Parang bomba ang ating panahon.
Sa loob ng 24 oras, pinatutunayan ng ating telebisyon/radyo/diaryo na kayraming pangyayari ang sumasabog sa mga sulok ng ating kapuluan. Ilang araw na ang nakalilipas matapos maging patok na salita ang backhoe, matapos manuot sa ating utak ang mga salitang "culture of impunity"-- sa pagpihit pa ng mga kamay ng orasan-- KABOOM! Martial Law na sa Maguindanao.
Tiktak tiktak tiktak.
Madalas ko nang makita si Makata. Noong nakaraang linggo, halos araw-araw ko siyang kasama. Siya, hawak ang placard na may nakasulat na JUSTICE TO ALL VICTIMS OF THE AMPATUAN MASSACRE, na sa pagkakita sa akin ay kinawayan ako at inabutan din ng placard: makapal na pulang END at itim na IMPUNITY!
Noong unang beses na niyaya niya ako sa "mob," na rally para sa karamihan, noong una niya akong inabutan ng placard ay sinabi kong next time na lang. Pagtaas ng presyo ng gasolina ang ikinagagalit niya noon at ng mga kasamahan niya. Ang imbitasyong iyon ay nasundan pa ng napakaraming pagyayaya. Aaminin ko, noong una sumasama ako para makita siya. Nakikimartsa dahil sa paraang ito nakakausap ko siya nang mahaba-haba.
Akala ko tula lang ang laman ng bungo niya, 'yung tipong kung isa siya sa mga nakasakay sa convoy ng Mangudadatu-- sasabog sa lupa ng Ampatuan,Maguindanao ang talinghaga sa pagkabutas/biyak ng kanyang ulo. Pasintabi sa aking kamorbidan. Ang dami niyang alam. Para siyang political journal. Ang daming "ismong" binabanggit eh ang pinag-uusapan lang naman namin ay tunay na pagbabago at katarungan.
Nitong nagdaang linggo, halos maperfect ko ang attendance ng martsa. Nakita ko ang sarili kong sumisigaw at wala nang alinlangan sa pagtangan sa karatula, habang tumatagaktak ang pawis sa pisngi at buong katawan. At ang pasabog, ginawa ko ang lahat ng ito nang hindi katabi si Makata. May ilang mob na rin na sinamahan ko na wala naman siya.
Tiktak Tiktak.
Pumihit na rin ang aking pakikisangkot. Naiinis ako dati sa rally dahil sa trafic. Naiinis ako dati sa mob dahil sa ingay. Pero heto ako ngayon, kasabay humakbang ang dating kinaiinisan ko. Ang dali ko noong sabihing binabayaran lang naman sila para sumigaw at magmukhang galit. Subalit heto ako, walang pagsidlan ang pagpapaumanhin nang malaman kong prinsipyo ang kanilang panawid-gutom/uhaw.
Tiktak.
Ang ating panahon ay panahon ng lagi't laging paglaban. Naks naman.
Linya ko na yan, hindi kay Makata.
Heto naman ang kanyang sinabi: Wala namang ibang pagpipiliang inihahapag ang sitwasyon kundi sigwa. BOOM!
11 December, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment