Maaga mong natuklasan
na kinakailangang itigil ng 'yong tatay
ang inyong ikinabubuhay
upang mas ganap na mabuhay.
Sa edad sampu, batid mo’ng
nasa may
P
A
A
N
A
N
ng lipunang hugis Mayon
ang iyong talampakan,
ang inyong talampakan.
Karugtong ng ABKD ng ‘yong dila
Ang MKIBK!
Bahagi ng iyong kabataan
ang “Boycott Nestle”
sa tangan mong karatula.
At sa iyong pagtanda,
babaunin mo ang mga aral ng welga.
Sa inyong pagtanda, hihibuan n’yo
ng kulay ng protesta
ang mga bakod ng pagsasamantala.
Dahil hindi mapakakalma
ng mga pinatamis na patalastas
Ang kumukulong pait sa’yong bibig,
sa inyong dibdib.
Bukas,
BULKAN kayong s A s a B O g.
12-24-05
si jayco ay anak ng isang mangagawa sa nestle na aking nakilala sa picket line sa laguna noong pumunta kami doon upang maki-pamuhay sa kanila ng ilang araw.
22 February, 2008
21 February, 2008
aling sakit pa ang hihigit kaya
Tinawag kang ama ng himagsikan
ng aking mga aklat sa elementarya
na may ilang punit at pilas na pahina.
ipinagpatayo ka ng rebulto, Andres,
upang di malimot ang ‘yong kadakilaan,
ang ‘yong katapangan,
ang ‘yong pag-ibig sa bayan.
Tumatak hanggang sa mamahaling kamiseta
ang ‘yong mukha,
ng binatilyong nakasalubong ko sa Katipunan.
At nito lamang— naging usap-usapan
ang marka sa’yong kaliwang braso.
kung pa’no ang tanda ng ‘yong pakikidigma
ay tinabunan ng ‘sang pusong binutas ng palaso.
Kaninong puso ang di masusugatan
kung obra sa kasaysayan ng kalayaan’y
pinapusyaw ang kulay?
Kaninong puso ang di magdurugo
kung ang ‘yong alaala’y kinakalakal?
Tinawag kang bayani
ng aking aklat sa pamantasan
Na pinapapak na ng mga anay.
nang gawin kitang huwaran—
binulyawan at tinaasan ako ng kilay ni ma’am
at binansagang walang diyos sa katawan.
Kaninong puso ang di magdurugo,
kung ang ‘yong mga anak na nagpapatuloy ng ‘yong sigaw
ay binubutas ng tingga ang bumbunan?
Kaninong dugo ang di kukulo,
kung ang pag-ibig na 'yong itinuro
ay ipinagbabawal ngayong isubo?
Aling sakit pa ang hihigit kaya sa paglimot?
Wala na nga. Wala.
29 Nobyembre 2007
una kong binasa sa Mag:net sa Katipunan para sa paggunita sa kaarawan ni andres bonifacio
20 February, 2008
bayani raw si kuya
Kahit masustanya,
hindi natiis ni kuya na sabaw lang ng sinaing
ang sususuhin ng kanyang unang supling
pagkakatapos simutin ang lata ng bona.
Sa disyerto siya napadpad
sa paghahanap ng gatas ng anak
at bahay na iilawan ng kanyang kabiyak.
Hinulma niya ang kanilang mga pangarap
sa pagawaan ng bakal.
Pinilit niyang maging sintatag
ng kanilang likhang kalakal.
Subalit kahit anong tibay,
nang maulinigan sa telepono ang kanyang dugo’t laman
sa una nitong kaarawan—
dibdib niya’y biglang nangalawang.
Doon sa disyerto,
hinuhurno kung umaga ang aking kuya
at sa gabi’y halos mapulmonya sa nanlalamig na kama.
Doon sa disyerto,
pipi ang mga panalangin ng aking kapatid
na inilako’t inilayo sa ngalan ng piso
at binigyang pa-konsuwelo:
ang aking kuya ay bagong bayaning Pilipino.
Enero 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)