21 February, 2008
aling sakit pa ang hihigit kaya
Tinawag kang ama ng himagsikan
ng aking mga aklat sa elementarya
na may ilang punit at pilas na pahina.
ipinagpatayo ka ng rebulto, Andres,
upang di malimot ang ‘yong kadakilaan,
ang ‘yong katapangan,
ang ‘yong pag-ibig sa bayan.
Tumatak hanggang sa mamahaling kamiseta
ang ‘yong mukha,
ng binatilyong nakasalubong ko sa Katipunan.
At nito lamang— naging usap-usapan
ang marka sa’yong kaliwang braso.
kung pa’no ang tanda ng ‘yong pakikidigma
ay tinabunan ng ‘sang pusong binutas ng palaso.
Kaninong puso ang di masusugatan
kung obra sa kasaysayan ng kalayaan’y
pinapusyaw ang kulay?
Kaninong puso ang di magdurugo
kung ang ‘yong alaala’y kinakalakal?
Tinawag kang bayani
ng aking aklat sa pamantasan
Na pinapapak na ng mga anay.
nang gawin kitang huwaran—
binulyawan at tinaasan ako ng kilay ni ma’am
at binansagang walang diyos sa katawan.
Kaninong puso ang di magdurugo,
kung ang ‘yong mga anak na nagpapatuloy ng ‘yong sigaw
ay binubutas ng tingga ang bumbunan?
Kaninong dugo ang di kukulo,
kung ang pag-ibig na 'yong itinuro
ay ipinagbabawal ngayong isubo?
Aling sakit pa ang hihigit kaya sa paglimot?
Wala na nga. Wala.
29 Nobyembre 2007
una kong binasa sa Mag:net sa Katipunan para sa paggunita sa kaarawan ni andres bonifacio
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment