10 December, 2008

Ang Dulo ng Pananaginip ng Lungsod

Alam ko, pwede akong mapaaway sa bisyo ko. Kung pwede lang dukutin ang mga mata at ibalik na lang ulit, siguro gasgas na ang eyeballs ko o pingas-ingas na maiwasan lang ang nauna. Pero dahil nga ang nasabi ko ay maaari lang sa mundo ng mga sana, kawawa naman ako huhuhu.

Hindi ko pa rin talaga maaral kung pa'no didisiplinahin ang aking mga mata 'pag nagbibyahe o kahit pag naka-upo lang sa kung saan. Malakas talaga ang hatak sa akin ng mga mukha ng tao sa bus, jeep, lrt,mrt etc. laluna yaong mga natutulog. Paglilinaw lang, hindi ko sila pinagnanasahan, unahan ko na 'yong mga hitad na makababasa nito.

Madalas, mas mahaba pa sa oras ng aking biyahe ang paghagilap ko ng sagot kung bakit ba ang daming natutulog sa sasakyan. Kung minsan nga, nakarating na ako sa aking destinasyon o nakauwi na ako sa bahay ay di pa humihinto ang aking utak sa pag-iisip sa aking mga nakasakay. Para bang ayaw pumara ng kanilang mga hapung-hapong mukha sa aking gunita.

Kagabi, sa bus pauwi sa Manila, nasa pagitan ako ng dalwang babae. Si nanay, na naka-kulay green at may pisil-pisil na rosaryo sa'king kaliwa at si Ana T., sa'king kanan. 'Pag sakay pa lang namin ay tulog na si nanay. Nakita ko na lang siyang gising noong nasa Kamias na kami.

Tatlumpung minuto pag-kasakay namin, knock-out na rin si Ana. Mas nagfocus ako kay nanay, dahil si Ana ay madalas kong makitang tulog. Mahipan lang kasi ng hangin ang babaeng 'yon, ay agad makagagawa ng muta. Kulang na ang ngipin ni nanay sa harap. Maabo na rin ang kanyang buhok. May alon na ng balat sa kanyang mukha. Nasaan kaya si nanay habang tinitingnan ko siya? Ano kayang ginagawa niya sa lupalop ng kanyang panaginip? Kung bigla kaya siyang magising at maabutan ang aking mga matang nakapatda sa kanya, sasampalin niya kaya ako? O biglang itatas ang rosaryo at magsisigaw ng "demonyo!demonyo!"

Habang minamapa ko ang pagod sa kanyang humpak na pisngi, pilit ko ring hinanap ang dahilan kung bakit ganon na lang siya kapagod. Hay, sa kaliwa ko pagod, sa kanan ko, pagod, sa unahan ko si Leni na tiyak ay pagod din. At ang taong nasa likod ko, kahit di ko na tingnan ay alam ko ring nakatulog dahil sa pagod. Nang sumakay kasi kami ay nagkukwentuhan pa sila ng kanyang kasama.

Araw-araw, lulan ng mga sasakyan ang mga hapung-hapong mga nilalang. Dumaragdag sa alinsagan ang panay-panay na paghikab. Ay, hindi ko mapigilan ang mapatingin sa mga mukha ng aking mga kasakay dahil nakikita ko sa kanila kung ano ang aking hitsura 'pag di napaglalabanan ang antok sa biyahe.

Paroo't parito sa lungsod ang mga katawang nananaginip sa bawat pagsandal, dahil sa pagod mula sa paulit-ulit na panggagahasa sa atin ng mga pabrika, akademya, mga kuwartong nagyeyelo sa Makati, Ortigas at Libis.

Ang paulit-ulit ay nakapapagod. Ang pauulit-ulit ay nakagagalit. At ang galit ay laging dumudulo sa paghihimagsik na nagsisimula sa pag-gising.


07 November, 2008

kagilagilalas na mga nilalang na aking nakilala nitong nagdaang araw

Sabay-sabay gigising, mag-aalmusal,maglalakad patungong hall upang makinig sa lecture.

Sabay-sabay manananghalian, magmemeryenda, muling makikinig sa lecture, sabaysabay maghahapunan, at

sabay-sabay maglalakad pabalik sa Silliman Alumni Hall at sabay-sabay sa paggala.

Ganito umikot ang aking buhay nitong mga nagdaang araw kasama ang mga taong kasabay sa pagsablay. hehehe

Si Karlo, 16, pinakabata. Siya na lang ata ang natitirang magalang na bata sa balat ng lupa. Endangered na siya kaya dapat natin siyang protektahan. Bata ang edad niya pero pag nag-isip mas matanda pa sa iba doon (di ko sasabihin kung sino). Binilhan niya ako ng piaya at hinatian ng kanyang papaya soap. Siya ang tagahawak namin ng susi dahil magaling siya sa math (oo, wala talagang connection. gusto ko lang sabihin na magaling talaga siya sa numbers).

Si CR, tahimik, biriterang agnostic. Hindi ko kinaya ang Don't Yah na Bosa version niya. "Which is good!" ang paborito niyang hirit ngayon. At siya ang partner ko sa panchachaka.

Si MK na nage-MA, oha may tugma. Aakalain mong mukhang High School student (peace) pero pag nag-isip ay parang Dean (bawi).

Si Shamae, batang mabait (pag tulog) hahahaha. Kahit walang sabi-sabi, 'pag may narinig kaming di namin bet, tumitingin kami sa isa't isa. ewan ko ba kung anong meaning non hehehehe. akala mo tahimik, pero pag kinausap mo, nakupo, kulang na kulang ang panahon sa mga sasabihin niya.hahahaha

Si Matikas, ang "hot" na Gandhi. Matangkad, kalbo, moreno at may sense magtanong. Well lahat naman meron. (ay lahat nga ba?? teka tanong ko lang kay CR.) Tatlong beses niya kaming ginising noong last day. Noong una't ikalwa, naka-pajama pa siya. noong ikatlo, nakaligo na siya at ready na kaya napilitan na kaming gumising. Salamat Matix sa paggising. hehehe Basta napuyat kaming lahat non.

Si Joel, na napansin ko na agad sa airport pa lang sa Manila kasi binabasa niya si Arundhati Roy. Tingin ko sa kanya ay malungkutin which i found out na totoo. hehehe Sabi niya, noong nagsabihan ang lahat ng first impression sa isa't isa sa harap ng nagagalit na dagat at may naninipang pulang kabayo sa gitna ng lahat, ako raw ang inakala niyang magiging "main" enemy sa training at si CR ang master. hahahahaha gumaganon. Kaboses niya ang alaga ni Jose at Weng.

Si Elgee, taga Nueva Vizcaya na laging nagmamapicture. ang first impression ko sa kanya ay "flirt." At sinabi ko yan sa kanya. Uy, gusto nilang malaman ang sinabi ni Elgee. Ang sabi niya: "talaga? Ngiti." o diba ang ganda ng response niya? :-)

Si Marianne at June ng Weekly Sillimanian, noong last night na namin sila naka-jam. Sila pala 'yung mga students na nasa likod lang at nakikinig buong giliw. Sila ang sumama sa amin sa "Hayahay" upang makipagsayawan at makaipagkantahan kay Bob Marley. Hindi raw sila pinapayagan na magtanong, ang relevance nila doon sa training ay tanging makinig. hay, tungkol pa naman sa pamamahayag ang topic tapos di sila pwedeng magpahayag, weird no? anyway, ang cool ng 2 to. peksman.

Si Lord, oo totoo si Lord at taga Western Mindanao State University siya at ito ang pasabog...babae si Lord. Ka-grupo ko siya sa workshop at pasabog talaga siya. Far-out lagi ang mga naiisip hahaha at heto ang panalo sa lahat: Bumalik siya sa dorm upang kumuha ng ballpen. Nagtataka lang ako kung di ba niya naisip na lang na manghiram, kasi writer naman ang mga taong kasama niya.

Si Reagan, na isa ring Guilder at umatend ng Lunduyan 08. Ka-grupo ko rin siya at maganda rin ang kanyang mga naiisip na articles. Kasabay ko siya lagi magyosi. Apat lang kasi kaming nagyoyosi na labis kong ipinagtaka.

Si AJ, hardcore christian, taga-cebu. hindi ko siya masyadong naka-usap. tahimik lang siya pero mukha naman siyang mabait dahil siya ang bumili ng yelo noong gabing biglang dumugo ang ilong ni Matix. Oo, nagnosebleed si Matix hahaha. Noong nagpakilanlan, katabi ko si AJ at ninosebleed ako sa kanyang pag-iingles at marami pang iba. Naisip ko, ano kaya ang mangyayari kung makulong sina ni CR at AJ sa isang room sa loob ng isang linnggo? hahaha Masaya yun, agnostic at hardcore christian.

Si Kim, Weekly Sillimanian din. matagal na kaming magkakilala ng babaeng ito pero tumumbling talaga ako noong nasa may dagat kami. walang panahon, di mo iisipin na sa kanya mo maririnig na ok daw ang "**al sex." Cartwheel! Split! Tumbling ulit!

Kahapon, sabay-sabay kaming nagba-bye sa isa't isa.





15 October, 2008

Kuwentong G-liner

Noong nakaraang linggo, may isang lalaki ang umakyat sa G-liner na aking sinasakyan papuntang Sta. Mesa. Walang sabi-sabi siyang namigay ng papel—inilapag niya ito sa ibabaw ng aking bag at ‘yung ibang nag-iisa sa upuan ay sa tabi nito basta iniwan. Sinuyod niya ang bus, mula sa mga pasaherong nasa unahan, hanggang sa pinakadulo. At nang matiyak na bawat isa ay may papel na, muli siyang bumalik sa may gawing unahan at nagsimulang kausapin kaming lahat na nasa loob ng bus.

“Maganding gabi po sa inyo mga sir at ma’am, mula po ako sa United Christians. Tumutulong po kami sa mga kababayan nating mahihirap. Nag-papaaral po kami ng mga street kids blah blah blah blah blah.
Naririto po ako upang kumatok sa inyong mga puso. Any amount ma’am, sir ay malaking tulong po blah blah blah.”

“The more we give, the more we’ll be blessed.”

Muling sinuyod ni kuya ang bus. Kinolekta ang mga papel na may nakasulat ukol sa kanyang pakay. Nag-untugan ang mga barya na kanyang inihulog sa belt bag na nakayapos sa kanyang bewang. Pagkatapos ng pangongolekta ng donasyon, muli siyang bumalik sa puwesto kung saan siya nagsalita.

“Maraming salamat po mga sir, ma’am. God Bless Your Trip.”

Muling napako ang atensyon ng lahat sa balita sa t.v. Gigil na gigil na namang nagbabalita si Mike Enriquez.

“Mga kapuso!”

Halos humaba at bumilog ang kanyang nguso sa pag-uulat. Anong balita? Wala namang bago, nagmamalaki pa rin si GMA na hindi tayo maapektuhan ng krisis na kinakaharap ng Amerika. Balitang tiyak na bigla kang maglilihi sa atsara ‘pag ‘yong napakinggan.

Buti na lang, muli akong sinagip ng aking tenga mula sa pagkabagot. Ooops! PAALALA: hindi ako tsismoso, malakas lang talaga ang aking pandinig, peksman! Dalwang kabataan ang nag-uusap sa likod ng aking upuan. Ginaya nila si kuya na namigay ng papel at may belt bag sa bewang.

“Yes good evening sir, ma’am. Mula po ako sa United Christians. Kumakatok po ako sa inyong pitaka. Any amount ma’am, sir ay malaking tulong po laluna ‘pag BUO.”

Tawa akong nang tawa ng marinig ko ‘to. At ikaw habang binabasa ‘to ay tiyak kong tumatawa rin. Siyempre tumawa akong walang tunog, effort nga ako sa pagpipigil kasi baka isipin nila eh talagang intensyon kong makinig.

Totoo man o hindi ang sinasabi ng papel na ibinigay ni kuya, seryoso man o hindi si kuya, paano pa kaya ang mga susunod na eksena sa mga bus na sasakyan ko ‘pag nagkatotoo ang duda ko at ng karamihan sa sinabi ni GMA sa t.v?

Naku, siguro may biglang aakyat sa bus na walang kaabug-aabog lulunok ng espada, ibubuhol ang sariling katawan, tutugtog ng gitara habang naka-split, kakantahin ang I will survive sa iba’t ibang at kung anu-ano pang bagong gimik ang susulpot.

Hay, di malayong marami pang aakyat sa mga sasakyan na may belt bag na nakayapos sa bewang.

At ang mas nakatatakot, darami ang sasampa sa bus na may dalang baril at kokolektahin lahat ng gamit ng pasahero. Magkakaroon na ng human chain mula Avenida patungong Circle hanggang Cubao ng mga kababayan nating nanunutsot habang pisil-pisil ang umbok sa dibdib o sa pantalon tuwing gabi’t madaling-araw makadelihensya lang ng panchibog.

Naku, kung magkakatotoo ang duda ko (na madalas ay nagkakatotoo) sa sinabi ng Ginang sa balita, hindi malabong kulangin ang bilang ng pulis upang pigilan ang mga kababayan natin na ang pasensya ay ga-hibla na lang buhok na nasa bingit ng pagkapatid at kakaladkarin palabas ng Malakanyang ang kapit-tukong Ginang sa higanteng belt bag ng bayan.


06 October, 2008

Kay Rachelle Mae Palang

Tanggap ko na ang lahat. Subalit, sadyang makulit ang lungkot na panay-panay pa rin sa pagdalaw sa’kin— dumarating nang walang pasabi.

Nitong minsan, bigla na naman akong dinalaw ng lungkot habang ako'y nananalamin. Noong araw na iyon, ikaw ang aking kausap sa panaginip-- ikaw na hindi ikaw. Sa buong pag-uusap natin, ni hindi ka humarap sa akin, ni hindi mo ako nilingon.

Nagkukwentuhan tayo nang hindi nakikita ang ekspresyon ng ating mga mukha. Ni hindi ko narinig ang 'yong pagtawa, ni nasilayan ang pamumula ng iyong pisngi nang kahit sa panaginip ay nagkwentuhan tayo ng mga taong ninanais nating sumundo sa atin sa mundo ng pagiging single.

Habang sinusuklay ang aking magulong buhok buhat sa pagtulog ay muli akong naiyak. Pinaluha ako ng aking imahe sa salamin na suut-suot ang kamisetang ibinigay mo nitong Mayo sa Davao. Ang kamiseta na rin ang ipinantuyo ko sa’king mga mata.

Nabanggit mo noon sa akin sa Davao na pagkatapos ng iyong termino ay nais mong pumunta sa lugar na kung saan higit kang kailangan—doon sa kung saan may mga kababayan tayong hindi man lang nakararanas ipitan ng thermometer sa kili-kili o dampian ng stethoscope ang katawan. Labis akong humanga sa iyo nang pinili mong umuwi nang mas maaga sa Cebu upang makapaghanda sa licensure exam kung kaya’t wala ka sa mga retrato sa puting buhangin at payapang dagat ng Samal Island .

Nagpatuloy ang ating kwetuhan sa YM-- mula sa pag-ibig hanggang sa politika. Nagpatuloy ang tawanan sa telepono, ganon pa rin ang paksa—mula sa taong tinutukoy sa blog mo hanggang sa pag-agapay sa bagong officer ng Visayas.
Naging abala tayo nang dumating ang Hunyo.

Lumipas ang maraming araw na walang sulat o mensahe sa para sa isa’t isa. Pero hindi ako nangamba na nakalimutan na ako ng aking Donya (ang tawag ko sa’yo dahil sa’yong kutis at pangangatawan). Alam kong kahit subsob tayo sa mga gawain at di nakapagpaparamdam sa isa’t isa ay di ibig sabihin na walang sandali na hindi nakiraan sa ating gunita ang alaala ng isa’t isa, natitiyak ko ito.

Habang nasa bahay ako ng isang kaibigan, nakarating sa amin ang balitang hindi agad paniniwalaan ng mga nagmamahal sa’yo, at kabilang ako don.

Ay, ayaw ko pa ring maniwala sa mga ulat nang subukan kong i-google ang pangalang “Rachelle Mae Palang.” Mabilis ang pagbuhos ng ulat ukol sa’yong kamatayan at ng dalwa pang lalaki na iyo raw kasama.

Sino bang di magugulat na ang taong kasama mo lang sa Davao at katuwang upang magturo hinggil sa mga karapata’t kalayaan at sumisigaw ng hustisya para kay “Beng” Hernandez na dating CEGP VP for Mindanao na pinatay ng mga sundalo noong 2002 at sa iba pang biktima ng pampolitikang pamamasalang at sapilitang pagkawala—ay ang pangalang laman ng mga pahayagan at balita sa ineternet ngayon? Ay pangalang namaalam na may mga sisiw na sumisiyap na iniwan?

Tulad ng palusot ng mga sundalo noon nang barilin nila si Beng sa mukha ay ang dahilang inihuhugas nila ngayon sa malansa nilang mga kamay na kumalabit sa gatilyo ng armas na itinutok din sa’yong mukha— ikaw daw ay armado.

Subalit ayon sa sundalong nakausap ng tatay ni Rachelle: walang armas si Rachelle.
Hindi ko masasabi na ang aking pag-iyak habang sinusulat ito ay ang huli kong pagluha—sinong hindi hihikbi sa pagkamatay ng isang tulad ni Rachelle na high school valedictorian, mahusay na student-leader, mapanuri at matapang na editor,mapagmahal na kasama, mabuting anak di lamang ng kanyang magulang kundi pati ng bayan at nurse na handang mag-duty hindi sa ospital sa ibayong-dagat kundi sa isang komunindad na larawan ng pagdarahop?

Tanggap ko na, na hindi ko na maririnig ang tawa ng aking Donya. Hindi ko na makikita ang pamumula ng pisngi ni Rachelle kapag usapang puso na ang paksa.
Maluwag na sa akin ngayon na abo na ang katawang lagi kong niyayakap sa aming pagkikita. Hindi na ako dapat magulat.

Hindi na tayo dapat magtaka kung ang isang Beng o isang Rachelle na walang ibang hinangad kundi ang isang bayan na walang natutulog nang gutom, at sumeryoso sa mga salitang “karapatan at kalayaan” ay tanging sa mga reatrato, alaala o panaginip na lamang natin makikita. Walang dapat ipagtaka dahil ang Pilipinas ay pinamumunuan ng isang Ginang na “evil.”

Tiyak ko na iiyak pa ako ‘pag muli kong maaalala si Rachelle. Ang taong maraming lumuluha sa kanyang pagkawala ay isang taong dakila-- isang tao para sa kanyang kapwa-tao, kaya’t hinding-hindi ko ipagdaramot ang aking luha para sa aking Donyang umibig nang buung-buo.

Magpahinga ka na Rachelle, ikukwento namin sa lahat ang ‘yong kabayanihan. Iyayakap ka namin nang mahigpit sa kalayaan, sakaling abutin namin ito.

Maraming salamat!

Mataas na Pagpupugay para sa’yo Rachelle Mae Palang!


*Sorry Rachelle, medyo natagalan akong gawin ito dahil lagi akong naiiyak sa tuwaing susubukan kong dugtungan ang aking huling sinabi. Ganun pa man, heto na at natapos ko rin sa wakas ang aking pagpupugay sa’yo. Muwah!

21 September, 2008

Biyaheng Ewan

Hindi naman talaga ako tsimoso.

Wala lang talaga akong magawa upang pigilan ang aking pandinig at bigyan ng “moment” ang mga kasakay ko sa jeep o pampublikong sasakyan na nag-uusap o may kausap sa celfone (mahirap naman talagang magkamoment sa ganito diba?). Hindi ko rin naman masabi na para sa kanila lang ng kausap niya ang kanilang pinag-uusapan dahil sa lakas ng boses na para bang inaanyayahan ang lahat na sumali sa balitaktakan. ‘Yung tipong nakatingin na ang lahat ng mga pasahero sa kanila o sa taong may kausap sa celfone at nag-aabang ng kung anong mangyayari o susunod na linya dahil nga may nabubuo nang eksena sa isip nila. May mga pagkakataon pa nga na ‘pag nakatatawa ang pinag-uusapan ay di mapigilan ng ibang mga nakikinig na mapatawa at yung iba naman medyo nagpapanggap pang di nakikinig ay biglang titingin sa labas ng jeep o FX at saka tatawa nang pigil na pigil.

Noong Martes, habang nakasakay ako sa likod ng FX patungong Taft, may katabi akong isang babae na sa tantya ko ay ahead lang ako ng dalwang taon. Walang nagsasalita mula nang sumakay ako sa may Pantranco. Tanging boses lamang ni Rihanna (ella, ella, ella, eh eh eh na sinasayawan ni typhoon Marce sa labas ng sasakyan) at buga ng aircon ang maririnig. May bumaba sa tapat ng UST at dito na nabasag ang katahimikan ng biyahe.

Inilabas ng katabi ko ang kanyang celfone at may tinawagan, dito ko rin nalaman kung saan siya papunta at bakit siya pupunta roon.
Ate: hello, oh kumusta? Ayaw mo pa kasing maniwala na pumasa ka. Tumawag nga ako ‘non tapos tinanong ko kung may result na, meron na raw. Tinanong ako nong nakasagot kung ako raw ba ‘yung tinatanong kong pangalan, ang sabi ko kaibigan ko. Kinakabahan talaga ako non, tapos biglang sabi sakin nong kausap ko, ahhmm Ms. sabihin mo sa kaibigan mo “pa-cheese burger naman cia.” Tawa tawa tawa tawa tawa. UST daw ulit ang nagtop.

Siyempre, dahil di nga ako tsismoso sa lagay na ito, hindi ko mailalahad yung saktong mga linyahan nya. Heto ‘yung mga natatandaan ko pa.
Ate: So, kelan ka magpapainom? Kelan ka babalik dito? Papunta akong Quiapo para magsimba, dapat magsimba ka rin kasi pumasa tayo. Baka nga di na ako maka-attend ng ating oath-taking kasi paalis na ako, pa-Dubai. Ehh, di na ko pwede magpa-rebook kasi ang mahal ng magagastos ko. At isa pa trabaho na agad ‘yun kasi di naman talaga ako nag-eexpect nang ganon kalaki na papasa ako kaya nag-apply agad ako.
Muling tumahimik ang biyahe nang bumaba si ate sa tapat ng simbahan. Hindi ko masabing totoong tahimik ang katahimikang iyon sa sasakyan. Tiyak ko, may mga kanya-kanyang opinyon na kinikimkim ang mga kasamahan kong naiwan sa loob. Bagama’t di ako nagsasalita, hindi ako matahimik sa’king narinig. Maraming nagababayad nang mahal upang makapag-aral at sa huli’y, maging kalakal?

Ang biyahe ba patungong pag-asenso ay ang eroplanong palabas ng Pinas? Kung ganon, saan tayo ihahatid ng jeep, tricycle, pedicab, bus, FX, taxi, tren dito sa’ting bayang ramdam ang kaunlaran?

12 Setyembre 2008

18 September, 2008

Kung sakaling maghanap ka ng puso at iba pang dibuho ng pag-ibig

At kung sakaling tanungin mo ako nito:
“Bakit kamaong madiing nakatiklop
ang mga daliri,ang lagi mong ipinipinta
para sa’ting anibersaryo?”


Kung bakit ni minsa’y hindi
kita iginuhit ng puso,
ng palad na namamanata,
ng mga kamay na may singsing na magkamukha—
dahil maya’t maya kong iginuguhit ang mga ito
at maingat na itinatago
sa aking kamao.

Ang aking kamao ay puso.
At ang puso ko’y kamao
na laging nakaambang magtanggol
laban sa pyudalismo ng pag-ibig at sumagupa
sa imperyalismo
ng dibdib.


18 Setyembre 2008

28 August, 2008

24

Tuwing Agosto, madalas akong dalawin ng mga pangkaraniwang lungkot. Di dahil sa buwang ito madalas lumuha ang langit at maglawa ang EspaÑa. Di rin naman dahil sa buwang ito namatay si Ninoy. At tiyak ko, hindi rin dahil sa panahong ito ginugunita ang "Buwan ng Wika" na sa totoo naman ay ang mismong paghihingalo ng bagay na ginugunita ang mensaheng pilit pinagtatakpan ng pagdiriwang.

Siguro, dahil unti-unting lumalapit ang aking edad sa huling petsa ng kalendaryo. Pero alam ko, isang malaking drama lang ang huli dahil ito naman ang pagdaraanan ng lahat. Una-una nga lang. hehehe.

Pero nang aking palalimin(naks) kung bakit nga ba (hehehe ito ang mas malaking drama), pakiramdam ko, ako ang salitang "lungkot" o ang akin talagang pangalan ay "lumbay." Dahil hanggang ngayon ay di ko pa rin mahagilap ang tugma ng giniginaw kong tula. (emo!!!) Pero napagtanto ko (buti naman) masyado 'tong mababaw. Dahil di lang naman tayo naririto para lumandi (hehehe); naririto tayo at patuloy na nadaragdagan ang edad upang matuto at gamitin ang lahat ng mga aral upang maging makabuluhan ang ating pag-iral. Sabi nga ni lola, "normal lang ang tumanda, pero ang tumandang walang pinagkatandaan ay higit pa sa pagiging abnormal."

Kaya walang panahon malungkot. Lahat ng lungkot ay may katapat na tuldok, gayundin naman ang saya. Hindi kumpleto ang buhay kung isa man sa dalwang nabanggit ay mawawala. Bente-kwatro taon na ako sa mundo, at alam kong marami pang drama at saya. Ang bawat paghinga ay may karampatang pagtugon dahil nga: "hindi natutulog ang balita." (maipilit lang talaga hehe)

dahil 24 na ako, may 24 wishes ako:

1. Sana makapagpagawa na ako ng bookshelf. dumarami na kasi ang mga libro ko at wala na akong mapaglagyan.
2. Sana matapos ko na ang koleksyon ko ng tula tungkol sa mga OCWs.
3. Sana may magregalo sakin ng ipod.
4. Sana tumaas na ang sahod ng mga manggagawa.
5. Sana makabili na ako ng aquarium. hehehe
6. Sana magkaroon na ng sariling lupa ang mga magsasaka.
7. Sana ibigay na ni pikay (ate ko) 'yung laptop niya sa akin.
8. Sana maging totoo na ang "education is a right" para marami nang makapag-aral. 'Yung tipong sa Cuba.
9. Sana madagdagan ang collection kong Neruda.
10. Sana di na kailangan pumila para sa bigas.
11. Sana makapagpublish ako ng book.
12. Sana wala nang drayber at pasaherong magsusuntukan dahil sa pamasahe.
13. Sana makapag-Sagada ako.
14. Sana wala nang kailangang iwan ang kanilang pamilya upang magpaka-alipin sa ibang bansa.
15. Sana makasali ako sa isang play (hehe).
16. Sana wala nang kailangang magbenta ng kanilang "bato" upang saglit na maibsan ang gutom.
17. Sana mapagpatuloy ko piano lessons (hehe) at marami pang matutunang kanta sa gitara.
18. Sana buksan na ang lahat ng saradong student publications at wala nang masuspend o makick-out dahil lang sa paggigiit ng karapatan.
19. Sana makapag-jog at row ulit kami ni Heidi.
20. Sana makita na sina Jonas, Karen at She at lahat ng nawawala, at mabigyang hustisya si Beng at iba pang biktima ng extrajudicial killings.
21. Sana matuto na akong mag-layout.
22. Sana wala nang inosenteng mamamayan ang mamatay dahil sa walang kwentang gerang inilulunsad ng pamahalaan.

ito na, last two. siyempre ito 'yung gustung-gusto ko:

23. Sana mahanap ko na ang tugma ng aking tula.
24. Sana mawala na si GMA sa posisyon at mapagbayad siya sa lahat ng kanyang mga kasalanan at isilang ang isang tunay na makataong sistema.

Maligayang Kaarawan Kabi!

28 Agosto
sa kuwarto ni parce

26 August, 2008

Sam's bestfriend

Sa simpleng kalansing,
maliksing bumabangon
ang Chihuahua ni tiyo Sam
sa may gilid ng Pasig.
Malikot ang buntot nito
At labas-pasok ang dilang
Nangingintab sa laway.
Kilala ng alaga
Ang tunog ng pagkabusog—
parang aso ni Pavlov.

Kabisado na ng Chihuahua
Ang hudyat ng pagkabundat—
wala siyang pakialam
kung sa paligid niya’y maraming
ang gutom ay itinutulog.
Ay, pambihirang aso—
bansot na kay tuso.

Buto ng tao,
hindi Pedigree ang paborito.
Howitzer, hindi frisbee ang kanyang laruan.
Chacha, hindi “My Chihuahua” ang gusto nitong sayaw.
Ay, pambihirang alaga—
maliit na kay lupit.

O pambiharang aso
pakatandaan mo ito:
“BAWAL TUMAWID, NAKAMAMATAY!”
Baka mapagkamalan kang sahog sa adobo
lalo pa’t uso ang pag-uulam ng toyo
ngayong nadarama ang pag-asenso.

25 Agosto 2008

Una ko itong binasa sa launching ng latest chapbook ng Kilometer64, Mag:net, Katipunan, 25 Agosto.

14 August, 2008

kay Marce*

plato ang pag-ibig ni Marce.
Takal na takal lang ang laman,
di dahil nagdi-dieta
kundi sadyang pihikan lang.

Disyembre 2007
*si Marce ay mas kilala bilang Alvin Peters. Pero sabi niya, siya ay pusa, isang mahusay na assassin at higit sa lahat-- siya si Storm. toink!

13 August, 2008

Haiku kay J.F.(A)

'wag magmadali
sa'yong pagsakay sa jeep,
hindi pa last trip.

Hulyo 2008

Haiku kay Keb

pelikula kang
matipid sa salita--
pabao'y badya.

Hulyo 2008

Strong Republic

Isdang nilamVAT
nang maLIGO sa sarsa'y
naging suplada.

11 Agosto
Haiku(nsomisyon)

10 August, 2008

Ang Parikala ng Tula ng Pag-ibig

Pinaiibig tayo ng taludtod.
Napapangiti tayo
sa mga bersong hinugot
sa pamamaalam at pagdating,
sa pagsosolo at pagsasalo,
sa pananaginip at paggising,
at sa muling pagkalanta at pamumunga
ng ngiti at hikbi, ng hikbi at ngiti—
luha at luwalhating paulit-ulit iniiwa’t hinahanap.

Kinikilig tayo sa pagbigkas
Ng mga katagang kinatas
Sa mga karaniwang karanasang
nakasaknong sa dibdib.
Nahuhumaling tayo sa pintig ng mga pantig
Ng makatang hinihiraman natin ng bibig.
Umiibig tayo sa kanyang talinghagang
giniginaw sa paghahanap ng tugma.


2 Agosto 2008

16 June, 2008

Kay Randy Malayao*


at matapos ang ilang araw
nang di mo pag-uwi, Randy--
buhat sa'yong pinaglahuan
ay sa selda ng Isabela
ka namin natagpuan.

Ay, may duwendeng itim
ka atang nasaling
sa binagtas mong daan
kaya't iniligaw ka't binihag
at pinagmalupitan.

sa kanyang kaharian,
permanente ang oras--
laging umaga.
permanente ang lasa--
laging almusal.
permanente ang utos:
tadyakan, suntukin,
hampasin si Randy Malayao at
hubdan ng saplot
at ikulong sa kuwartong malamig,
isupot ang mukha
at paaminin ng krimeng di niya ginawa.
at pagkatapos,
ito ang atas:
hilutin si Randy
upang burahin ang bakas ng dahas.

RANDY,
hindi ka naliligaw.
dahil sa tulad mo,
sa tulad nating tumatahak
sa kalsada ng katarunga't totoong kalayaan--
may dahas na nakaamba
sa ating kailan man ay hinding-hindi
magsasabi ng "TABI-TABI po."

RANDY,
hindi tayo naliligaw.
sa ating pag-iral
permanente ang atas:
DURUGIN ang punsong
hugis apang baligtad.

14 hunyo 2008

*una kong binasa ang tulang ito sa Newsdesk, sa benefit concert kay Randy. Dinukot siya ng mga militar noong Mayo 20 habang pauwi sa Pasig.

17 March, 2008

oda sa palay


tulad na kung pa’no ka ipinunla,
sa takdang panahon ng pamumutiktik
ay unti-unti kang magpupugay;
yuyuko sa kalangitan
hanggang tuluyang makuba at mamigat
ang mga butil na imakulada
sa manipis mong gintong sinapupunan.

gaya ng kagampan,
hahalinahin ng ‘yong bango
ang mga mayang laging nag-aabang--
animo’y aswang na naglalaway sa iyong isisilang.
tulad ng dati, ang kamay na sayo’y nagpala,
maliban sa kalyo’t bahaw na sugat
ay maiiwang salat.
maiiwang walang imik, parang panakot-ibong
sagad na sa pagtitimpi.

sa makalawa, aanihin ang galit
ng karit.

Mayo 2006

brownout sa Pinas

maubos man ang palito,
'wag kang susuko katoto.
apoy ay lilikha tayo
kahit pa kiskisi'y bato.

13 Marso 2008

11 March, 2008

RED horse

Umasta kang hinete kagabi
matapos ang karera ng tagay.

Tumilapon ka sa’king pagpiglas
nang tangkain mo akong sakyan.

Kumaripas ka nang ihaya ko ang bubog
Na pinagsidlan ng isusuka mong dahilan.

Tao ako, hindi kabayo!
Tao ako, masipa ka man o hindi ng kabayo.


9 Marso 2008

09 March, 2008

unang moda sa bintana

Iniwan kong bukas
ang bintana ng aking puso.
di dahil natitiyak kong babalik ka
at muli akong tutugtugan ng gitara.

Iniwan kong bukas
ang bintana ng aking puso.
upang di mahirapang makapasok ang magnanakaw
at limasin ang 'yong mga alalang
sa dibdib ko'y nagbara.

iniwan kong bukas
bintana ng aking puso
upang may makadapo
sa nanlalamig nitong pasamano.

7 Marso 2008

22 February, 2008

para kay Jayco at sa iba pang anak ng picket line

Maaga mong natuklasan
na kinakailangang itigil ng 'yong tatay
ang inyong ikinabubuhay
upang mas ganap na mabuhay.
Sa edad sampu, batid mo’ng
nasa may
P
A
A
N
A
N
ng lipunang hugis Mayon
ang iyong talampakan,
ang inyong talampakan.
Karugtong ng ABKD ng ‘yong dila
Ang MKIBK!
Bahagi ng iyong kabataan
ang “Boycott Nestle”
sa tangan mong karatula.
At sa iyong pagtanda,
babaunin mo ang mga aral ng welga.
Sa inyong pagtanda, hihibuan n’yo
ng kulay ng protesta
ang mga bakod ng pagsasamantala.
Dahil hindi mapakakalma
ng mga pinatamis na patalastas
Ang kumukulong pait sa’yong bibig,
sa inyong dibdib.
Bukas,

BULKAN kayong s A s a B O g.

12-24-05

si jayco ay anak ng isang mangagawa sa nestle na aking nakilala sa picket line sa laguna noong pumunta kami doon upang maki-pamuhay sa kanila ng ilang araw.

21 February, 2008

aling sakit pa ang hihigit kaya


Tinawag kang ama ng himagsikan
ng aking mga aklat sa elementarya
na may ilang punit at pilas na pahina.
ipinagpatayo ka ng rebulto, Andres,
upang di malimot ang ‘yong kadakilaan,
ang ‘yong katapangan,
ang ‘yong pag-ibig sa bayan.
Tumatak hanggang sa mamahaling kamiseta
ang ‘yong mukha,
ng binatilyong nakasalubong ko sa Katipunan.

At nito lamang— naging usap-usapan
ang marka sa’yong kaliwang braso.
kung pa’no ang tanda ng ‘yong pakikidigma
ay tinabunan ng ‘sang pusong binutas ng palaso.

Kaninong puso ang di masusugatan
kung obra sa kasaysayan ng kalayaan’y
pinapusyaw ang kulay?
Kaninong puso ang di magdurugo
kung ang ‘yong alaala’y kinakalakal?

Tinawag kang bayani
ng aking aklat sa pamantasan
Na pinapapak na ng mga anay.
nang gawin kitang huwaran—
binulyawan at tinaasan ako ng kilay ni ma’am
at binansagang walang diyos sa katawan.

Kaninong puso ang di magdurugo,
kung ang ‘yong mga anak na nagpapatuloy ng ‘yong sigaw
ay binubutas ng tingga ang bumbunan?
Kaninong dugo ang di kukulo,
kung ang pag-ibig na 'yong itinuro
ay ipinagbabawal ngayong isubo?

Aling sakit pa ang hihigit kaya sa paglimot?
Wala na nga. Wala.


29 Nobyembre 2007

una kong binasa sa Mag:net sa Katipunan para sa paggunita sa kaarawan ni andres bonifacio

20 February, 2008

bayani raw si kuya


Kahit masustanya,
hindi natiis ni kuya na sabaw lang ng sinaing
ang sususuhin ng kanyang unang supling
pagkakatapos simutin ang lata ng bona.

Sa disyerto siya napadpad
sa paghahanap ng gatas ng anak
at bahay na iilawan ng kanyang kabiyak.
Hinulma niya ang kanilang mga pangarap
sa pagawaan ng bakal.
Pinilit niyang maging sintatag
ng kanilang likhang kalakal.
Subalit kahit anong tibay,
nang maulinigan sa telepono ang kanyang dugo’t laman
sa una nitong kaarawan—
dibdib niya’y biglang nangalawang.

Doon sa disyerto,
hinuhurno kung umaga ang aking kuya
at sa gabi’y halos mapulmonya sa nanlalamig na kama.

Doon sa disyerto,
pipi ang mga panalangin ng aking kapatid
na inilako’t inilayo sa ngalan ng piso
at binigyang pa-konsuwelo:
ang aking kuya ay bagong bayaning Pilipino.


Enero 2008

16 January, 2008

ang mundo sa naka-kuyom na kamao

sinlaki lang ng naka-kuyom na kamao
ang puso ng tao.
subalit sa apat na kuwarto nito--
kasya ang BUONG mundo
kung titibok ito nang makatao.

08 Enero 2008

handle with care

plato ang aking pag-ibig.
minsa'y parang fiesta.
may panahong nagdi-dieta
at kung minsa'y luhang nagsabaw lang ang laman.