Sensitibo ang ilong ng aking alaala. Laging nagyayayang umuwi sa bahay. Madalas mapagkamalang imbitasyon ang simpleng amoy.
Piniritong isda ang ulam ng kapit-bahay. Kung hindi ako nagkakamali, pinritong galunggong ang naamoy ko kahapon habang nagsusulat ng aking paper tungkol sa pagkain. Bigla, gusto kong umuwi sa probinsya. Linisin ang abo sa kalan. Dumakot ng uling at isawsaw ang uyo sa gas.
Torture ang ganoong sitwasyon. Pero pwede namang hindi umuwi at maibsan ang torture. Simple lang, e di magluto. Ang problema, wala kaming lutuan sa dorm, kahit kalan na bato. Hindi naman bawal magluto sa amin, wala lang talagang gas/electric stove. Dawalang de-saksak na pakuluan ng tubig at rice cooker lang ang laman ng aming kusina. Sa ganito ko nagamit ang aking natutunan sa pagbo-boyscout.
Siguro, kaya walang stove, ayaw ng mga dating dormer na problemahin kung paano ito paghahatian sakaling umalis ang isa. Dagdag pa rito ang walang-kamatayang pagtaas ng LPG. Kung magiging problema man ang pagpaparte, simple lang ang sagot ko: i-raffle. E kung may aapela? E di i-raffle paisa-isa ang hose, ang burner plate, ang bakal na patungan ng kawali/kaldero, ang mismong katawan ng burner, ang LPG. Siguro naman sa dami n’yan lahat ay may makukuha. May isa pa ngang magdodoble dahil apat lang naman ang maghahati-hati. Kung may aapela pa, ibigay ang potholder.
Bakit di na lang ako bumili ng kalan na bato? Kung bibili naman ako, baka mapagkamalan pa akong ewan ng aking mga kasamahan. Isipin pa nilang ganoon pa rin talaga sa Quezon. Ganoon pa rin naman lalo na ‘pag naglalaga para makatipid-tipid sa LPG. Pero di ibig sabihin ay walang gas stove na nagaganap. Ayoko ring namang humantong kami sa sangkatutak na paliwanagan. Paano ko ipapaunawa na mas nararamdaman ko ang bahay dahil sa usok sa kalan? Paano ko naman sila paniniwalain na nakakatuwa ang pagpitik-pitik ng uling at paglipad-lipad ng alipato, sige nga? Tiyak, magmumukha akong ewan.
Nang mawala ang amoy, tumigil ako sa pagsusulat. Ayaw ko nang isipin kung bakit. Pero ‘yung ilong ko, echusera. Dahil wala nang maamoy, sinulsulan akong imaginin ang sumunod na eksena: pinarte ang isda, kinurut-kurot, isinawsaw, isinubo…
Dumampot ako ng libro. Inamuy-amoy ang mga pahina. Ayan, para may pagkaabalahan ka, sabi ko sa aking ilong. Ang sarap daw. Ano raw ba ‘yung nalalasahan niya. Tiningnan ko ang cover: The Sociology of Food.
06 August, 2012
Subscribe to:
Posts (Atom)