Sa kabila ng sunud-sunod na sakuna, isang buwang tahimik ang aking blog.
Naiinis ako nang hindi ako nakapagsulat tungkol kay Ondoy, Pepeng, Ramil at ngayon nga ay dumaan na si Santi at kasalukuyang may binabantayan na naman ang Pagasa.
Kung tutuusin ay napakarami kong maaring isulat noong nakaraang buwan. Subalit gaya ng nasabi ko, "kung tutuusin."
Pero mahirap talagang katuos ang mga salita. Hindi ko sasabihing writer's block ang aking drama, dahil hindi ako naniniwala roon. Ang tawag ko roon ay "palusot." Hindi ko rin sasabihing wala ako sa mood-- ang tawag ko ron ay "pagdadahilan."
Eh ano na kung ganon ang tawag sa ganitong ugali ko sa pagsusulat? Katamaran.
Katamaran sa gitna ng panahong dapat mas rumaragasa ang aking salita, nang sa isang panayam ay sinabi ng isang taga-Palasyo na mayron daw 30 rubber boats sa NCR. Sapat naman ang bilang (o labis-labis pa) ng rubber boats kung sinlaki ito ng Titanic.
Katamaran sa gitna ng unos na dapat humahagupit din ang talata ng pagbatikos sa kung paanong ang dalawang higanteng estasyon ay ibinibida ang bawat galaw nila sa pagtulong. Sa dos, mula sa pagtatakal ng bigas hanggang sa pag-aabot ng kanilang mga artista sa mga biktima ng bagyo. Ito ba ang kahulugan ng Ako Mismo? Ako ang tagapagbalita, ako mismo ang balita!
Bilang muling pagharap sa hamon ng patlang, pagdamutan mo ang kapirasong sulating ito na lipos ng paumanhin.
03 November, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment