Sana magcomment ka upang matulungan mo ako sa pagrerevise nito. hehehe
1 Nang sabihin ko sa iyong
2 dalampasigan ng kabayanihan ang Kalaw,
3 habang kapwa nakatindig sa harap
4 ng rebultong may labit na libro
5 at nakatanaw sa Manila de Bay—
6 tila along humampas sa akin ang iyong halakhak.
7 Sumumpa ako sa iyong hahanapin ko rin
8 ang laya sa aking paglalayag.
9 Lalaya ang ating dila sa sarsa ng sardinas,
10 tinapa, tokwa at toyong iginisa.
11 Lalaya tayo sa pagluhod sa Lotto.
12 Kasama ng ilang pantalon at kamiseta, litrato
13 habang sinasalat ko ang tiyan mong umalsa—
14 iiimpake ko sa hulugang maleta ang lahat ng layang ito.
15 Nang ituro ko sa iyo ang muhon
16 na susukat ng ating agwat sa makalawa:
17 mula dangkal,
18 patungong metro.
19 Metru-metro.
20 Kilometro.
21 Kilukilometro,
22 hanggang sa tawaging milya.
23 Milya-milyang tatawirin ng sobre at kable
24 upang sabihin ang di-masabi-sabi,
24 na ating pagkakasiyahin sa simpleng kumusta ka?
25 At sasagutin nang kinasanayang ayos lang—
26 gayong batid natin, ang ating mga pangungusap ay tulad ng dagat.
27 Ganito ang kasaysayan ng ating kasanayan sa kawalang katiyakan,
28 sa kawalang kaayusan:
29 Ayos lang ako.
30 Tulad ng mga bantay sa bantayog, nangusap kang walang tinig.
31 Nagmistula akong bato na nilililok ng iyong titig.
32 Nang halughugin ko ang lungsod— dito,
33 dito sa Kalaw niya ako itinuro
34 at ipinakilala kay Magsaysay.
35 Aking natuklasan: sinlawak ng Kalaw ang daigdig
36 na labis na umiibig sa tulad kong kawal
37 ng kawalan.
38 Sa panahon ng digma sa pagkatulala, ang pangkaraniwang ako
39 ay nagiging pambihira— dakila.
40 Kumusta na kayo?
41 Turuan mong tumawag ng tatay.
42 Padalhan mo ako ng bagong litrato.
43 Laging overtime kaya malimit akong makatawag.
44 Huwag niyo akong isipin.
45 Ayos lang ako.
46 Ito ang malamig na dambana
47 ng nilulumot kong kagitingan.
29 Hunyo 2009
17 July, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment