20 February, 2008
bayani raw si kuya
Kahit masustanya,
hindi natiis ni kuya na sabaw lang ng sinaing
ang sususuhin ng kanyang unang supling
pagkakatapos simutin ang lata ng bona.
Sa disyerto siya napadpad
sa paghahanap ng gatas ng anak
at bahay na iilawan ng kanyang kabiyak.
Hinulma niya ang kanilang mga pangarap
sa pagawaan ng bakal.
Pinilit niyang maging sintatag
ng kanilang likhang kalakal.
Subalit kahit anong tibay,
nang maulinigan sa telepono ang kanyang dugo’t laman
sa una nitong kaarawan—
dibdib niya’y biglang nangalawang.
Doon sa disyerto,
hinuhurno kung umaga ang aking kuya
at sa gabi’y halos mapulmonya sa nanlalamig na kama.
Doon sa disyerto,
pipi ang mga panalangin ng aking kapatid
na inilako’t inilayo sa ngalan ng piso
at binigyang pa-konsuwelo:
ang aking kuya ay bagong bayaning Pilipino.
Enero 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment