17 March, 2008

oda sa palay


tulad na kung pa’no ka ipinunla,
sa takdang panahon ng pamumutiktik
ay unti-unti kang magpupugay;
yuyuko sa kalangitan
hanggang tuluyang makuba at mamigat
ang mga butil na imakulada
sa manipis mong gintong sinapupunan.

gaya ng kagampan,
hahalinahin ng ‘yong bango
ang mga mayang laging nag-aabang--
animo’y aswang na naglalaway sa iyong isisilang.
tulad ng dati, ang kamay na sayo’y nagpala,
maliban sa kalyo’t bahaw na sugat
ay maiiwang salat.
maiiwang walang imik, parang panakot-ibong
sagad na sa pagtitimpi.

sa makalawa, aanihin ang galit
ng karit.

Mayo 2006

No comments: