tagalog. Tagalog, Inggles. Sa murang edad ni Gabo, dalwang wika agad ang nagsasalpukan sa kanyang utak. Dalwang magkaibang salita agad ang humahanap ng puwang sa kanyang memorya.

Matagal nang nagbabadya ang krisis sa wika.

03 March, 2009

Kung bakit mali ang Right of Reply Bill

Panukalang pamukol sa kalayaan sa pamamamahayag.

Ganitung-ganito ang SB 2150 ni Senador Aquilino Pimentel at ang HB 3306 nina Cong. Monico Puentevelia, Juan Edgardo Angara. Mga panukalang batas na na inihapag sa Senado at Kongreso.
Bagama't sa magkaibang kapulungan inihapag-- parehung-pareho ang titulo: An Act Granting the Right of Reply and Providing Penalties Thereof." Bagama't sa magkaibang kapulungan inihapag-- gahibla lang ng buhok ang kanilang pagkakaiba. Pagkakaibang walang ibang babasbasan kundi ang mga impluwensiyal na indibidwal.

Dahil sa pag-init ng usapin, agad nagpahayag ang Palasyo na ivi-veto raw ng Pangulo sakaling maipasa man ito. Ito ang resulta ng maaga at madiing pagtutol ng mga miyembro ng media.

Isa-isa na ring nagbubukas sa mga miyembro ng media ang mga nasa likod ng mga panukala. Nais nilang makipag-usap, subalit para sa mga mamamahayag: walang dapat pag-usapan. Pareho lang ang tugon naming mga mamamahayag pangkampus: bakit kailangang pag-usapan ang isang pulpol na panukala?

Mas maraming dahilan kung bakit dapat ilibing agad ang mga panukalang ito kesa sa dahilan upang ito'y pag-usapan pa:

1. Ang Panukala ay Labag sa Konstitusyon. Tahasang sinasagasaan nito ang Article III, Section 4 ng 1987 Constitution, "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peacebly to assemble and petition the government for redress of grievances."

Sakaling maging batas ito, magtatanim ito ng takot sa mga mamamahayag na magsulat ng mga imbestigasyon ukol sa mga opisyal ng bayan o paaralan dahil maaaring gamitin ito upang buweltahan ang manunulat. At sa ganitong pangyayari, hindi makaaabot sa mga mamamayan ang mga bagay na dapat nilang malaman upang makapagsuri at kumilos para sa makabuluhang pagbabago.

2. Ang Panukala ay Represibo. Kung sakaling maging batas ito, inoobliga ang bawat pahayagan na maipublish ang tugon ng sinasabing "aggrieved person." Tatlong araw ang ibinibigay ng Senado, habang isang araw naman sa Kongreso upang ilathala ang sagot. Sa bawat pagpalya, may karampatang halaga ang ipapataw na maaring dumulo sa tahasang pagsasara ng mga pahayagan.

Sa ganitong kalakaran, pinangungunahan ng panukalang ito ang kapasyahan ng editorial board na 'malayang tukuyin' kung ano ang papaksain ng kanilang partikular na isyu.

Sasagasaan nito ang lahat ng mga pahayagan ng mga estudyante sa buong bansa. Sa kasaysayan ng campus press, wala pang pahayagan ang lumalabas araw-araw. Mayorya sa campus press ay nag-iimprenta ng mga artikulo laban sa mga anti-mamamayan at anti-estudyanteng polisya. At dahil sa katangiang ito, tiyak na magiging suki ang mga batang mamamahayag sa atake gamit ang mga naturang panukala.

3. Ang Panukala ay Walang Saysay. Batas ng pamamahayag ang pagkuha sa dalwang nagtutunggaling panig sa istorya. Sa proseso pa lang na ito ay agad nang naigagawad ang karapatang makatugon.

Kung may mga pagkakataon mang hindi naipipresenta ang isang panig, 'yun ay dahil tumangging magbigay ng kanyang panig o hindi mahagilap upang kapanayamin.

Bago pa man maisipan ng ating mga mambabatas ang panukalang ito, matagal nang kinikilala ng mga pahayagan ang tugon ng mga indibidwal. Hindi lang siguro nabasa ng ating mga butihing opisyal na may bahagi sa mga pahayagan na kung tawagin ay letter to the editor.

Isang nakatatawa ring pagdadahilan na ito raw ay maaaring maging daan upang kahit papaano ay mabawasan ang mga kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag. Hindi kailan man mareresolba ng isang batas ang ganitong insidente.

Matagal na tayong nabubuhay na naririyan ang batas na kumikilala at pumoprotekta sa ating mga karapatan pero patuloy ang pagtaas ng bilang ng pagdukot sa mga miyembro ng mga organisasyon at pampulitikang pamamaslang. Political will ang kailangan, hindi batas kung nais niyong maresolba ang tulad ng nabanggit.

Ang mga panukalang tulad nito ay nararapat na nating ibalik sa dapat nitong kalagyan-- sa BASURAHAN.

02 March, 2009

Balintuna

Para silang kidlat. Naglalaho silang mabilis na mabilis. Binalhan mo lang sila kani-kanina, bigla-biglang maging klaro angkalsada. Wala ang lamesa pinagpapatungan ng paninda. Parang walang naganap. Parang guniguni. Parang malikamata. Sila ang mga manininda sa bangketa.

Akala ko may away kanina sa may Padre Faura. Kasalubong ko ang mga mama at aleng kanya-kanyang takbo. Takbong tila hanggang may lupa. Parang sa pelikula, 'yung tagpong nagtatakbuhan ang mga taumbayan dahil may paparating na mga masasamang tao o may higanteng naghahanap ng makakain. Higanteng may malaking tiyan.

Kanya-kanyang silang suksok sa mga eskenita habang bitbit ang mga paninda. Ang galing talaga ng pinoy. Akalain mo ba namang ang mga mesang kanilang pinagpapatungan lamang kanina ng shades, medyas, panyo, posters ni Beyonce, alarm clock, makukulay na hikaw etcetera ay natitiklop at handa sa mga pagkakataong ganito. Handa sa pagdating hindi ng higante, kundi ng pulis na tulad ng higante sa pelikula ay malaki rin ang tiyan.

Hindi ko alam kung bakit sa mga ganitong pagkakataon, na sa halip umalis at di makigulo ay mas pinipili kong manatili. Hindi ako tsismoso, ilang ulit ko nang pinagdiriinan yan dito sa blog. Gusto kong malaman ang mga susunod na tagpo. Gusto kong masaksihan ang mga susunod na linya. Gusto kong ako ang magkukwento at hindi lang basta pagkukwentuhan. O di ba,ibang-iba ang tsismoso sa gustong magkwento? hehe

Di bali na lang daw na magutom, 'wag lang magnanakaw. Hindi ba't ito ang isinasabuhay ng mga mama at aleng parang dagang naghahanap ng lunggang masusuotan dahil huhulihin sila ng pulis? Sa anong kasalanan? Pagtitinda sa bangketa.

Di bali na lang ma-zero sa exam, 'wag lang mandaraya (dahil sarili raw natin ang dinaraya). E kung sa eleksyon mandaya? Sarili pa rin ba ang niloloko?

Isang malaking balintuna ang ating lipunan: tinutugis ang tama, malayang-malaya ang mandaraya at dakilang magnanakaw. Magnanakaw ng pera, boto, karapatan, kalayaan at buhay.
Magnanakaw ng kinabukasan.

01 March, 2009

1 Versus 899,999

Ilang linngo na lang at muli na namang makahihinga ang mga libro, kuwaderno, upuan, pisara at pasilyo ng mga paaralan. Ilang linngo na lang ay paparada na naman ang mga toga. Puti at itim na mga toga. Ilang linggo na lang ay magsisimula na ang lumang palaro ng pamahalaan sa magsisipagtapos.

Marami na naman ang nakatakdang mamaalam sa mga paaralan upang sumabak sa labas ng mga haligi ng akademya-- isang mundo ng kontradiksyon. Isang daigdig ng kawalang trabaho (o kung meron man ay mababa ang suweldo o walang kinalaman sa tinapos na kurso). Marami na namang pinapaniwala ang piraso ng nirolyong papel na padadaliin nito ang paghahanap ng mapapasukan. Sabi sa balita, 900,000 ang mga magsisipagtapos.

Ang drama: 1 versus 899,999. Silang lahat ang iyong katunggali sa mga ga-platitong maning mapapasukan.

Wala nang dapat ipagtaka kung ang mga magsisipagtapos ay maging si Maria Theresa Pangilinan-- ang matapang na estudyante mula sa Cavite State University na harap-harapang sumigaw habang nagsasalita si Gng Arroyo noong 2006-- "OUST GMA!"

28 February, 2009

P.S: Pusong Sumabog sa pamamaalam ng Pebrero

Ngayon ang huling petsa ng buwang kulang-kulang. Ilan na naman kaya ang iniwang luhaan ng Pebrero?

Pula ang kulay ng Pebrero dahil marami ang nasasaktan, nawawalan, marami ang nasusugatan at kahit nga nasaktan-- marami pa rin ang lumalaban. Iniisip ko ang mga kadahilanan kung bakit sa pamamaalam ng Pebrero ay marami ang pusong kung hindi man nawasak, ay nahapo.

Sa buwang ito, tatlo lang naman ang dahilan ng kasawian:
Una, yaong may kinalaman sa pag-ibig.

Ikalwa, yaong may kinalaman sa pag-aaral. Dahil ngayon nga ay buwan ng salitang "pagmamahal," maraming paaralan ang nagdaraos ng tuition consultation. At maraming paaralan ang "nagmamahal" ang halaga ng edukasyon.

Ikatlo, ang combo: Loveless na nga, hindi pa makapag-aaral sa pasukan.

27 February, 2009

Saysay ng Sining

Saksi ang mga pangalan ng martir noong Martial Law na nakaukit sa malapad na itim na marmol. Saksi ang mga magkakalayong bituin at watak-watak na mga ulap sa langit. Saksi ang mga tuyong dahon sa lupa. Saksi ang mga malalaking ugat ng mga puno sa Bantayog ng mga Bayani sa QC.


Saksi maging kami, kaming mga nagtungo sa launching ng libro ukol sa kalagayan ng mga katutubo at ang pinaka-bagong album ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK), ang Chiwasi- sa napakayamang kultura ng Kordilyera.


Nang mapakinggan ko ang kanilang Salidumay nang minsang bumisita ako sa bahay ng isang kaibigan, agad akong naging tagahanga ng DKK. Nang personal ko silang marinig kanina at makita kung paano nila nililikha ang isang musika na tila nanggagaling sa kagubatan-- hindi ko napigilan ang aking sariling makisali sa pagsayaw.


Tiyak, hindi lang ang malambing na tinig nila ang dahilan kung bakit maging dito sa kalunsuran ay maraming parang idinuduyan sa paghanga. Makapangyarihan ang mensahe ng kanilang mga awitin. Hindi na lang sibat at mga kagamitang pandigma ang ginagamit ng Kordilyera-- maging ang musika at sining ay mahusay nilang napagsisilbi para sa laban ng kanilang lupain at kultura.


Sa kasalukuyan, pangunahing suliranin ng mga kapatid nating katutubo ay ang pagmimina. Sinisira nito ang kagubatan na kanilang tahanan. Nialalason nito di lang ang lupa, tubig at hangin-maging ang kanilang tradisyon ay unti-unting pinapatay.


Mula sa usapin ng kalikasan, kultura, patrimonya patungong isyu ng pampulitikang pamamaslang at pagdukot sa tulad ni James Balao ay tumugon at patuloy na tumutugon ang mga awitin ng DKK.


Ang awit, tulad ng iba pang porma ng sining ay di lang nilikha o nililikha upang parangalan at hangaan. Ang sining ay instrumento ng pakikipaglaban. Ang siningay kalasag ng bansa at mamamayan.




26 February, 2009

Paano nga ba maging magulang ngayon?

Nakisalo ako sa almusal na pangaral ng aming kapit-bahay. Pinagagalitan na naman si Justine ng kanyang nanay. May bagong project daw sa school. Sa madalang sabi, kelangan ng pera. Sa mas simpleng salita: GASTOS.

Ganito rin noon si daddy. Lagi niya kaming pinagdududahan 'pag humihingi ng pambayad sa ganito, may field trip, kelangang pumunta sa ganito, may practice at kung anu-ano pang kahingian noon sa school. Kung minsan nagdududa na rin ko na baka nga naman kumi-kickback lang ako dahil sa kadududa ni daddy. Pero totoo naman talagang my project.

Dahil sa maagang ipinaintindi ng aming mga magulang noon kung gaano kahirap kumita-- hindi namin naging ugali na mag-imbento ng mga pagkakagastusan. Mautak din ang mga magulang ko, ginawa nila yon para makonsensya kami kung nagbabalak man kami. Sino ba naman ang hindi tatalaban ng mga linyang :

Scene 1 Int. Sa loob ng isang bahay ng mayamang Chino sa Hong Kong. Hawak ng isang nanay ang telepono at kausap ang anak sa Pinas.
"Kung may tatanggap lang sa akin ditong magGRO ay gagawin ko para ma-ibigay ang lahat ng hinihingi niyo."

Scene 2. Int. Sa loob ng bahay namin noon sa Lucena. Pinagagalitan ng ama ang anak na gustong bumili ng usong sapatos.
"Aba! anong akala niyo sa pera, napupulot? Itinatae lamang?"

Ilang buwan pa lamang ang kanyang panganay, lumipad si kuya patungong Saudi. Ayaw daw niyang magutom ang kanyang anak. Nagsisimula nang maging matabil ang kanyang si Bughaw, maliksi nang tumakbo, marami nang alam na kalokohan, pero siyempre hindi naman iyon mararamdaman ni kuya sa mga larawang ipinadadala sa kanya. Ganon din ang kanyang anak, hindi naman niya makikilala ang kanyang tatay sa mga larawang naka-kuwadro sa kanilang sala.

Hindi ko kailangang maging magulang upang maramdaman ang hirap na naka-atang sa salitang "tatay" o "nanay." Sa panahon ngayon, kung saan sahod na lamang ang hindi tumataas, iniisip ko paano pa kaya nagagawang tumawa ng mga tatay at nanay?

25 February, 2009

Miercules de Ceniza

Nawala sa isip ko na ngayon nga pala ang simula ang pagpasok ng Kuwaresma. Ipinaalala na lamang ito sa akin ito ng noo ng aking mga kasakay. Mga noo nilang nangingintab-- para bang naggo-glow ang itim na cross.

Ang paglalagay ng abo ay simbolo ng pagsisisi sa mga kasalanan. Sa matandang sibilisasyon, dinudungisan nila noon ang kanilang mga sarili upang ipamalas ang kanilang pagpepenetensya.

Kahit noon pa man, ito ang ayaw kong bahagi ng kalendaryo, Mahal na Araw. Sa panahong ito ay maraming bawal. Ang tahimik sa probinsiya. Hindi kami noon makapaglaro ng aming mga kaibigan kasi sabi ni lola ay pag nagkasugat ay hindi raw agad gagaling.

Kung meron man ako noong nae-enjoy kung ganitong panahon, 'yun ay maraming mga mahuhusay na pelikulang tagalog akong napapanood.Kahit paulit-ulit nang napanood, hindi ko pa rin pinalalampas ang Himala at mga pelikula ni Lino Brocka.

Bigla ko lang naisip, nagpa-cross na kaya si GMA? Gaano kaya karaming abo ang iniligay sa kanya? Siguro sumisigaw na siya ngayon ng:
HALA-BIRA! HALA-BIRA!

24 February, 2009

Hawlang Lata, Hawlang Tabla

Pinagtagpi-tagping lata. Kalawangin, kulay berde, kulay pula. Tinabas batay sa lapad o habang pagkakabitan. May mga pabigat na lumang gulong ang pamandong ng mga pinagdikit-dikit ng pako na mga tabla. May mga posteng ang mga kable animo'y buhok na tinirintas. Ang tawag nila rito ay tahanan.

Hindi ito eksena sa indie films. Ito ang tanawin sa tulay na nagkakabit sa mga estasyong Recto at Doroteo Jose. Dahil sa sobrang dikit-dikit na ng mga kabahayan, ni hindi na napansin ng isa kong kaibigan na ang gusaling may mataas na pader at may mga barbed wire sa tuktok ay ang Manila City Jail.

Mahirap naman talagang mapansin ang hangganan. Mahirap naman talagang matukoy ang pagkakaiba. Kundi ko pa nakita noon ang mapa sa LRT 2, ay tiyak na iisipin ko rin na iyon ay bahagi rin ng mahabang latag ng yero.

Mula sa tulay, babatiin ka ng isang dalagang nagsusuklay sa bintana. Isang binata na nag-aahit ng balbas hawak-hawak ang salamin. Mga batang nagtatakbuhan sa yero habang maingat na hinihila-hila ang pisi ng kanilang saranggola. Mga kalapating naninirahan sa bubong. Mula sa tulay, tititigan ka ng Pilipinas.

Mahirap naman talagang isipin na naroroon ang bilangguan. Pare-pareho lang namang piitan ang ating ginagalawan.

23 February, 2009

Gatas ng Aklas

Ang paglilingkod ay walang kasarian. Ito ang pinatunayan ni Harvey Milk-- ang kauna-unahang ladlad na bakla sa kasaysayan ng politika ng Amerika.

Disyembre pa lang, nagkalat na sa Quaipo ang pelikulang MILK. Sa pagkapanalo ni Sean Penn sa Oscars, tiyak na marami ang magtatanong kung tungkol saan ang pelikula. Makatutulong ang tropeyo ni Penn upang mapag-usapan ang pelikula at mahikayat ang mga tao na panoorin ang MILK.

Oo, bakla si Harvey Milk, subalit ang pelikulang MILK ay hindi nilikha para sa mga kabaro niya at maging sa mga lesbyana-- ito ay pelikula para sa sangkatauhan.

Ang MILK ay isang hamon. Hamon sa mga halos isumpa at pandirian ang mga bakla at lesbyana. At hamon mismo sa mga bakla at lesbyana na nanatiling nakapiit sa madilim at masikip na kloseta. Ito ay kasaysayan kung paanong ang kasarian ay walang kinalaman sa pagiging mabuti at mahusay na mamamayan ng mundo ang isang indibidwal.

Ang MILK ay testimonya na sa sama-samang pagkilos, walang pader ang di kayang tibagin. Ang kalayaan ay hindi ibinibigay-- ipinaglalaban, sama-samang itong ipinaglalaban.

Tikman natin ang gatas ng paglaya.

22 February, 2009

Inetsapuwerang Petsa

Hindi tulad ng dati, kung ang Araw ng Kalayaan ay tumapat ng Miyerkules o kahit anong araw na may pasok sa eskuwela, sa araw na iyon mismo mawawalan ng klase. Malungkot kami ng noon sa tuwing papatak ang mga holidays sa araw ng Sabado o Linggo.

Noon, para sa aming magkaklase, ang holiday ay araw ng panghuhuli ng tutubi at salagubang, paliligo sa pantalan-- araw para maglaro at magsaya. Nang magsimula akong magbasa at maunawaan ang kasaysayan sa high school, at nagsimulang ma-intriga kung bakit si Rizal at hindi si Andres Bonifacio ang pambansang bayani, nagbago sa akin ng salitang "paggunita."

Ang paggunita ay pag-alala, ang pag-aalala ay pagbibigay halaga sa isang ambag sa kasaysayan o sa buhay ng isang tao o lahi. Subalit naiiba ang paggunita sa diksyunaryo ng kasalukuyang administrasyon: ang kasalukuyan ang nagtatakda ng nakaraan.

Lunes na ang araw ng mga paggunita. Inililipat sa pinaka-malapit na Lunes ang di pagpasok upang maging mas mahaba-haba raw ang ating pahinga. "Holiday Economics" ang tawag ng pamahalaan dito. Dahil sa mahabang araw na walang pasok, makatutulong daw ito sa ekonomiya dahil may pagkakataong magbakasyon at kumonsumo ang mga taong nais magrelax.

Saan ka naman nakakita sa isang bansang sardinas o canton na lamang ang kinakain ang uunahin pang pumunta sa Boracay, Baguio o sa mga vacation spots? Kahit nga sa simpleng pagpasyal na lang sa Luneta ay nagdadalwang-isip tayo, dahil bukod sa mahal ang pamasahe, ay laging nandyan ang banta ng holdapan dahil nga sa tumitinding kahirapan.

Walang kaso ang hangaring pagpapatatag ng ekonomiya para sa tunay na kagalingan ng bansa't mamamayan, 'yun naman talaga ang dapat. Subalit kung ang mga signipikanteng petsa sa ating bansa ay basta-basta na lang inililipat sa ngalan ng kita, para mo na rin sinabing walang saysay ang ating kasaysayan-- na wala tayong maipagmamalaking nakaraan.

Ang paglimot ay isang pagtataksil. Bahagi ng paglimot ay ang pagpapalabnaw ng kahalagahan ng nagdaan.

"Ang Biyernes Santo kaya ay Biyernes pa?" biro ng drayber sa akin noon nang mapag-usapan sa radyo ang Holiday Economics.

21 February, 2009

C(h)oke

Nagkalat na sa mga kalsada ang mga naglalakihang mukha ni Kim Chiu habang suut-suot ang t-shirt na kulay lila at may mga letrang mapusyaw na asul. Bago pa man tuluyan tayong pasuin ng papasok na tag-araw, agad na tayong inaaalok ng mga kamiseta ng pamatid-uhaw: "A coke a day keeps the bad trip away."

Ang sarap lagukin ng bagong gimik na ito sa tag-init. Kung gamot nga ito sa bad trip, tiyak walang sisimangot ngayong summer. Ganito na ang magiging drama: Wala kang trabaho? Magcoke ka! Natanggal ka sa trabaho? Magcoke ka! Hindi ka na makapag-aaral next year dahil sa tuition increase? I-coke mo yan! Sana nga ganito lang ang buhay.

Paano kung magkasakit dahil sa kaiinom ng coke? Di ba bad trip 'yun?
Bad trip ba kamo?
I-coke mo pa!

Para sa iba pang dulot ng paglagok ng softdrinks, bumisita sa:

http://www.filipinovegetarianrecipe.com/health_compilation/danger_of_coke_and_pepsi.htm

upang maintindihan ang salitang bad trip.

20 February, 2009

Baling Balita

Madiing tono. Gigil na nanguso. Matatalim na titig at kompiyansang pagduru-duro sa telebisyon ng tagapagbalita.

Habang lulan ako kanina ng G-Liner patungong Taft, ipinatalastas ang susunod na tatalakayin ng Imbestigador—kung paano raw ipinagdiriwang ang Araw ng mga puso sa isang siyudad sa kalakhang Maynila. Muli nilang tatalakayin ang isyu ng pinaka-matandang propesyon—ang prostitusyon.

Sa patikim sa isyu na aking nakita, pinasok ng mga pulis ang isang bar kung saan may mga nagsasayaw nang walang saplot. Kung saan may nagaganap na “torohan.” Walang takot nilang ipinakita ang operasyon— nang makapasok ang mga parak na huhuli sa kanila, nagsipulasan ang mga katawang parang nananahan sa hardin ng Eden. Mga nilalang na animo’y kalalabas lang sa nabiyak na kawayan. Dahil sa sinasabing “ethics,” pinalabo ng estasyon ang mga larawan.

Subalit kahit anong pagpapalabo pa ang gawin, ito lang ang mananatiling malinaw: hindi mapaaampat ng ganitong ulat ang isyu ng prostitusyon. Kahit anong tiyak ng tono ng taga-pagbalita, mananatiling walang katiyakan ang bawat araw para sa atin. Ang kawalang katiyakan na nagtutulak sa mga kapwa natin upang maghubad ng hiya sa entablado, habang kinikindatan ng pulang ilaw at pinaglalawayan ng mga aninong nakaupo sa paligid.

Higit pa sa salitang gasgas ang balita ukol dito. Higit pa sa usaping ito ang dahilan ng pag-iral ng media. Ang media ang sandigan ng mamamayan upang malaman ang dahilan kung bakit sila naghihirap, kung bakit sagad hanggang buto ang hiwa ng patalim na kanilang kinakapitan.

Hindi ako sang-ayon sa prostitusyon o ang isa pang madalas na paksa-- ang bawal na gamot, subalit hindi ba ang dapat na i-ulat ay kung bakit may mga kapuso at kapamilya tayong gumagawa nito? At kung sino o ano ang nagtutulak sa kanila upang magkaganon. Napakaraming mas malalim na usapin ang nangangailangan ng pagsisiyasat at imbestigasyon, subalit nakukupot ang balita sa mga biktima at hindi sa salarin.

Hangga’t ang media ay pagmamay-ari ng mga kapuso at kapamilya ng mga impluwensiyal sa bansa— mananatiling almusal, tanghalian at hapunan natin ang kawalang katiyakan.


At ito ang ulo ng mga nagbabagang balita sa bansang paulit-ulit hinuhubdan ng karapatan at kalayaan.

19 February, 2009

Eye bags

Inaabutan ko ang pagtilaok ng manok na panabong ng aming kapit-bahay sa paghihintay ng antok. Ito ang moda ng aking pagtulog gabi-gabi.

Nakadadalwang tasa ng kape ako sa gabi, pero ganito na naman ako noon pa pero di naman nito hinahadlangan ang pagbigat ng aking talukap. Tiyak ako, hindi kape. Sanay na ang aking sistema sa caffeine. Sabi ng titser ko noon sa higschool, pag di raw makatulog ay maaring makatulong ang mga sumusunod:

1. Uminom ng gatas. Ginawa ko naman kaso walang effect at mahal ang gatas.
2. Magbasa. Lalong nandilat ang aking mata dahil sa pananabik na malaman
ang mangyayari sa mga tauhan. Ngayong linngo, nakadalwang nobela ako.
3. Magbilang ng tupa. Bakit ko naman gagawin 'yon? Mga bata lang sa cartoons ang
gumagawa nito. At isa pa bakit tupa ang kailangang bilangan? At paano naman ako
ihahatid ng pagbibilang sa paghimbing?
4. Magdasal. Napagod na ako sa ka-aamanamin at ilang ulit na rin akong nagsisi.
Sibukan ko na ring itakip sa mata ang panyong El Shadai ni lola. Kinausap ko na rin
ang mga santo sa Quaipo noon, pero wala pa rin, nauna na ata silang managinip bago
ko pa man sila kausapin upang humiling ng antok.

Ngayong nagsisimula nang maging maalinsangan ang hangin sa gabi, naliligo ako bago humiga sa kutson. Pero sadyang pakipot ang antok.

Nang sabihin ko kay mommy na konti na lang at magkakaanak na siya ng zombie, ito lang ang kanyang nasabi: "'Wag ka na kasing isip nang isip bago matulog."

Pwede bang sa tuwing matutulog ako ay hindi ko iisipin na maraming mawawalan ng trabaho? Na maaaring kasama rito si kuya na nasa Saudi at si ate na nasa Singapore? Paano ko ba hindi maiisip na maraming magsisipagtapos na walang naghihintay na trabaho, paano ang aking mga kaibigan na inaasahan ng kanilang mga magulang? Paano ang aking mga pinsan na ipinangutang pa ng kanilang mga magulang makapagtapos lamang? Kakayanin ko kayang hindi mag-isip kung ano na kaya ang nangyari sa mga aktibistang dinukot, na patuloy pa ring naghihintay ang mga ka-pamilya nina Sherlyn Cadapan. Karen Empeno, Jonas Burgos, Randy Malayao at marami pang mga pangalan? Hay, pano ko naman maiiwasang hindi muna isipin na pinapatay sa bansang may demokrasya ang mga aktibista at mamamahayag?

Bakit ba pati pagtulog ay kay hirap angkinin sa panahon ngayon?

18 February, 2009

Pilapinas kong Mahal

Walang katapusang pagpila ang ating buhay.

Parang pila sa NFA rice noong summer ang linya ng mga tao sa Lotto ticket outlet kanina. Nang makita ko sa Bulgar na binabasa ng mamang may goodmorning towel na nakasabit sa batok, habang kagat-kagat ang dulo nito-- P239, 242, 111.20 ang naghihintay sa tamang kombinasyon ng numero. Kung di lang ako nagmamadali, siguro ay nakipila na rin ako at tinayaan ang birthday ng buong pamilya. Mga numerong lagi noong pinatatayaan ni mommy kahit na nasa Hong Kong siya.

Pag may taya si mommy noon, naka-abang kami sa channel 4 para sa kombinasyon. Pag wala, ayaw niyang mapapadaan sa channel 4 dahil ayaw niyang manghinayang kung sakaling ang aming mga birthday ang isuka ng makina. Maraming umaasa sa atin sa kaalwanang inihahatid ng mga bolang may bilang na binobola.

Sino ba namang ayaw makatikim ng ginhawa sa isang bansang bisyo na ang magtiis? Lalo pa ngayong uso ang walang trabaho, hindi na nakapagtataka kung sa lotto na humingi ng himala ang mga tao at balatuhan na lang ang Itim na Nazareno. Pero sa huli, naniniwala pa rin ako kay ate Gay: "Walang himala!"

Nakakangalay ang pagpila: pila sa jeep, pila sa poso, pila sa banyo, pila sa bigas,pila sa PGH,pila sa Wowowee at Eat Bulaga, pila sa lotto. Buti na lang nabawasan na, wala nang pila sa trabaho at pila sa pag-asenso.

17 February, 2009

Hurno

Nararamdaman ko na ang pagdating ng tag-araw.

Pulang pamaypay na kakulay ng blouse ng ale ang kakampay-kampay, photocopied readings na salit-salitang binabasa at ipinapampaypay ng estudyanteng katabi ko at ang mama sa aking harap sa bus na lumilikha ng hangin sa pamamagitan ng kanyang long folder-- hindi sapat ang ibinubuga ng aircon kaya't karamihan sa amin kanina ay kanya-kanyang diskarte upang saglit na makaramdam ng ginhawa.

Panahon na naman ng haluhalo. In-demand na naman si Mamang sorbetero. Abala na naman ang kabukiran. Marami na naman akong makikitang mga parang ninja na may damit na nakabalot sa ulo at may hawak-hawak na karit sa aking pag-uwi sa probinsiya. Naririnig ko na ang alon, nararamdaman ko na ang timbulan.

Iba ang tag-init na ito-- sabi sa diyaryong aking pinapamaypay, marami ang mawawalan ng trabaho. Muling mag-aral na lang daw ang magsisipagtapos ngayon.

Di lang kalikasan ang papaso sa atin. Iba ang paparating na summer.

16 February, 2009

ipasa pagkabasa

Mahigit dalwang oras ang aming nilakbay. Isang kulay abong van na nirentahan ng isang kaibigan ang naghatid sa'min sa isang coffee shop, ilang metro pagkalabas ng UP-Los Banos noong nakaraang linggo. Lima kami sa mahabang sasakyan. Lima kaming dadalo ng booklaunch ni T.S. Sungkit Jr. Lima kaming dumayo upang alamin ang "Batbat hi Udan."

Lima kami: si manong drayber, ang mag-e-emcee sa program na katabi ni manong sa unahan, ang dalwang kakanta at ako. Ako na tagapakinig at palakpak sa rehearsal ng mga kakanta habang naghihintay ng muling pag-usad ng aming sinasakyang kulay abong van. Ako na nag-iisip ng kung ano ang pwede kong maging role sa event na 'yon.

Hanggang sa magsalita ang awtor-- nalaman ko ang sagot sa pinakamalaking tanong na sa Maynila pa lang ay hinahapan ko na ng paliwanag: Ano ang ibig sabihin ng titulo? Anong drama ng pamagat na Batbat hi Udan?

Lagpas alas-otso na nang kami'y maglakbay pabalik ng maingay na lungsod. Pito na kaming lulan ng mahabang kulay abong sasakyan. Dalwang kaibigan na mula rin sa Maynila ang sumabay sa amin.

Sa biyahe pauwi, don ko pa lang na-realize ang aking pwedeng role sa event na 'yon: ikuwento ang Buhay ni Udan. Ipaalam na may isang matapang na manunulat na purong Higaonon ang hindi nangiming magkuwento ng buhay ni Udan at magsalita sa lenggwahe ni Udan. May isang dating miyembro ng student paper na sineryoso ang pagsusulat upang makapagpabatid ng kuwento mula sa rehiyon. Upang magkuwento gamit ang mayaman nating mga wika.

Bagama't ang panahong ito ay panahong walang panahong magbasa ang karamihan sa atin, o kung nagbabasa man ay Ingles ang hawak-- ang Batbat hi Udan ay isang testamento kung gaano kayaman ang ating panitikan.

Naghihintay lang ang mga kuwento ng ating lahi na maisulat, mabasa at maipasa.

15 February, 2009

Lungkot ng talulot

Sa labas ng simbahan, pasado alas-onse na kagabi ay marami pa ring timba ng rosas na naghihintay maialay.

Ilan kaya ang naghintay kahapon na makatanggap sa kanila? Marami kayang naghiwalay bago mag-fourteen kaya't patapos na ang araw kahapon ay nakababad pa rin ang mga rosas sa timba? Oh ito ba ay epekto rin ng financial crisis kaya kahit rosas ay di na maihandog? Saan na kaya pupulutin ang mga rosas na maghapong naghintay? Saan na kaya sila dadalhin ng tindero matapos ang maghapong pagbabakasakaling makapagpangiti?

Matamlay na ang kanilang pagkapula. Nangangalay na ang mga dahon. Nagsisimula nang mangulubot at mangitim ang dulo ng kanilang mga talulot. Pulang pumupusyaw. Yumuyukong talulot.

Kagabi, sabay na nalanta ang mga rosas at ang ngiti ng sa kanilay naghintay.

14 February, 2009

Kisspirin at Yakapsul

“Bakit kaya ang salitang payak na yakap ay simbigat ng pakay ng mga paang yapak sa pagyabag?” ang bago ko sanang drama na pinutol ng antok kagabi.

Ginising ako ng sunud-sunod na pagdating ng mensahe sa aking cellphone. Nagbi-blink na ang envelope sa upper left nang damputin ko ito.

Pebrero katorse, hardin ng mga rosas na naman ang lungsod. Mabenta na naman ang oso ng Blue Magic. Libu-libong dila na naman ang magbubuhol sa Roxas. Marami na naman ang magiging makata. Puno na naman ang mga restaurant at sinehan. Sabi ng mga manong na kasakay ko kagabi sa bus: lilindol na naman sa Sta. Mesa (ano kayang masasabi rito ng Phivolcs?).

Ang dami-daming kaganapan sa araw na ito, habang ako, tamad na tamad bumangon sa kutson at kuntentong nakadantay sa bilohabang unan na ibinigay ni mommy noong first year high school pa ako. Binabayo ng ubo ang aking dibdib. Sa bibig ako humihinga. Ayan, at least alam niyo na kung bakit hindi ako nakapasok. Kisspirin at yakapsul lang daw ang katapat nito, narinig ko don sa kaibigan ni mommy nong nagkukwentuhan sila tungkol sa pamangkin ng kausap ng nanay ko.

Nako-cornyhan talaga ako sa ganitong araw. “Loveless ka lang.” ang laging buwelta ng mga kaibigan. “Single is sexy” ang bagong banat ko sa ganong hirit. Buti na lang may napapanahong linya si Karyl. :-)

Ayokong maging kontrabida sa mga lovers, pero sa totoo lang, pakana lang naman ng Hallmark ang araw na ito.

Bakit kailangan pang manghiram ng tamis sa tsokolate? Bakit kailangan pang manghingi ng lambot sa oso? Bakit kailangan pang patingkarin ng rosas ang alab ng dibdib? Bakit 14, at bakit Pebrero kailangang magkaganito kung sapat na sapat na ang tapat na “mahal kita” araw-araw?

13 February, 2009

Pebrero at ang numerong labintatlo

Malas daw ang 13. Mas malas daw pag tumapat ito sa Biyernes.

Ang dami-daming kong kinalakhang pamahiin, sindami ata ng damit ni lola na hindi niya nagamit ni minsan dahil sa katatago niya rito sa tokador. 'Pag tinatanong ko naman noon ang mga nagsasabi nito ay lagi lang nila akong sinasagot ng "Basta, malas!"

Hindi nila maipaliwanag kung bakit malas ang 13 at anong kinalaman ng Biyernes dito at kung totoo rin ang suwerteng sinasabi ng mga manghuhula at feng shui experts. Basta, basta, basta naniniwala sila. Laging basta ang aking napapala sa pag-uusisa noong bata pa ako at 'pag nakulitan na sila, ito na ang automatic na linyang susunod: "Hindi ka ba talaga naniniwala sa amin? Bata ka pa kaya't hindi mo pa maiintindihan." Hanggang sa akin ngang pagtanda ay hindi ko naintindihan.

Walang paliwanag na nagpatotoo sa mga "malas" na sinabi nila. Noong nasa high school ako, B-13 ang number ko sa CAT, naging company commander ako at wala akong matandaang nangyaring masama sa akin. Kung nadapa man ako sa mga trainings noon, iyon ay dahil sadyang di ko lang kinayang tumalon ng mataas-taas sa hurdle o hindi ko natantiya ang aking bilis. Ang email ko sa yahoo ay may underscore 13, wala naman akong natatanggap na masama.

Hindi naman talaga totoo ang suwerte at malas. Drama lang 'to ng mga matatanda at mga nanakop sa atin upang takutin at hikayatin tayo. Kalabisan naman na maging ang mga numero at araw ay sinisisi natin. Kaya siguro ganon ko na lang nagustuhan si Nora Aunor sa Himala, dahil tumpak na tumpak ang kanyang linya: "Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao, walang himala!"

Pebrero 13, bisperas ng araw ng mga puso, mag-isa ko na namang haharapin ang bukas, pero hinding-hindi ko sasabihing malas lang talaga ako. Hindi kamalasan kung bakit tayo mag-isa, nasasaktan, nagugutom o natatanggal sa trabaho, nabobokya sa exam, tanging kamot ang naisasagot sa recitation-- tayo ang nagpapasya sa ating buhay. Kung sa pag-ibig 'yan: ang pag-ibig ay pakikibaka, hindi pantasya.

Walang kinalaman ang araw at bilang. Ang bawat bagay ay pinagpapasyaha't ipinaglalaban.

12 February, 2009

Eclipse

Noong bata pa ako, ang eclipse ay signos ng delubyo. Laging sinasabi ni lola na sinasamantala raw ng mga kampon ng kadiliman ang pangyayaring ito (mapa solar o lunar), ang bahagyang pagdidilim upang maglabasan.

Sa matandang dalagang teacher ko sa elementary, na kapit-bahay namin noon sa Lucena, natutunan ang tungkol sa eclipse. Mas lalo ko pa itong naunawaan sa aking high school teacher na singkapal ng lumang basong tagayan ng alak ang salamin sa mata.

Ngayon, pag naririnig ko ang salitang eclipse, laluna sa buwang tulad nito, naririnig ko rin si Bonie Tyler.

06 February, 2009

Moneya

Araw-araw, para akong praning na nag-aabang sa maaaring maging paksa o pagmulan ng ikukuwento rito. 'Yung tipong makikipag-bargasan para malunok ang paralumang papatak mula sa puso ng saging. Maagang dumating ang paksa ngayong araw. Tulad noong mga nauna kong kuwento, sa biyahe ko ito napulot.

May apat na elementary teachers akong nakasakay palabas sa'ming lugar. Kanya-kayang kuwento sa kanilang karanasan sa kanilang mga estudyante. Napatigil ako sa pagbabasa ng isang student newspaper nang ikuwento ni ma'am na plantsadung-plantsado ang kulay avocado shake na uniporme ang estudyante niyang hirap pa rin sa pagbasa gayong nasa grade 3 na.

Bigla kong hinagilap sa aking memorya ang aking hitsura o kung paano ba ako noong nasa grade 3 ako sa Mauban, Quezon. Ano bang salita ang hindi ko mabasa noon nang tama? Baka pareho lang kami nong bata na ikinukuwento ni ma'am. Napraning na naman ako. Pero sa pagkakatanda ko, wala rin naman halos pinag-iba noon.

Pahihiramin lang kami ng ilang libro para sa ilang subjects. Nakuha ko na ang diskarte sa ganito noon pa man, kinakausap ko ang kaklase ko na malapit sa bahay namin na kunin niya ay Math at Hekasi at sa akin ang English at Pilipino para maghihiraman na lang kami. At doon naman sa mga ilang kanto pa ang layo mula sa amin ay sinasabihan namin na Science at 'yung wala kami ang kunin. Maaga naming natutunan ang salitang "barter."

Pilay ang mga upuan, light green na ang pisara dahil sa ka-eerase, pundido lagi ang bumbilya sa CR, maraming balde ang nakasahod sa loob pag-umuulan. Ganoon kami noon, ayon sa kuwento, mukhang ganito pa rin ngayon.

Bigla-biglang magkakaroon ng kurtina, plorera, bagong pinturang armchair at pisara at nangingintab ang sahig dahil sa Johnson Wax na kanya-kanya kaming dala. May teritoryo kaming dapat haplusan ng bitbit na floorwax at dapat bunutin para sa pagdating ng mga bisita. Ang galing, parang mga robot lang sa transformer na paborito namin noong magkakaklase.

Sabi ni ma'am na kasakay ko na kulay avocado shake ang plantsadung-plantsadong uniporme, dinadagdagan daw lagi ng kanyang estudyante ng patinig na "a" ang hulihan ng salitang money kaya't lagi nitong sinasabing Moneya. Mo-ne-ya. Moneya!

May moneya sa giyera, wala sa eskuwela. May moneya sa korupsyon, wala sa edukasyon. Buntong-hininga.

05 February, 2009

Puso! Puso, puso kayo dyan!

Nagbitin na naman sa kisame o nakadikit sa salamin o dingding ng mga fastfood chain at mga gusali ang kartolinang pula na hugis puso, anghel na naka-ambang mamana at mga pusong may puso pa sa loob at kaluob-looban ng puso.

Patung na patong na puso. Sapin-saping puso. Pebrero na naman, kaya bumubuhos ang puso-- literal na drawing ng puso na natutunan nating gawin noong elementary tayo na idinidikit sa malinis na bond paper na itinupi sa dalwa at ibibigay sa taong nais alayan nito na may nakasulat na: I (heart) you. At nilalagdaaan natin.

Maraming naganap at nagaganap sa buwang ito bukod sa pagbibigay ng rosas o chocolate-- Pebrero ginugunita ang People Power, Pebrero nagaganap ang tuition consultation ng mga paaralan, Pebrero ipinagdiriwang ang buwan ng sining. Napakaraming kaganapan sa pinaka-maiksing buwan sa kalendaryo.

Magmimisa na naman sa EDSA. Muling babalikan ang isang bahagi ng ating kasaysayan na nagpakilala sa atin sa buong daigdig. Buwan na naman ng nostalgia.

Samantala, abala ang NCCA para sa pagdiriwang ng buwan ng sining. Maraming aktibidad ang nakalista sa poster na nabasa ko. Ani ng sining ang drama-- may itinanim kaya't may aanihin. Pero saan kukuha ng aanihin sa pagdating ng panahon kung ang mga kabataan na siyang binhi ay itinutulak na ngayon palabas ng mga paaralan dahil sa nakaha-heart attack na tuition? Kung makapagtapos man, itinututulak kami palabas ng bansa upang maging alila. Wala nang aanihin sapagkat maagang natutuyo ang binhi.

Siguro kaya kulang-kulang ang araw ng Pebrero kumpara sa ibang mga buwan dahil ang Pebrero ay isang malaking kabalintunaan-- buwan ng puso: pusong papel, pusong lobo, pusong baso, pusong chocolate, pusong hikaw, at kung anu-ano pang puso na patuk na patok kung Pebrero.

Sana pwede ring ilako ang busilak na puso: Puso! Puso, puso kayo dyan! Pero hindi naman talaga pwede, kaya nga sa pelikula sa halip na puso, ehh suso ang inilako. Dahil sa kawalang-puso ng mga nasa kapangyarihan, di na lang suso ang inilalako ngayon, may presyo na rin ang dugo, bato at kung anu-ano pang pwedeng ikalakal na bahagi ng katawan.

Buti pa ang saging may puso, sabi sa txt message.

29 January, 2009

Almusal with Bob Marley

"Emancipate yourselves from mental slavery.
None but ourselves can free our minds..."

Tulad ng dati, nagsimula ang aking araw sa pagsasawsaw ng pandesal sa umuusok na kape. Sinundan ng dalwang sticks na Winston light. Eraserheads kahapon, si Bob Marley naman ang aking kasalo ngayong umaga habang nagpapalipat-lipat sa pahina ng Philippine Daily Inquirer.

Ang sabi sa balita, dadagdagan na raw ng isang taon ang kursong Nursing at mga kursong Liberal Arts at AB upang maitaas ang kalidad ng edukasyon. Napaso ako sa nabasa, sa halip na magkunot ng noo, natawa ako sa lohika ni CHED Chairman Angeles.

"Mr. Chairman, hibang lang po ang maniniwala na sa isang taon ay kayang i-angat ang kalunus-lunos na kalidad ng edukasyon sa bansa. At sa gitna ng krisis na sumasaklob sa santinakpan, Mr. Chairman, ang inyong pakana ay walang patutunguhan kundi pagtuligsa." Ang nasabi ko sa aking isip na magiging linya ko kay Mr. Angeles kung sakaling makita ko siya.

Ang isang taon ay hindi lang nangangahulugan ng dagdag na araw na ipapasok namin sa paaralan-- para sa kaalaman ni Mr. Chairman, upang makapunta po kami sa aming mga campus ay kinakailangan naming mamasahe. Dahil kaming mga estudyante ay tao rin lang, kinakailangang kumain. Hindi naman po tinatanggap sa canteen ang perfect o mataas na score sa exam o recitation, kaya kelangan pa rin namin ng pera. Tiyak, kakain po ng malaking espasyo ang iba pang pinagkakagastusan naming mga estudyante kaya't di ko na iisa-isahin pa, kabisado niyo 'yon. Para naman kayong hindi naging estudyante.

At siyempre dahil nga mga estudyante pa lang kami, umaasa pa rin kami sa aming mga magulang na hirap na hirap na sa paggawa ng himala kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na suweldo. Meralco, Maynilad, PLDT, LPG, Rent, Galunggong, Baboy, Manok, Sardinas, Pancit Canton, Bigas, Allowance, Tuition, etcetera.

Etcetera na siyang dahilan ng pagdagsa ng wrinkles sa mga mukha ng aking mga magulang, ng karamihang magulang na nagpapa-aral sa kasalukuyan. Etcetera na nagpapataas sa blood pressure ng mga tatay at nanay sa buong bansa.

Hindi ba't maraming mga lider ng bansa ang produkto ng sistemang apat na taon sa kolehiyo? Kinokumbulsyon ang sistema ng edukasyon hindi dahil sa bilang ng taon na kailangang ipasok kundi dahil sa "Badyet" na inilalaan para sa pagkatuto ng mga tagapagmana ng Pilipinas.

Kuwento ng isang pari noon sa isang forum na nadaluhan ko, nang maka-usap daw niya ang Ambassador ng Cuba, nakuwento nito na ang mga kabataan daw sa kanila ay itinuturing na prinsipe at prinsesa. Ang tanging tungkulin ng mga estudyante sa Cuba ay mag-aral at magpakahusay.

Kung ito ay payabangan na naman ng kuwento, 'yung tipong wala kayo sa lolo ko, o 'yung si Juan ang pambato sa mga taga-ibang bayan, siguro ganito ang magiging hirit ng isang estudyanteng Pinoy: Wala kayo sa amin! Sa'ming school 'di mo na mapag-iba ang bintana sa pinto at di lang 'yan 'pag maji-jingle ka, masusuka ka muna bago ka maihi. At ang mga libro? Ka-birthday pa ng lolo ng lolo ko. At pag nagreklamo ka, di na teacher ang hahataw sa'yo, si mamang pulis na at pagkatapos ay may free paligo from manong bumbero.

Naputol ang aking mga iniisip na mga linyang sasabihin ko kay CHED chairman nang tumunog ang aking cellphone at may nagpa-alala na may activity kami sa araw na 'yon. Na-LSS ako kay Bob Marley kaya't buong hapon ko siyang ka-jam.

"Get up, Stand-up! Stand-up for your rights..."






26 January, 2009

Paano maging bata sa panahong tulad ngayon?

Lagi ko noong inaabangan sa black and white tv namin ang patalastas ng mga bata na isa-isang nagsasabi ng karapatan. "Karapatag makapag-aral. Karapatang magkaroon ng tirahan. Karapatang makapagpahayag..." Ginawang takdang-aralin pa nga namin ito noong nasa elementarya pa lang ako.

Nitong mga nagdaang araw, naging usap-usapan ang pagsuspinde sa mga estudyante ng Quezon City Science High School dahil daw sa isinulat nila sa kanilang blog laban sa mga hindi makatarungang polisiya at bayarin na ipinatupad sa kanilang paaralan.

Ay, kasalanan na pala ngayon ang kuwestyonin ang bigla-biglang paniningil ng P50 para sa notarial fee na dati namang wala at ayon sa DepEd ay hindi nararapat maningil ng miscellaneous fee. Ay, mali na pala na ngayon ang umangal 'pag di ka pinapasok sa paaralan dahil di mo inabutan ang batingaw. Paano pala kung may mabigat na dahilan at noong araw na 'yun ay saktong may exam? Ayayay!

Noong 2007, naging laman ng pahina ng mga pahayagan ang malungkot na kuwento ng batang babae mula sa Davao. Isang araw, nakita na lang kanyang mga kapamilya na may lubid na nakakwintas sa kanyang leeg at ang talampakan niya'y nakalutang sa hangin. Ayon sa kanyang sulat, ayaw niyang maging dagdag pasanin. Ay, labindalwang taon ng kahirapan. Ay, labindalwang taon ng pagtitiis ang naging buhay ni Marianette Amper. Sa hirap ng buhay, naiisip na ng isang labindalwang taon ang magpakamatay.

Marso ng parehong taon na 'yon, isang siyam na taong bata mula sa Campostela Valley ang inihatid ng bala ng militar sa habang-buhay na pagakabata. Bitbit daw ni Grecil Buya ang isang armas kaya't siya'y pinaputukan noong nagkataong may inkuwentro sa kanilang purok. Ay, paano matatanganan ng isang Grecil ang baril na halos sinlaki lang niya? Ay, paano magiging mandirigma ang isang Grecil na nag-aaral at mahusay na estudyante ayon sa kanyang guro? Ayayay!

Ay, walang edad-edad sa karahasan. Walang bata-bata sa mata ng isang di makataong pamahalaan.
Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi na napapanood ang ganong patalastas ngayon.

Ang karapatan at kalayaan ay pawang mga salita lamang sa bokabularyo ng ating gobyerno.