26 November, 2009

Kulay Dugo ang Kulay ng Bawat Pahayagan*

Nagsisiksikan sa buwan ng Nobyembre ang mga balitang nagbigay sa atin ng atensyon ng mundo: pagtalo ni Paquaio kay Cotto, ang pagtanghal kay Efren Penaflorida bilang CNN hero, na hindi pa man lubusang nananamnam ng ating bayan— ay agad pinapait ng kasabay nitong kaganapan.

“Hudyat na ng eleksyon.” Ang sabi ng aleng katabi ko sa jeep noong Martes.

Sa loob man ng siksikang jeep, LRT at maging sa sakayan ng tricycle— pinag-uusapan ang Maguindanao massacre.

Tumindig ang aking balahibo nang suriin ko kumbakit ganoon ang nasabi ng ale. At lalo akong nabalisa: may bakas ng pagkasanay sa karahasan ang kanyang mga salita.
Na para bang kakambal na ng halalan ang kamatayan sa ating bansa— sa Pilipinas na unang nagkaroon ng demokrasya sa buong Asya.

Gusto niyo bang makita ang mukha ng demokrasya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon? Buklatin mo ang diyaryo, pakinggan mo ang radyo, titigan mo ang telebisyon kung ala-siete’t alas-onse.

Extrajudicial killings, enforced disappearance ang ilan sa kilala nitong pangalan, subalit iisa ang kanyang mukha: lawless violence na pinananatili ng culture of impunity.

At ngayon, muling kaharap natin ang mukha ng demokrasya sa ilalim ni Gng. Arroyo: 46 na indibidwal ang ibinaon matapos igapos, paputukan sa mukha, at hindi pa nakuntento— ang iba ay pinugutan ng ulo. Ilan sa kanila ay babae na ginahasa muna bago paslangin. Dalawa sa kanila ay abogado, na ang isa ay pinutulan pa ng kamay at dinusta ang mismong mukha. Ayon sa balita kahapon, 37 ang tinatayang kasamang mamamahayag na kapwa tinakpan din ng pahayagan ang duguang mukha’t katawan.

At sa nangyari, naetsapwera natin ang Iraq, mula sa pagiging panlima natin sa kasalukuyan, pag dating sa usapin ng journalist killings sa buong mundo.

Kaya naman, mariing kinukundena ng kabataang manunulat ang karahasang ito at ang kainutilan ng mismong adminstrasyong Arroyo na pangalagaan ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Higit yaong nagtataguyod at pumoprotekta sa demokrasya: ang mga mamamahayag at abogado, tulad ng mga naging biktima ng Maguindanao massacre.

Walang ibang dapat singilin sa nangyari kundi si Gng. Arroyo, na lantarang kaalyado ng mga Ampatuan at Mangudadatu, na kapwa kilalang warlords sa Maguindanao— kung saan nakapagtala ang administrasyon ng 12-0 laban sa oposisyon noong halalan 2007.

Sa pagkaganid sa posisyon, hinahayaan ang pag-iral ng private army sa Maguindanao at sa iba pang bahagi ng bansa. Bagay na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga kilalang angkan upang maghari. Bagay na nagpatiklop sa mga pulis at militar sa Maguindanao upang pigilan ang naganap na karahasan. Ayon sa mga ulat, ilang metro lamang sa pinangyarihan ng massacre ay nakatirik ang isang detachment ng militar.

Maaaring makaligtas o mapagkamalian ang isang putok na kung anong tunog lamang, subalit ang bilang ng putok na umalingawngaw upang paslangin ang mahigit 40 katao, ay katakatakang walang nakapansin mula sa mga nagsabing: To serve and protect, Buhay ko, Alay sa Iyo.

Lahat ng ito ay naganap sa ngalan ng kapangyarihan.

At sa ngalan ng posisyon, maraming inosenteng pinatay na para bang hindi tao, na para bang manika lamang na tinaggalan ng kamay, sinira ang mukha— tulad ng ating nasaksihan sa naganap na massacre noong Lunes.

Patapos na ang Nobyembre, at tiyak, ang mga susunod na araw, linggo at buwan ay panahon ng paniningil ng hustisya sa lahat-lahat ng biktima ng karahasan sa ilalim ng administrasyong ito.

Walang hindi naghangad ng hustisya at tunay na pagbabagong panlipunan, subalit ang bawat paghahangad ay may kaakibat na paglaban. Hindi iniluluwal ng simpleng pagsusot ng isang pula’t itim na dog tag na may nakasulat na “Ako mismo,” ang tunay na pagbabago o pagpopost sa facebook o pagjoin sa cause.

Kailan matatapos ang siklo ng karahasan/ cultur of impunity? ‘Pag napagod na ang karamihan sa atin sa pananahimik.

Sabi nga ng isang mamamahayag pangkampus na si Ditto Sarmiento noong Martial Law:

“Kung hindi tayo kikibo, sinong kikibo?
Kung hindi tayo kikilos, sinong kikilos?
Kung hindi ngayon, kailan?”

Sa nagtiyagang bumasa nito, sa mga kapuwa ko kabataan at sa aking mga kababayan:

Tayo na sa Mendiola!

*linya sa kantang Pahayagan

04 November, 2009

Patay kang bata ka

Gaya ng nakaugalian tuwing Nobyembre, nakipagsiksikan kami ng aking kapatid sa bus terminal upang makauwi sa probinsiya.

Di tulad ng aming mga kasakay, wala kaming bitbit na bulaklak, o lata ng biskit, makukulay na kandila ('yung classic na pula na may dragon pang malulusaw). Maliban sa aming mga sarili at backpack ng ilang pirasong kamiseta,toiletries, undies, babasahin, sitsirya at bottled water-- uuwi kami ng Quezon para dalawin ang lolo't lola namin pati ang mga magulang nila na wala sino man sa aming magpipinsan ang umabot sa kanila.

Ipinagtitirik din namin ng kandila si tita teacher. Siya na ang may-ari ng nitso na kung saan nakalibing ang kanyang tatay, na siyempre lolo ko. Ang mga buto ni lolo ay nasa sementong kahon na nasa ibabaw ng nitso ni tita teacher. Isang krus na puting-puti rin ang nasa ibabaw naman ni lolo.

Hindi ako nakadalaw noong nakaraang taon kaya mas madali kong napansin ang kulang at nadagdag. Siyempre gaya ng nakaugalian, bagong pintura ang nitso/krus/bakal na bakod. Nadagdagan na naman ng sapin ng pintura ang himlayan ni tita teacher at lolo. Nabawasan naman ang bakal na pumoprotekta sa kanila. Nawala ang pinto ng gate. Kuwento ng mga pinsan ko, ninakaw raw. Marahang ninakaw. Paano nangyari yon?

Noong una, kalahati lang ang nawala. Medyo nahiya pa ata kina tita't lolo ang taong nagdala sa junkshop ng gate. Kinalaunan, naging pantay na sila. Naisip siguro noong umarbor ng gate na hindi magandang tingnan na walang kapares ang bakal na bakod. Parang patalastas lang ng mentos.

Akala ko, bagyo rin ang salarin kumbakit bago ko marating ang kinaroroonan nina tita't lolo ay maraming puntod na binakuran ang walang yero. Maraming socket ang wala nang bumbilyang nakakabit. Pati pa la ang mga ito, inaarbor na rin.

Ibang klase talaga pag nagmura ang sikmura: walang patay-patay para lang mabuhay. Sa tuwing tatablan siguro ng hiya o konsensiya ang mga gumagawa nito, iniisip na lamang nila na, "Gate lang naman to. Bumbilya lang naman to, may kilala nga ako milyun-milyon ang inarbor sa pera ng bansa pero hindi nahiya, naghapunan pa sa ibang bansa. Madali lang namang mag-sorry at magmukhang sobrang nagsisisi."

Sana mali ako. Sana lang talaga.

Kasi kung hindi, patay kang bata ka. Ang maling ginagawa ng mga pinuno ay nagiging tama sa mata ng bitukang nagwawala.

03 November, 2009

Pagharap sa Patlang

Sa kabila ng sunud-sunod na sakuna, isang buwang tahimik ang aking blog.

Naiinis ako nang hindi ako nakapagsulat tungkol kay Ondoy, Pepeng, Ramil at ngayon nga ay dumaan na si Santi at kasalukuyang may binabantayan na naman ang Pagasa.

Kung tutuusin ay napakarami kong maaring isulat noong nakaraang buwan. Subalit gaya ng nasabi ko, "kung tutuusin."

Pero mahirap talagang katuos ang mga salita. Hindi ko sasabihing writer's block ang aking drama, dahil hindi ako naniniwala roon. Ang tawag ko roon ay "palusot." Hindi ko rin sasabihing wala ako sa mood-- ang tawag ko ron ay "pagdadahilan."

Eh ano na kung ganon ang tawag sa ganitong ugali ko sa pagsusulat? Katamaran.

Katamaran sa gitna ng panahong dapat mas rumaragasa ang aking salita, nang sa isang panayam ay sinabi ng isang taga-Palasyo na mayron daw 30 rubber boats sa NCR. Sapat naman ang bilang (o labis-labis pa) ng rubber boats kung sinlaki ito ng Titanic.

Katamaran sa gitna ng unos na dapat humahagupit din ang talata ng pagbatikos sa kung paanong ang dalawang higanteng estasyon ay ibinibida ang bawat galaw nila sa pagtulong. Sa dos, mula sa pagtatakal ng bigas hanggang sa pag-aabot ng kanilang mga artista sa mga biktima ng bagyo. Ito ba ang kahulugan ng Ako Mismo? Ako ang tagapagbalita, ako mismo ang balita!

Bilang muling pagharap sa hamon ng patlang, pagdamutan mo ang kapirasong sulating ito na lipos ng paumanhin.