Bukod sa sirenang may nangungupas na buntot, at mga anak ng kung anu-ano (anak ng ahas,alimango, syokoy) at kumakain ng buhay na manok at mga kung anu-ano pang kayang kainin basta makapaningil sa mga nagpapaniwala (kasama na ako dati roon)-- inaabangan ko lagi noon ang mga sasakyang bakal na nanggigitata sa grasa sa tuwing magpipista sa amin.
Isa sa mga paborito ko noon ang horror train. 'Yung tipong bumayad ka para mabugbog ang puwet mo at'yung tipong kung kelan nasa gitna na ng lagusan kung saan nakakonsentra ang mga nananakot ay doon laging nagkakataon na tumitigil (o sinasadyang itigil). Kulay violet,pula o green ang ilaw sa loob nito. Lagi namang ganoon, pag nakakatakot ang eksena, violet o pula o green ang ilaw. Tapos sa loob may kung anu-anong boses: boses ng matanda, bata, humahalakhak, umiiyak. At may kung anu-anong nahuhulog mula sa itaas o sumusulpot sa gilid-gilid.
Siyempre 'pag ganitong usapan hindi mawawala ang tsubibo o mas alam ng karamihang Ferris wheel. Madalas hindi ko kakilala ang kasama kasabay kong sumasakay rito noon. Ayaw akong samahan ng mga kapatid o mga pinsan ko dahil natatakot. Marami na rin kasing nabalitang nahulog at sumabit-sabit bago tuluyang humampas ang katawan na madalas, ayon sa kwento,ay una ang ulo sa paglagpak. Ang morbid. Pero sakay pa rin naman ako nang sakay. Natutuwa ako pag nakikita ko ang kabuuan ng perya mula sa itaas. Pakiramdam ko, natutupad ang pangarap kong makalipad.
Lahat ng alaalang ito ay parang mga tao sa perya na dumagsa sa aking gunita nang pumunta ako UP Fair, at hinilo sa pagsakay sa galamay na bakal na may makukulay na ilaw. Octopus ang tawag nila rito at P30 ang bayad para mapasigaw habang ibinabalibag sa ere. At ito lang ang tangi kong sinakyan at nagpasaya sa akin sa Fair.
Maraming taong pumupunta sa perya para magsaya. Dito, hindi mo kailangan ng kasama para di maramdaman ang pag-iisa. Sasamahan ka ng mga nagtitingkarang kulay, nagsasabugang liwanag; ang bawat sandali rito ay alok ng pagtakas.
Subalit sa Fair,bagama't ang set-up ay nag-aalok ng saya, hindi nito hinahayaang maging lagusan ito tungo sa pagtakas. Sa kabila ng mga sumasabog na liwanag at kumakalabog na tambol: pinag-uusapan ang mga bagay na tinatakasan ng karamihan, o kung hindi man, ay pinagkikibit-balikatan lamang ng mga nagtatalunan sa tugtog at nagihiyawan sa pagkakita sa paborito nilang bokalista.
Habang naglalakad patungo sa sakayan pa-Philcoa, para akong dinadaganan ng mga paang nagtatalunan nang bigla kong maalala sina kuya Rey, ate Tere at Dr. Merry. Kumusta na kaya sila at ang iba pang iligal na inaresto at pinararatangan ng AFP sa Morong Rizal? Habang nasa Octopus kaya ako, ano kayang kalagayan nila sa Camp Capinpin? Kung nahihilo sila, ano kayang sanhi ng kanilang pagkahilo? Sampal? Tadyak? Hampas? Kuryente?
Katrabaho ko sila dati sa isang health NGO, pag nabasa ito ng AFP, tiyak-- tatawagin din nila akong NPA.
Mas naging malinaw sa akin, walang ibang iniaalok ang ating panahon kundi pagbabalikwas. Walang ibang lunas ang aking pagkabalisa kundi sumasabog na pagtuligsa.
Araw ng puso ngayon, susubukan kong langgasin ng berso ni romulo Sandoval ang aking agam-agam,"Napopoot tayo pagkat nagmamahal."
14 February, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
ako ito! ang pinagbigyan mo ng kabataan partylist bracelet sa NEGROS mambukal! miss you! ♥♥♥♥♥
Post a Comment