17 December, 2007

kay bughaw (tula ni tito tibak)

huli tayong nagkita
noong binuhusan ng pari
ang 'yong ulo ng banal na tubig.
hindi ka umiyak--
napatda ang 'yong mga mata
sa krus na nasa likuran ng nakaputing sayo'y nagbanlaw.
ang balita ko'y madalas ka nang manggigil, lahat ay nais kagatin.
marunong ka nang magmano,
maningala't maghanap ng butiki,
tumawag ng aso,
humakbang nang hindi inaakay at pasayahin si kuya
sa tuwing maririnig niya ang utal mong pagtawag ng "tatay."
kanina, nang muli tayong magkita't
sinubukan kitang kalungin:
tinitigan mo ako na para bang nakapakong santo,
sabay pumalahaw ka nang todo.


24 Oktubre 2007

07 December, 2007

ang luha ng mga walang-wala*

AY, kay tagal nang luha ang bumubundat
sa'ming mga tiyan.

kaya't alboruto ng sikmura'y
dumagundong hanggang sa kabundukan.

kaya't itong aming luha'y namuo't
naging armas na bakal,

na aabo sa kanila--
silang kumain ng aming dapat ay pinagsasaluhan.

AY! kay tagal nang luha ang bumubundat sa'ming mga tiyan!
kaya't palayan ay may patabang taksil sa bayan!

*(mula sa chemistry of tears ni Propesor Sison)
17 nobyembre 2007

desap

tahimik ang gabi,
animo'y kay bait.
pero sa parehong katahimikang ito,
sa parehong kabaitan nito'y
n a w _ l _ n
ng mabuting kaanak
ang mga NaGhAhAnAp
sa pagsapit ng umaga.

19 nobyembre 2007

04 December, 2007

oda sa pagmomoda

hindi tsokolate-
sunog na bukayo ang dito'y inihalo.
hindi rosas-
bulaklak ng ampalaya
ang talinghagang namumukadkad
sa oda na hinihimlayan
ng iyong mapupungay na mga mata,
mga labing dinungisan ng nikotina,
tiyan na pinaalsa ng serbesa.
ay, naririto ang iyong mga alaala
yapus-yapos ng mga letra ng aking oda
na sa sandaling masakal
ay m a g- A A
K
L A
S .
kaya pakiusap, bitbitin mo sa'yong pag-alis
ang lahat ng tungkol sa'yo.
'wag kalimutang isama ang una kong tula
na isinulat sa tisyu
at itong oda, sakaling magkabunggo tayo sa kalsada
ay sabay nating sindihan,
at masdang maabo ang papel na dinumihan ng mga salitang
ilang ulit binura, pinalitan at muling ibinalik o bumabalik
(parang ikaw).
at kung sa'ting muling pagkikita'y isauli mo sa'kin
ang tisyung may minatamis na berso--
mamabutihin ko pang ipamunas na lang ng pawis.
o kaya'y singahan ng sipon,
ipambalot ng bubblegum na wala nang tamis.
o kaya nama'y ipanlinis ng sapatos
na ilang beses ring pumitpit sa'king mga paa.

Subalit di ko sasabihing ito na ang huli kong [m]oda sayong mga gunita
dahil baka hindi ko manguya ang sarili kong tula.

7 Oktubre 2007