Ngayong ika-sampu ng Hunyo, magaganap ang kasal ng taumbayan sa lakas ng Aklas. Hindi rosas ang mamumukadkad,kundi mga kamaong mariing nakakuyom at pulang bandila.
Ito ang pagtitipong hindi na kailangan ng imbitasyon, dahil noon pa man ay matagal na tayong iniimbita ng kalunus-lunos na kalagayan ng ating bansa upang sama-samang makipag-isang dibdib sa ligalig.
Ito ang sakramento upang ganap tayong maging tao: makisangkot para sa makabuluhang panlipunang pagbabago.
Bakit ayaw ko sa Constituent Assembly o sa kahit anong hakbang para itulak ang Cha-Cha? Dahil mahal ko ang Pilipinas.
Buburahin ang ilang mga mahahalagang probisyon sa ating konstitusyon na pumoprotekta sa karapatang pantao. At pag nangyari ito, hindi malayong maging sementeryo ang buong bansa dahil sa pagsahol ng pamamaslang.
Dadagdagan ng salitang "responsable" ang probisyon ukol sa karapatan sa malayang pamamahayag. Sinong magpapakahulugan sa salitang ito? Ang gobyerno, ang utak-pulburang gobyerno.
Ang ating mga anak at kapatid na babae ay di-imposibleng maging si Nicole, dahil pahihintulutan nito ang pagdagsa ng mga sundalong kano at gagawing ligal ang pagtatayo ng mga base militar ng tusong Tiyo na si Sam. Hindi rin ligtas sa gahasa ang ating likas na yaman.
Tayo'y magiging dayo sa ating bansa, dahil may karapatan nang ganap na ariin ng mga dayuhan ang mga batayang industriya at serbisyo.
Ang edukasyon ay hindi na prayoridad ng gobyerno. At sa mga pamantasan o mga paaralan, hindi na ituturo ang nasyunalismo.
At ang mga ito ang saliw ng Cha-Cha ni Gloria.
Hindi ako sasayaw. At kailanman ay hindi ko tatambalan si Gloria sa paghataw, dahil ang Cha-Chang ito ay di lang pag-indayog sa bubog, kundi pag-indak patungong hukay.
Kaya ngayong ika-sampu ng Hunyo, magpapakasal ako sa LAKAS ng AKLAS!
10 June, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Sana'y magtagumpay ang pag-aaklas na ito laban sa CHA-CHA na intensyon lamang palawigin ang termino ni GMA. Sana'y may oras ako para dito ngunit nang dahil sa gobyernong ito maging ako ay biktima at infected ng sakit na dulot ng korupsyon, isang sakit na mas nakakamatay kaysa sa swine flu.
Ngunit sa aking munting paraan akoy tutulong sa pagaklas sa CHACHA. Hindi ko hahayaang makisayaw ang madami sa tugtuging tulad ng iyong sinabi ay pagindayog sa hukay!
Post a Comment