25 April, 2009

Punebre sa Kamatayan ng Batas(an)

Salamat at nagdesisyon ang Korte Suprema na magpapalawak sa representasyon ng mga “marginalized sector” sa Kongreso.

Subalit nais kong idiin ang salitang “marginalized” para sa kapakinabangan ni Palparan at ng kanyang presidente at mga zombies nito.

Ang marginalized ay:

1. siyang lagi’t laging biktima ng pang-aapi’t pandarahas;
2. siyang lagi’t laging ninanakawan ng karapata’t kalayaan;
3. siyang lagi’t laging di-pinakikinggan;
4. siyang lagi’t laging kinalilimutan;
5. tiyak kong hinding-hindi si Palparan.

Congressman na si Palparan? Wawawawow!
Marami na namang susunduin si San Lamuerte.

13 April, 2009

Panalangin ng Panahon

" A devotee, no doubt, in search of greener pastures presses a passport on the glass enclosing the miraculous image of the Mother of Perpetual Help at her shrine in Baclaran.”
-Kapsyon ng larawan ni Lyn Rillon, PDI, Nobyembre 21, 2008


Nagmamapa ang gitling-gitling
na guhit ng aking mga palad

sa lapad na bubog ng ‘yong kabanalan.
Naririto ang ruta ng mga bulong

na pilit ko ring tinunton sa mga butil
ng misteryo, at sa pulu-pulong

patak ng puting esperma.
‘Pagkat pangako nila’y di naging tinapay—

Ina, inilalapit ko po sa’yo ngayon
ang aking paglayo.

Upang saklolohan ang aking sikmura
at masumpungan ang lupalop ng katubusan.

At sa aking patutunguhan, nawa’y iadya mo po ako
sa lahat ng masasama.

01 April, 2009

Huling araw ng aking buhay FT

Tuluyan nang ginapi ng kontradiksyon ang may-ari ng blog na ito.

Halos tatlong taon din ang aking inilaan upang makatulong at makapagsilbi sa kapwa. Sa mga taong ito, hindi lang iisang beses na dumating ako sa puntong nais ko nang lumayo at limutin kung ano ako bago ko isulat ito.

Tiyak, matutuwa na si daddy at ang dalawa kong nakatatandang kapatid 'pag nalaman nila na iiwan ko na ang Maynila, iiwan ko na ang lahat-lahat sa Maynila. Uuwi na ako sa probinsiya upang doon simulan ang paglimot sa aking naging buhay sa mausok at maligalig na lungsod.

Mahirap ang humantong sa ganitong pasya lalo pa't sa loob ng mahabang taon ay ito ang naging sentro ng aking pag-iral: pakikisangkot. Sa totoo lang, hindi ko pa rin alam kung paano na nga ito gagawin. Lahat ng pangalan sa aking phonebook, lahat ng mga kaibigan sa facebook at friendster, lahat ng link sa aking blog ay bahagi (o mas tama na nangayon ang "naging bahagi") ng aking buhay bilang isang full-time (FT) sa organisasyong nagnanais ng isang makabuluhang pagbabagong panlipunan.

Magpalit man ako ng sim card, i-delete ko man lahat ng account ko sa internet, umuwi man ako ng probinsiya-- alam kong ito ay panandalian lamang na paglimot. Panandalian na kailangan kong piliting maging pangmatagalan o panghabambuhay na, dahil ito na ang aking pinipili. Ito na ang aking pinili mula ngayon.

Sa mga nakasama ko sa kagutuman, modahan, tulaan, awitan, pagdidikit ng mga posters sa kalsada, takbuhan sa Mendiola, sa mga nagdarahop na komunidad, sa mga picketline, sa mga pag-aaral, sa mga debate, at sa lahat-lahat, Maraming salamat.

Hanggang dito na lang talaga siguro ako, salamat nang marami mga kasama.

Hindi ko kayo mapipigilan at hinding-hindi ko kayo pipigilan kung bahain man ninyo ng reaksyon ang artikulong ito. Mga kasama, lagi ninyong tandaan: dapat higit tayong magsuri sa unang araw ng Abril. Happy April Fool's Day! Apir!