Maagang umalis ang kasamahan ko sa bahay upang maabutan ang libreng sakay sa LRT kanina. Libre sakay dahil araw raw ng Kalayaan.
Ito ang handog ng pamahalaan para sa pagdiriwang. Ito lang? Oo, ito lang ang kayang ibigay ni Gng. Arroyo dahil ganito rin ang kahulugan ng salitang "Kalayaan" para sa kanya: maliit na bagay.
Pula ang petsa ngayon sa kalendaryo. Ito ang kulay na mabilis mapudpod sa aking mga krayola noon. Pula ang ikinukulay ko sa bulaklak. Pula ang inihihibo ko sa puso. Pula para sa isang bahagi ng watawat- hanggang sa maging paborito ko itong kulay kahit takot ako sa dugo.
Sabi ng propesor ko, ang pula ay radikal. Sabi ni daddy ang pula ay kaliwa. Pero para sa kaklase ko, ang pula ay todas. Todas siya sa mga magulang niya pag pula ang marka sa test paper. Napakaraming kahulugan ng pula.
Pero ang pinakapaborito kong kahulugan: pula ang kulay ng pag-ibig. Ang kulay na nagpapaalala sa akin ng tula ni Romulo Zandoval: "Napopoot tayo pagkat nagmamahal."
Ang mismong paraan ng paggunita ng ating gobyerno sa araw na ito ay nagpapakita lamang ng kapayakan ng salitang Kalayaan para sa kanila na sinasalungguhitan ng kanyang mga patakaran.
Ito ang araw ng Kalayaan. Kalayaang magnakaw, mandaya, pumatay, mandukot at mandahas. Ito ang kalayaang ipinagbubunyi ni Gng. Arroyo.
Pula ang petsa sa kalendaryo dahil napopoot tayo sa huwad na Kalayaan at umiibig tayo sa totoong kahulugan ng salitang ito.
"Pag pumula ang silangan, malapit na ang kalayaan." linya ng paborito kong kanta na natutunan ko noong hindi ako nakuntento sa kahulugan ng kalayaang itinuro ng aking propesor at idinikta ng diksyunaryo.
12 June, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment