17 March, 2008

oda sa palay


tulad na kung pa’no ka ipinunla,
sa takdang panahon ng pamumutiktik
ay unti-unti kang magpupugay;
yuyuko sa kalangitan
hanggang tuluyang makuba at mamigat
ang mga butil na imakulada
sa manipis mong gintong sinapupunan.

gaya ng kagampan,
hahalinahin ng ‘yong bango
ang mga mayang laging nag-aabang--
animo’y aswang na naglalaway sa iyong isisilang.
tulad ng dati, ang kamay na sayo’y nagpala,
maliban sa kalyo’t bahaw na sugat
ay maiiwang salat.
maiiwang walang imik, parang panakot-ibong
sagad na sa pagtitimpi.

sa makalawa, aanihin ang galit
ng karit.

Mayo 2006

brownout sa Pinas

maubos man ang palito,
'wag kang susuko katoto.
apoy ay lilikha tayo
kahit pa kiskisi'y bato.

13 Marso 2008

11 March, 2008

RED horse

Umasta kang hinete kagabi
matapos ang karera ng tagay.

Tumilapon ka sa’king pagpiglas
nang tangkain mo akong sakyan.

Kumaripas ka nang ihaya ko ang bubog
Na pinagsidlan ng isusuka mong dahilan.

Tao ako, hindi kabayo!
Tao ako, masipa ka man o hindi ng kabayo.


9 Marso 2008

09 March, 2008

unang moda sa bintana

Iniwan kong bukas
ang bintana ng aking puso.
di dahil natitiyak kong babalik ka
at muli akong tutugtugan ng gitara.

Iniwan kong bukas
ang bintana ng aking puso.
upang di mahirapang makapasok ang magnanakaw
at limasin ang 'yong mga alalang
sa dibdib ko'y nagbara.

iniwan kong bukas
bintana ng aking puso
upang may makadapo
sa nanlalamig nitong pasamano.

7 Marso 2008