16 June, 2008
Kay Randy Malayao*
at matapos ang ilang araw
nang di mo pag-uwi, Randy--
buhat sa'yong pinaglahuan
ay sa selda ng Isabela
ka namin natagpuan.
Ay, may duwendeng itim
ka atang nasaling
sa binagtas mong daan
kaya't iniligaw ka't binihag
at pinagmalupitan.
sa kanyang kaharian,
permanente ang oras--
laging umaga.
permanente ang lasa--
laging almusal.
permanente ang utos:
tadyakan, suntukin,
hampasin si Randy Malayao at
hubdan ng saplot
at ikulong sa kuwartong malamig,
isupot ang mukha
at paaminin ng krimeng di niya ginawa.
at pagkatapos,
ito ang atas:
hilutin si Randy
upang burahin ang bakas ng dahas.
RANDY,
hindi ka naliligaw.
dahil sa tulad mo,
sa tulad nating tumatahak
sa kalsada ng katarunga't totoong kalayaan--
may dahas na nakaamba
sa ating kailan man ay hinding-hindi
magsasabi ng "TABI-TABI po."
RANDY,
hindi tayo naliligaw.
sa ating pag-iral
permanente ang atas:
DURUGIN ang punsong
hugis apang baligtad.
14 hunyo 2008
*una kong binasa ang tulang ito sa Newsdesk, sa benefit concert kay Randy. Dinukot siya ng mga militar noong Mayo 20 habang pauwi sa Pasig.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment