Akala ko cellphone ng katabi ko sa LRT2 kanina ang tumutugtog. Pamilyar sa akin ang melodiya, ‘yun yung laging kinakanta ni mommy pag nagvivideoke kami sa bahay noon. Maya-maya pa’y may boses na.
“Oh tie a yellow ribbon around the old oak tree...”
Dilaw ang kulay ng mga nagdaang araw. Ultimo diyaryo, ay naging anemic.
Buhay na buhay ang diwang makabayan nitong mga nagdaaang araw. Marami ang lumuluha, lumuluwas mula sa malalayong probinsiya at lumalahok sa pagpupugay. Sa Quiapo, panandaliang kinabog ng mga kanta noong EDSA 1 ang Wondergirls.
Pati poste, tulay, at mga gusali ay nagluluksa sa pagpanaw ng tinatawag ng marami na Ina. Tila mga anak na naulila sa Nanay ang publiko.
Gayong babae at isa ring ina ang kasalukuyang pangulo ng bansa, bakit ganoon na lang
ang pakiramdam ng karamihan? Kung si Cory pala ang ina, na iniiyakan ngayon ng mga anak, ano pala ngayon si Gng. Arroyo?
Totoo, may mahalagang naging kontribusyon si Tita Cory upang wakasan ang diktaduryang Marcos. At hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay ay naging kasama siya sa malawak na hanay ng mamamayang lumalaban sa anti-mamamayang pamunuan ni Arroyo.
Subalit may panganib ang bawat paggunita: Baka matali na lang tayo sa diwa ng pag-aalala at pagpupugay sa mga "nagdaan." At hindi na makita ang hamon ng "ngayon" dahil lango sa tagumpay ng "kahapon," na ipinapangalan lamang sa iisang mukha, sa iisang indibidwal. Kung kaya't unti-unti ring nalalagay sa hukay ang ngalan ng ating kasaysayan: Kolektibong Paglaban.
05 August, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment