"Umutot na po ba?"
Ito ang laging bungad ng nurse o doctor na pumapasok sa kuwarto ng aking kaibigan sa ospital. Natatawa ako nong unang araw kong nagbantay; sa magahapong pagpasok nila, atat na atat sila sa utot ng aking kaibigan.
Sa tuwing magraround ang mga nurse o doctor, minsan gusto kong sabihin na, "Ako po, umutot ako kanina bago pumasok sa elevator. Umutot din po ako habang nagyoyosi. Umutot din po ako habang naglalakad papauntang ospital." Pero hindi ako ang pasyente kaya tiyak, wala silang pakialam sa aking utot kahit sabihin pang walang amoy.
Sa FX, sa mrt, sa jeep, sa school o sa kung saan man, halos magkamatayan na sa pagtanggi kung sino ba ang umutot. Para bang simbigat ng kasalanan ni Gloria Arroyo kaya't walang aamin. Kahit magkaamuyan pa siguro, wala pa ring aamin.
Sa ospital, inaamin ang utot. Kung di ka aamin, di ka kakain. At kung mabilis kang aamin para makakain kahit di pa naman nakauutot, maaaring lalo pang mapasama.
Utot ang hinihintay namin upang makakain na ang aming kaibigan na ilang araw na ring swero lang ang panawid-gutom. Kailangang makautot ng aming kaibigang naoperahan dahil ito ay pahiwatig na maayos na uling gumagana ang kaniyang bituka. Ilang araw pa ang magdaraan bago dumating ang pinakahihintay na hangin.
Nagtalukbong ang aking kaibigan, sinarili ang simoy na ilang araw ring inaabangan. Na marahil, ilang araw rin niyang pinanabikan. Sinarili niya, na parang isang bisitang dumating na matagal niyang di nakita kaya't marubdob na sinalubong.
Ano nga bang nakakatawa sa pag-utot? Nakakatawa marahil dahil sa tunog o bagsik. At dahil nga pinagtatawanan, 'pag di sinasadyang napautot, napipilitang tumanggi ang napautot. Oo, may ilan na kayang umamin at magpasintabi kung mauutot o nautot, pero karamihan pa rin, deny to death. At kung minsan naman,walang nagrereact sa balasik ng naaamoy dahil nga ang unang pumutak, siyang nangitlog.
Kung ang simpleng bagay na ito, na isa namang normal at maaaring ipagpasintabi, kay daling itinatanggi-- paano pa kaya ang malalaking bagay?
15 May, 2012
Subscribe to:
Posts (Atom)