24 November, 2010

Yaring Ngalan ng Ating Katahimikan

Maaga niyang naramdaman
ang kahulugan ng titig ng tatlong tuldok.
Sa hapag-kaininan, ito ang sangkap
ng umaasu-asong kumustahan kung hapunan.
Sa palaruan, ito ang iling
sa bawat takbo at tilapon ng bola.
Sa dalanginan, ito ang sapilitang pagluhod
at pagkakanulo sa sarili.

Hanggang kanyang natutunan
na may batas ang paggalaw,
may mga bantas ang pag-usal.

Na sa paglao’y kanyang naunawaan
ang kuwit na nakasabit
sa lalamunan ng kanyang ina,
ang gitla ng mahabang gitling
sa mga pangungusap ng kanyang ama,
ang mga nakaambang panaklong
sa lingon ng kanyang mga kalaro,
ang nakadilat na panipi
sa pikit na mga talata ng aral.

At kanya ngang napagtanto:
may karahasan ang dilang
nasasalat sa salita.

Gayong kay tahi-tahimik—
wala silang naririnig.
Sapagkat ang lahat-
lahat hinggil sa pag-ibig
ay matagal nang ipininid.
Subalit

kay tagal na ring nabatid
walang di babaklasin,
mga braso ng pag-ibig.

24 Nobyembre 2010

Heto ang paunang pagbawi sa matagal kong pananahimik. Paumanhin sa mga nagtatanong at naghahanap ng bagong tsismis.