17 April, 2012

Tungo sa Paanan ng Tinago

(Kina Jun-jun at Allan, aming mga gabay)

Tinatawid ng higpit at hatak
ng inyong mga kamay
ang gaspang at gasgas ng lubid
na nagdurugtong sa pampang
at paanan ng talon.
Sa magkabilang dulo ng balsa,
sabay sa ritmong sauladung-saulado—
kapuwa kayo yumuyuko, kumukuyom,
tumitiim-bagang bago muling tumindig
at tumanaw sa hangganan ng paninimbang.

At sa ating paglapit sa lagaslas,
habang nasisilaw,
napasisigaw,
napadidipa ang aking mga kasamahan—
nagsalubid
ang mga litid sa inyong bisig.
Nagsa-angkla
ang inyong mga talampakan
sa basbas ng kagandahan
at rubdob ng bendisyon.

Matapos ang espektakulo:
isang panata ang lumatay
sa giniginaw niyong mga kamay
na sumagupa sa ragasa
tungo sa pinipintuhong paa
na bago pa mahawakan—
tinaboy tayo ng agos
pabalik sa pampang
ng di mapatid-patid
na pagkapit sa lubid.


10 Agosto 2011

No comments: