hindi tsokolate-
sunog na bukayo ang dito'y inihalo.
hindi rosas-
bulaklak ng ampalaya
ang talinghagang namumukadkad
sa oda na hinihimlayan
ng iyong mapupungay na mga mata,
mga labing dinungisan ng nikotina,
tiyan na pinaalsa ng serbesa.
ay, naririto ang iyong mga alaala
yapus-yapos ng mga letra ng aking oda
na sa sandaling masakal
ay m a g- A A
K
L A
S .
kaya pakiusap, bitbitin mo sa'yong pag-alis
ang lahat ng tungkol sa'yo.
'wag kalimutang isama ang una kong tula
na isinulat sa tisyu
at itong oda, sakaling magkabunggo tayo sa kalsada
ay sabay nating sindihan,
at masdang maabo ang papel na dinumihan ng mga salitang
ilang ulit binura, pinalitan at muling ibinalik o bumabalik
(parang ikaw).
at kung sa'ting muling pagkikita'y isauli mo sa'kin
ang tisyung may minatamis na berso--
mamabutihin ko pang ipamunas na lang ng pawis.
o kaya'y singahan ng sipon,
ipambalot ng bubblegum na wala nang tamis.
o kaya nama'y ipanlinis ng sapatos
na ilang beses ring pumitpit sa'king mga paa.
Subalit di ko sasabihing ito na ang huli kong [m]oda sayong mga gunita
dahil baka hindi ko manguya ang sarili kong tula.
7 Oktubre 2007
04 December, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Bzzt. I-link mo ako! ;p
Post a Comment