Noong nakaraang linggo, may isang lalaki ang umakyat sa G-liner na aking sinasakyan papuntang Sta. Mesa. Walang sabi-sabi siyang namigay ng papel—inilapag niya ito sa ibabaw ng aking bag at ‘yung ibang nag-iisa sa upuan ay sa tabi nito basta iniwan. Sinuyod niya ang bus, mula sa mga pasaherong nasa unahan, hanggang sa pinakadulo. At nang matiyak na bawat isa ay may papel na, muli siyang bumalik sa may gawing unahan at nagsimulang kausapin kaming lahat na nasa loob ng bus.
“Maganding gabi po sa inyo mga sir at ma’am, mula po ako sa United Christians. Tumutulong po kami sa mga kababayan nating mahihirap. Nag-papaaral po kami ng mga street kids blah blah blah blah blah.
Naririto po ako upang kumatok sa inyong mga puso. Any amount ma’am, sir ay malaking tulong po blah blah blah.”
“The more we give, the more we’ll be blessed.”
Muling sinuyod ni kuya ang bus. Kinolekta ang mga papel na may nakasulat ukol sa kanyang pakay. Nag-untugan ang mga barya na kanyang inihulog sa belt bag na nakayapos sa kanyang bewang. Pagkatapos ng pangongolekta ng donasyon, muli siyang bumalik sa puwesto kung saan siya nagsalita.
“Maraming salamat po mga sir, ma’am. God Bless Your Trip.”
Muling napako ang atensyon ng lahat sa balita sa t.v. Gigil na gigil na namang nagbabalita si Mike Enriquez.
“Mga kapuso!”
Halos humaba at bumilog ang kanyang nguso sa pag-uulat. Anong balita? Wala namang bago, nagmamalaki pa rin si GMA na hindi tayo maapektuhan ng krisis na kinakaharap ng Amerika. Balitang tiyak na bigla kang maglilihi sa atsara ‘pag ‘yong napakinggan.
Buti na lang, muli akong sinagip ng aking tenga mula sa pagkabagot. Ooops! PAALALA: hindi ako tsismoso, malakas lang talaga ang aking pandinig, peksman! Dalwang kabataan ang nag-uusap sa likod ng aking upuan. Ginaya nila si kuya na namigay ng papel at may belt bag sa bewang.
“Yes good evening sir, ma’am. Mula po ako sa United Christians. Kumakatok po ako sa inyong pitaka. Any amount ma’am, sir ay malaking tulong po laluna ‘pag BUO.”
Tawa akong nang tawa ng marinig ko ‘to. At ikaw habang binabasa ‘to ay tiyak kong tumatawa rin. Siyempre tumawa akong walang tunog, effort nga ako sa pagpipigil kasi baka isipin nila eh talagang intensyon kong makinig.
Totoo man o hindi ang sinasabi ng papel na ibinigay ni kuya, seryoso man o hindi si kuya, paano pa kaya ang mga susunod na eksena sa mga bus na sasakyan ko ‘pag nagkatotoo ang duda ko at ng karamihan sa sinabi ni GMA sa t.v?
Naku, siguro may biglang aakyat sa bus na walang kaabug-aabog lulunok ng espada, ibubuhol ang sariling katawan, tutugtog ng gitara habang naka-split, kakantahin ang I will survive sa iba’t ibang at kung anu-ano pang bagong gimik ang susulpot.
Hay, di malayong marami pang aakyat sa mga sasakyan na may belt bag na nakayapos sa bewang.
At ang mas nakatatakot, darami ang sasampa sa bus na may dalang baril at kokolektahin lahat ng gamit ng pasahero. Magkakaroon na ng human chain mula Avenida patungong Circle hanggang Cubao ng mga kababayan nating nanunutsot habang pisil-pisil ang umbok sa dibdib o sa pantalon tuwing gabi’t madaling-araw makadelihensya lang ng panchibog.
Naku, kung magkakatotoo ang duda ko (na madalas ay nagkakatotoo) sa sinabi ng Ginang sa balita, hindi malabong kulangin ang bilang ng pulis upang pigilan ang mga kababayan natin na ang pasensya ay ga-hibla na lang buhok na nasa bingit ng pagkapatid at kakaladkarin palabas ng Malakanyang ang kapit-tukong Ginang sa higanteng belt bag ng bayan.
15 October, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment