Hindi ako galit sa mundo. Pero sa totoo lang, ano nga bang masaya sa Pasko?
Habang excited ang karamihan sa atin na nagbabalot at nagpupunit ng regalo, nang magawi ang makakati kong mga talampakan sa mines view sa baguio noong isang araw: bagama't buhay pa ako ngayon kaya nga nababasa mo ito-- pakiwari ko'y may kung anong lumundag sa akin sa bangin doon.
may kung anong tumalon sa aking katawan sa bangin nang makita ko ang isang lolang igorot na naghihintay ng mga dayo na magpapakodak sa kaniya.
may kung anong nagpatihulog sa akin nang makita ko ang isang puting kabayo na kinulayan ng pink ang buhok at inilalako ng kanyang amo sa mga turista para magkaroon ng larawan sa alaga.
may kung ano sa aking katawan ang nahumaling sa grabedad kaya't nagparaya sa pagdungaw sa bangin nang makita ko ang belen doon. Dalawang inukit na kahoy na winangis sa mga kapatid nating katutubo. At muling may lumundag sa aking katawan nang makita ko na may bra pa ang babaeng kahoy gamit ang kilalang tela na hinahabi ng mga taga-roon.
pare-pareho lang naman ang larga ng ganitong panahon-- "masaya" raw. At kung ganitong malamig ang simoy ng hangin,sabi nga ng kanta ni ate na nagvivideoke roon: "give love on christmas day."
ay, pasko lang pala dapat magmahal.Kaya naman pala sinagot ito ng ating kanta: sana araw-araw ay magiging pasko lagi.
eh paano pala kung walang pasko?
Mapapanot ang hallmark sa kakamot ng ulo, (pero hindi rin, gagawa pa yan ng maraming okasyon. Ang hallmark pa! Siguro magkakaroon ng pet's day, neighbor's day, pulis oyster's day, yaya's day, call center agent's day, at kung anu-ano pang day. Susko day!)Siyempre,kasama sa mapapanot ang mga amoy pera ang hininga.
sa mines view-- pinagpapantay ng kahirapan ang tao at kabayo: kapwa may presyo. 'yung mga bata, parang si spiderman lang kung gapangin ang mga baryang inihahagis ng mga dayo.
ngayon, paano nga ba kita dapat batiin sa araw ng pasko?
25 December, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment