27 July, 2009

Oo, sumama ako sa rally kanina

Oo. Ako 'yung nadaanan ng camera kanina habang hawak ang papel na may nakasulat na "Liar!" sa bulto ng mga nagrarally laban sa SONA.

Hindi na ako nagreply kasi alam ko namang alam mo na hindi ako aabsent sa SONA sa kalsada.

Oo. Hindi ako nagsasawa at natatakot magkasakit dahil sa ulan.
Oo, ito pa rin ang mundo ko.
Oo, sa lahat ng itinanong mo na matagal ko nang sinagot ng OO.

Ayaw mo pa rin sa mga rally. Pero kung makalitanya ka noon, ehh daig mo pa ang mga mass leaders sa kalsada. Kesyo mahal ang gasolina. Kesyo mahal ag kuryente. Kesyo kurakot ang gobyerno. Kesyo mandaraya ang mga nasa puwesto. Kesyo ang laki ng tax mo.

Sa dinami-dami ng 'yong nirereklamo, ni simpleng pagpirma sa petition namin sa oil price hike ay hindi mo magawa. Kesyo wala namang magagawa ang mga papirma-pirma. Magaling ka lang sa kakekesyo.

Oo, tumutula pa rin ako. tungkol kanino? Nagfifish ka ba?
Siyempre hindi tungkol sa'yo.
Pero para sa mga katulad mong kesyo lang ang alam sabihin sa pahanon ng krisis.

Kesyo, kesyo. Puro na lang kesyo, sana maisaing mo yang kesyo mo pag nagutom ka!

17 July, 2009

Ang mga Bayani sa Kalaw

Sana magcomment ka upang matulungan mo ako sa pagrerevise nito. hehehe


1 Nang sabihin ko sa iyong
2 dalampasigan ng kabayanihan ang Kalaw,
3 habang kapwa nakatindig sa harap
4 ng rebultong may labit na libro
5 at nakatanaw sa Manila de Bay—
6 tila along humampas sa akin ang iyong halakhak.

7 Sumumpa ako sa iyong hahanapin ko rin
8 ang laya sa aking paglalayag.

9 Lalaya ang ating dila sa sarsa ng sardinas,
10 tinapa, tokwa at toyong iginisa.
11 Lalaya tayo sa pagluhod sa Lotto.
12 Kasama ng ilang pantalon at kamiseta, litrato
13 habang sinasalat ko ang tiyan mong umalsa—
14 iiimpake ko sa hulugang maleta ang lahat ng layang ito.

15 Nang ituro ko sa iyo ang muhon
16 na susukat ng ating agwat sa makalawa:

17 mula dangkal,
18 patungong metro.
19 Metru-metro.
20 Kilometro.
21 Kilukilometro,
22 hanggang sa tawaging milya.

23 Milya-milyang tatawirin ng sobre at kable
24 upang sabihin ang di-masabi-sabi,

24 na ating pagkakasiyahin sa simpleng kumusta ka?
25 At sasagutin nang kinasanayang ayos lang—
26 gayong batid natin, ang ating mga pangungusap ay tulad ng dagat.
27 Ganito ang kasaysayan ng ating kasanayan sa kawalang katiyakan,
28 sa kawalang kaayusan:
29 Ayos lang ako.

30 Tulad ng mga bantay sa bantayog, nangusap kang walang tinig.
31 Nagmistula akong bato na nilililok ng iyong titig.

32 Nang halughugin ko ang lungsod— dito,
33 dito sa Kalaw niya ako itinuro
34 at ipinakilala kay Magsaysay.
35 Aking natuklasan: sinlawak ng Kalaw ang daigdig
36 na labis na umiibig sa tulad kong kawal
37 ng kawalan.

38 Sa panahon ng digma sa pagkatulala, ang pangkaraniwang ako
39 ay nagiging pambihira— dakila.

40 Kumusta na kayo?
41 Turuan mong tumawag ng tatay.
42 Padalhan mo ako ng bagong litrato.
43 Laging overtime kaya malimit akong makatawag.
44 Huwag niyo akong isipin.
45 Ayos lang ako.


46 Ito ang malamig na dambana
47 ng nilulumot kong kagitingan.



29 Hunyo 2009

06 July, 2009

Muli kong sinubukang magkuwento tungkol sa'yo, sana matapos ko

Ganito palagi. Ewan ko ba kung anong meron ang ulan.

Muli ka na namang tumawid sa aking gunita habang marahas na tinutusok ng ulan ang mga kalawanging bubong. Samantalang ang alimuom ay pilit naghahanap ng daan upang marating ang aking ilong.

Hindi kakayanin ng aking payong ang patak. Hindi ko kakayanin ang alimuom-- pag ganitong umuulan-- ako na ata ang pinakamahinang nilalang. Habang naghihintay sa pagtila, isinalang ko ang takore, inihanda ang tasa-- at inamuy-amoy ang aroma mula sa bibig nito.

Paano ba tatakasan ang ganitong sandali? Ang ganitong pangyayari na ang tanging naiba ay mag-isa akong nagkakape habang sinsabayan ang "Banana Pancakes" na paulit-ulit nating pinatutugtog dahil sa panahon? Mag-isang umuupos sa Winston lights (na lagi mong ipinagtataka kung bakit lasang papel)? Mag-isang naghihintay ng pagtigil ng ulan at mag-isang maglalakad patungo sa kung saan?

Lagi mong dinadrama mo noon (dahil sa epekto sayo ng Wind Stuck), na 'pag nawala ka ay gusto mong maging ulan. Ginaya mo yung isang karakter na gustong maging hangin. Ako, kahit hindi ko gustuhin o piliting gayahin yung isang tauhan-- kusa akong naging siya. Minsan ko nang sinubukang sahurin ang ulan dahil sa pag-asang baka kahit hindi ako naniniwala ay pagbigyan ako ng himala-- na pag tumingin ako sa palanggana ay makikita kita. O higit pa, maka-usap at maisarado ng maayos ang mga bagay-bagay.

Tama si Elsa, "walang himala!" Pero hindi na rin ako naniniwalang ang himala ay nasa puso ng tao, eh pano yung mga walang puso, gaya ng sabi mo, yung mga tulad nina GMA, Palparan etal?

Hay, ako ang pinakamadramang tao 'pag umuulan. Ganito talaga siguro pag nasosobrahan sa kaiisip. Kulang lang siguro ako sa tulog. Pero ayaw ko rin masyadong magtutulog, kasi sa'yo rin naman iikot ang aking panaginip.

Umuulan din noon, pumunta ako Mendiola upang ipagtanong ka. Namalo ang mga pulis at umatake ang bumbero, tapos nakita k