Sa simpleng kalansing,
maliksing bumabangon
ang Chihuahua ni tiyo Sam
sa may gilid ng Pasig.
Malikot ang buntot nito
At labas-pasok ang dilang
Nangingintab sa laway.
Kilala ng alaga
Ang tunog ng pagkabusog—
parang aso ni Pavlov.
Kabisado na ng Chihuahua
Ang hudyat ng pagkabundat—
wala siyang pakialam
kung sa paligid niya’y maraming
ang gutom ay itinutulog.
Ay, pambihirang aso—
bansot na kay tuso.
Buto ng tao,
hindi Pedigree ang paborito.
Howitzer, hindi frisbee ang kanyang laruan.
Chacha, hindi “My Chihuahua” ang gusto nitong sayaw.
Ay, pambihirang alaga—
maliit na kay lupit.
O pambiharang aso
pakatandaan mo ito:
“BAWAL TUMAWID, NAKAMAMATAY!”
Baka mapagkamalan kang sahog sa adobo
lalo pa’t uso ang pag-uulam ng toyo
ngayong nadarama ang pag-asenso.
25 Agosto 2008
Una ko itong binasa sa launching ng latest chapbook ng Kilometer64, Mag:net, Katipunan, 25 Agosto.
26 August, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment