21 September, 2008

Biyaheng Ewan

Hindi naman talaga ako tsimoso.

Wala lang talaga akong magawa upang pigilan ang aking pandinig at bigyan ng “moment” ang mga kasakay ko sa jeep o pampublikong sasakyan na nag-uusap o may kausap sa celfone (mahirap naman talagang magkamoment sa ganito diba?). Hindi ko rin naman masabi na para sa kanila lang ng kausap niya ang kanilang pinag-uusapan dahil sa lakas ng boses na para bang inaanyayahan ang lahat na sumali sa balitaktakan. ‘Yung tipong nakatingin na ang lahat ng mga pasahero sa kanila o sa taong may kausap sa celfone at nag-aabang ng kung anong mangyayari o susunod na linya dahil nga may nabubuo nang eksena sa isip nila. May mga pagkakataon pa nga na ‘pag nakatatawa ang pinag-uusapan ay di mapigilan ng ibang mga nakikinig na mapatawa at yung iba naman medyo nagpapanggap pang di nakikinig ay biglang titingin sa labas ng jeep o FX at saka tatawa nang pigil na pigil.

Noong Martes, habang nakasakay ako sa likod ng FX patungong Taft, may katabi akong isang babae na sa tantya ko ay ahead lang ako ng dalwang taon. Walang nagsasalita mula nang sumakay ako sa may Pantranco. Tanging boses lamang ni Rihanna (ella, ella, ella, eh eh eh na sinasayawan ni typhoon Marce sa labas ng sasakyan) at buga ng aircon ang maririnig. May bumaba sa tapat ng UST at dito na nabasag ang katahimikan ng biyahe.

Inilabas ng katabi ko ang kanyang celfone at may tinawagan, dito ko rin nalaman kung saan siya papunta at bakit siya pupunta roon.
Ate: hello, oh kumusta? Ayaw mo pa kasing maniwala na pumasa ka. Tumawag nga ako ‘non tapos tinanong ko kung may result na, meron na raw. Tinanong ako nong nakasagot kung ako raw ba ‘yung tinatanong kong pangalan, ang sabi ko kaibigan ko. Kinakabahan talaga ako non, tapos biglang sabi sakin nong kausap ko, ahhmm Ms. sabihin mo sa kaibigan mo “pa-cheese burger naman cia.” Tawa tawa tawa tawa tawa. UST daw ulit ang nagtop.

Siyempre, dahil di nga ako tsismoso sa lagay na ito, hindi ko mailalahad yung saktong mga linyahan nya. Heto ‘yung mga natatandaan ko pa.
Ate: So, kelan ka magpapainom? Kelan ka babalik dito? Papunta akong Quiapo para magsimba, dapat magsimba ka rin kasi pumasa tayo. Baka nga di na ako maka-attend ng ating oath-taking kasi paalis na ako, pa-Dubai. Ehh, di na ko pwede magpa-rebook kasi ang mahal ng magagastos ko. At isa pa trabaho na agad ‘yun kasi di naman talaga ako nag-eexpect nang ganon kalaki na papasa ako kaya nag-apply agad ako.
Muling tumahimik ang biyahe nang bumaba si ate sa tapat ng simbahan. Hindi ko masabing totoong tahimik ang katahimikang iyon sa sasakyan. Tiyak ko, may mga kanya-kanyang opinyon na kinikimkim ang mga kasamahan kong naiwan sa loob. Bagama’t di ako nagsasalita, hindi ako matahimik sa’king narinig. Maraming nagababayad nang mahal upang makapag-aral at sa huli’y, maging kalakal?

Ang biyahe ba patungong pag-asenso ay ang eroplanong palabas ng Pinas? Kung ganon, saan tayo ihahatid ng jeep, tricycle, pedicab, bus, FX, taxi, tren dito sa’ting bayang ramdam ang kaunlaran?

12 Setyembre 2008

No comments: