26 May, 2009

Kambal sa Umay: Ang Umay na di kaya ng Atsara

Mula almusal hanggang hapunan, inuulam natin ang salitang “scandal.”

Nitong nagdaang mga araw, nilantakan ng lahat ang video ni Hayden Kho Jr. at Katrina Halili. Kasabay ng mga kapistahan sa buong bansa, pinagpyestahan ng publiko ang bagay na dapat ay pribado at iniiwan sa paglabas sa kuwarto.

At sa nangyari, nagsalimbayan ang mga pananaw. Nagkaroon ng kanya-kanyang kampo ang mga opinyon. At natabunan ang iba pang mahahalagang usapin.

Sa tuwing may ganitong eksena, ang laging kontrabida bukod sa nagpalaganap ng video ay ang dalawang tao na nasa scandal. At madalas sa madalas, ang babae ang pinupukol ng puna. Hindi ako magpapaka-moral, dahil unang-una, isang malaking diskurso ang moralidad.

Sa Quiapo, ang lugar na updated sa mga palabas, isang mama ang walang kaabug-abog na nag-alok sa akin na: “Boss, Katrina?” na sinagot ko ng iling.

Hindi ko pa nakikita ang video, at hindi na mahalaga pa na mapabilang ako sa mga nag-usisa (o baka may mga nagnasa pa nga sa nakita). Hindi ako nagmamalinis, pero hinding-hindi ko sasabihing “ayan buti nga, ang lilibog kasi,” na sinabi ng isang manang sa jeep. At hindi ako daragdag sa mga miron na ang tanging pinagmulan ng opinyon ay ang posisyong napanood.

Sa tuwing may ganitong kaganapan, tila ba gutum na gutom ang karamihan na makatikim sa pinag-uusapan. Kahit sa facebook, may mga naglalagay sa kung ano ang iniisip nila, atat na atat makakuha ng kopya ng naturang video. Para bang kahihiyan ang hindi ka makasawsaw sa ganitong usapin na pinupulutan ngayon kahit sa loob ng Sarao.

Sa nangyari, lalong lumutang ang kalagayan ng kababaihan sa bansa (na hindi nakita ng karamihang nakasilip sa scandal). Ang mas nakalulungkot at nakapagngingitngit dito, nananatiling nakatali ang mga babae bilang imahen na pinagnanasaan gayong isang babae ang presidente ng Pilipinas. Patriyarkal pa rin ang lipunan gayong isang ina ang pinakamataas na opisyal sa kapuluan.

Sina Nicole, Katrina, Maricar at samu’t sari pang mga pangalan ng mga anak ni Eba ay patuloy na pinagsasamantalahan. Hindi ko kailangang maging babae upang respetuhin sila. At hindi ito mahirap gawin, dahil lahat tayo ay may kapamilyang babae. Lahat tayo ay iniluwal ng isang babae.

Babae, lalaki, bakla, tomboy: iba-iba man ang ating kasarian, pare-pareho tayong tao. Pare-pareho tayong may mga karapatan.

Sana ganito rin ka-interesado ang lahat kung ang pag-uusapan ay ang kalagayan ng bansa; ang pangangailangang patalsikin ang mga pinunong walang ibang ginagawa kundi ang punuin ang sikmura’t pitaka. Sana ganito rin kaaktibo ang bayan sa pangangailangang palitan hindi lang mga nanunungkulan, kundi mismong sistemang umiiral.

Pauulit-ulit lang.

Pabalik-balik na mga scandal na kakambal ng sistemang matagal na nating kinaumayan. At sa umay sa mga eskandalong kinasasadlakan ng ating bayan, hindi atsara ang kailangan— makabuluhang pagbabago.

Kakambal din ng umay ang paghahanap. Kaya ang taong nauumay ay tumutungo sa lansangan at sa mga lugar na makahahanap ng tunay na lasa ng pagbabago.

22 May, 2009

Isang Hapon ng Dalwang Mahahabang Buntonghininga

Matapos makita ang mga larawan at balita sa facebook, naglaho ang bigat ng aking mga mata--naglakbay ito patungo sa aking dibdib at dumaloy sa mga kamay.

At matapos ang pagkuyum-kuyom, naging salita ang mahahaba kong mga buntonghininga.

1
Kahapon, habang naghahanda pabalik sa maingay at mausok na lungsod, natanggap ko ang balitang may isang mamamahayag na kasali sa "order of battle" ng AFP sa Mindanao. Sa naturang listahan, naroroon din ang mga pangalan ng mga miyembro ng iba't ibang organisasyon na kritiko ng gobyerno.

Noong bata pa ako, 'pag sinabing listahan, ang kahulugan nito sa akin ay:
pangalan ng maiingay sa klase.
pangalan ng mga kapit-bahay na nagpasupot ng sardinas o itlog at bumabalik kung akinse o katapusan.
dalawang numero na tinatayaan ni daddy na sinasabi pa niyang tumbok ganito at sahod ganito.

Nang mabasa ko ang statement ng mamamahayag na si Carlos Conde, tumayo ang aking balahibo sa batok.

Sino nga ba namang hindi magngangamba 'pag ang pangalan mo ay nasa listahan ng mga militar? Sinong hindi mababalisa lalo pa't ang Pilipinas ay ika-2 sa buong mundo na delikadong lugar para sa mga mamamahayag?

Sinong mapapanatag lalo pa't maging ang ulat ni UN Special Rapportuer Professor Philip Alston ay nakaturo sa mga naka-fatigue? Sinong magkikibit-balikat sa ganitong balita sa ilalim ng isang rehimeng nasasadlak sa sandamakmak na kaso ng paglabag sa karapatang pantao?

Hanggang utak-pulbura ang presidente, Carlos Conde, mananatiling kaaway tayo ng rehimeng ito na galit sa mga nagsasabi at nag-uulat ng totoo.


2
Isang guwardiya ang humaya ng kanyang hawak na baril sa mga magsasaka. Marahas na binuwag ng mga mamang pulis ang kampuhan ng mga magsasaka. Ito ang eksena kanina sa bukana lamang ng Batasan.

Ilang linggo na rin ang kampuhan ng mga magsasaka mula pa sa Timog-Katagalugan upang tutulan ang CARP at isulong ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Subalit sa halip na pakinggan, dinahas ng mga alagad ng batas ang mga nagtatanim at nagpapakain sa lipunan, silang halos buong-buhay na sa pagbubungkal at pagpapayaman ng lupang sa kasalukuyan ay di matawag na kanila.

Walang ibang dapat mag may-ari sa lupa kundi ang mga nagpapala rito. Subalit
habang patuloy na ipinagkakait sa mga magbubukid ang pagmamay-ari sa lupa, habang may huwad na tagapagtanggol ang huwad na CARP (si Riza Honteveros-Barraquel), at hanggang ang ang sistema ay ang mismong nagpipriserba ng piyudalismo-- patuloy na magsasatingga ang mga buntonghininga di lang ng mga nagtatanim, kundi lahat ng nagugutom. Nagugutom sa maraming bagay.

Buntong-
hininga.
Buntonghininga.

11 May, 2009

Ang Bago kong Paboritong Salita

Mahaba-haba rin ang patlang na naganap sa aking pagdadrama rito. Ewan ko ba, kung kailan ako maraming bagong natutunan mula sa dinaluhang workshop, ay saka naman ako nahihirapan magsulat.At ito ang pinaka-bagong dramang aking kinakaharap.

At itong binabasa mo ngayon ay isa na namang pagtatangka na palayain muli ang mga salita na nangagsabit sa aking dila.

May bago na namang nadagdag sa listahan ng mga paborito kong salita, Iyas. Salitang Hiligaynon na natutunan ko sa Bacolod nitong mga nagdaang linggo. Hindi lang ang matalinghagang kahulugan nito o ang mismong musika ng salita ang naging dahilan kung bakit naging paborito ko ito-- higit sa lahat ang mga aral at alaala na sumibol sa Iyas workshop.

Nadagdagan din ang mga kaibigan ko sa facebook, ang tetxmate,kachat.
Nadagdagan ang mga kakilala kong nagsusulat,
ang mga dapat isaalang-alang sa pagsusulat,
ang pagkilala at pagsuporta sa iba pang lenguwahe sa bansa.
At higit sa lahat, nadagdagan ako ng timbang (hahahaha) dahil sa masarap na pagkain
at komportableng tulugan ng Balay Kalinugan. Tinubuan ako ng pakpak nong nandoon ako (literally at figuratively).

Ay muntik ko nang makalimutan, Binhi nga pala ang katumbas na salita ng Iyas.