Mula almusal hanggang hapunan, inuulam natin ang salitang “scandal.”
Nitong nagdaang mga araw, nilantakan ng lahat ang video ni Hayden Kho Jr. at Katrina Halili. Kasabay ng mga kapistahan sa buong bansa, pinagpyestahan ng publiko ang bagay na dapat ay pribado at iniiwan sa paglabas sa kuwarto.
At sa nangyari, nagsalimbayan ang mga pananaw. Nagkaroon ng kanya-kanyang kampo ang mga opinyon. At natabunan ang iba pang mahahalagang usapin.
Sa tuwing may ganitong eksena, ang laging kontrabida bukod sa nagpalaganap ng video ay ang dalawang tao na nasa scandal. At madalas sa madalas, ang babae ang pinupukol ng puna. Hindi ako magpapaka-moral, dahil unang-una, isang malaking diskurso ang moralidad.
Sa Quiapo, ang lugar na updated sa mga palabas, isang mama ang walang kaabug-abog na nag-alok sa akin na: “Boss, Katrina?” na sinagot ko ng iling.
Hindi ko pa nakikita ang video, at hindi na mahalaga pa na mapabilang ako sa mga nag-usisa (o baka may mga nagnasa pa nga sa nakita). Hindi ako nagmamalinis, pero hinding-hindi ko sasabihing “ayan buti nga, ang lilibog kasi,” na sinabi ng isang manang sa jeep. At hindi ako daragdag sa mga miron na ang tanging pinagmulan ng opinyon ay ang posisyong napanood.
Sa tuwing may ganitong kaganapan, tila ba gutum na gutom ang karamihan na makatikim sa pinag-uusapan. Kahit sa facebook, may mga naglalagay sa kung ano ang iniisip nila, atat na atat makakuha ng kopya ng naturang video. Para bang kahihiyan ang hindi ka makasawsaw sa ganitong usapin na pinupulutan ngayon kahit sa loob ng Sarao.
Sa nangyari, lalong lumutang ang kalagayan ng kababaihan sa bansa (na hindi nakita ng karamihang nakasilip sa scandal). Ang mas nakalulungkot at nakapagngingitngit dito, nananatiling nakatali ang mga babae bilang imahen na pinagnanasaan gayong isang babae ang presidente ng Pilipinas. Patriyarkal pa rin ang lipunan gayong isang ina ang pinakamataas na opisyal sa kapuluan.
Sina Nicole, Katrina, Maricar at samu’t sari pang mga pangalan ng mga anak ni Eba ay patuloy na pinagsasamantalahan. Hindi ko kailangang maging babae upang respetuhin sila. At hindi ito mahirap gawin, dahil lahat tayo ay may kapamilyang babae. Lahat tayo ay iniluwal ng isang babae.
Babae, lalaki, bakla, tomboy: iba-iba man ang ating kasarian, pare-pareho tayong tao. Pare-pareho tayong may mga karapatan.
Sana ganito rin ka-interesado ang lahat kung ang pag-uusapan ay ang kalagayan ng bansa; ang pangangailangang patalsikin ang mga pinunong walang ibang ginagawa kundi ang punuin ang sikmura’t pitaka. Sana ganito rin kaaktibo ang bayan sa pangangailangang palitan hindi lang mga nanunungkulan, kundi mismong sistemang umiiral.
Pauulit-ulit lang.
Pabalik-balik na mga scandal na kakambal ng sistemang matagal na nating kinaumayan. At sa umay sa mga eskandalong kinasasadlakan ng ating bayan, hindi atsara ang kailangan— makabuluhang pagbabago.
Kakambal din ng umay ang paghahanap. Kaya ang taong nauumay ay tumutungo sa lansangan at sa mga lugar na makahahanap ng tunay na lasa ng pagbabago.
26 May, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
"Pabalik-balik na mga scandal na kakambal ng sistemang matagal na nating kinaumayan. At sa umay sa mga eskandalong kinasasadlakan ng ating bayan, hindi atsara ang kailangan— makabuluhang pagbabago."
Ayus tong linyang to! Tama naman na ang sagot sa lahat ng problema sa sistema natin ay pagbabago ang problema satin hindi natin minsan kayang maging consistent sa ating mga adbokasya. Magaling lang tayo sa simula. Tulad ng mga scandals hindi lang mga sex scandals kundi pati mga expose sa senado, nananatiling pending ang mga ito kasi madali tayung makalimot, hindi natin tinatapos sagutin lahat ng katanungan..
Nice post! :)
Post a Comment