Gaya ng nakaugalian tuwing Nobyembre, nakipagsiksikan kami ng aking kapatid sa bus terminal upang makauwi sa probinsiya.
Di tulad ng aming mga kasakay, wala kaming bitbit na bulaklak, o lata ng biskit, makukulay na kandila ('yung classic na pula na may dragon pang malulusaw). Maliban sa aming mga sarili at backpack ng ilang pirasong kamiseta,toiletries, undies, babasahin, sitsirya at bottled water-- uuwi kami ng Quezon para dalawin ang lolo't lola namin pati ang mga magulang nila na wala sino man sa aming magpipinsan ang umabot sa kanila.
Ipinagtitirik din namin ng kandila si tita teacher. Siya na ang may-ari ng nitso na kung saan nakalibing ang kanyang tatay, na siyempre lolo ko. Ang mga buto ni lolo ay nasa sementong kahon na nasa ibabaw ng nitso ni tita teacher. Isang krus na puting-puti rin ang nasa ibabaw naman ni lolo.
Hindi ako nakadalaw noong nakaraang taon kaya mas madali kong napansin ang kulang at nadagdag. Siyempre gaya ng nakaugalian, bagong pintura ang nitso/krus/bakal na bakod. Nadagdagan na naman ng sapin ng pintura ang himlayan ni tita teacher at lolo. Nabawasan naman ang bakal na pumoprotekta sa kanila. Nawala ang pinto ng gate. Kuwento ng mga pinsan ko, ninakaw raw. Marahang ninakaw. Paano nangyari yon?
Noong una, kalahati lang ang nawala. Medyo nahiya pa ata kina tita't lolo ang taong nagdala sa junkshop ng gate. Kinalaunan, naging pantay na sila. Naisip siguro noong umarbor ng gate na hindi magandang tingnan na walang kapares ang bakal na bakod. Parang patalastas lang ng mentos.
Akala ko, bagyo rin ang salarin kumbakit bago ko marating ang kinaroroonan nina tita't lolo ay maraming puntod na binakuran ang walang yero. Maraming socket ang wala nang bumbilyang nakakabit. Pati pa la ang mga ito, inaarbor na rin.
Ibang klase talaga pag nagmura ang sikmura: walang patay-patay para lang mabuhay. Sa tuwing tatablan siguro ng hiya o konsensiya ang mga gumagawa nito, iniisip na lamang nila na, "Gate lang naman to. Bumbilya lang naman to, may kilala nga ako milyun-milyon ang inarbor sa pera ng bansa pero hindi nahiya, naghapunan pa sa ibang bansa. Madali lang namang mag-sorry at magmukhang sobrang nagsisisi."
Sana mali ako. Sana lang talaga.
Kasi kung hindi, patay kang bata ka. Ang maling ginagawa ng mga pinuno ay nagiging tama sa mata ng bitukang nagwawala.
04 November, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment