Bilog ang mata ng langit, malinaw ang rainbow sa paligid ng buwan. Ang ulap, parang bitak-bitak na lupa. Parang mga papel/sulat na nilamukos at inihagis na para bang napaso. blue moon daw ngayon.
Swerte raw ang bilog pag new year. bilog na mga prutas. bilog na disenyo sa damit. basta bilog, sabi ni mommy at ni lola, pera raw ang ibig sabihin non. dati rin, pag patak ng 12:00, pintatalon kami. di lang simpleng talon ginagawa namin, umaakyat pa kami sa upuan tapos doon parang Maskman/Shai-der na tatalon sa sahig para araw tumangkad. At pagkakatapos ng ganitong gabi, bilog din ang aming tiyan.
Matagal na ganito ang kalakaran ng pagsalubong namin sa siklab at sabog ng pagpapalit ng taon. Pero ito ang pasabog: hindi naman tumangkad ang aming kapatid, siya pa naman ang karir na karir sa pagtalon. At iyon, puro barya lang ang madalas matira sa bulsa di daddy pagkakatapos ng ganitong pagdiriwang. at siyempre pa, ang tiyan niyang parang laging kabuwanan.
***
Nagpaparenta ng Fantasia komiks noon ang aming kapit-bahay. Kaya naman matagal din akong naniwala kina mommy at lola. Tuwing kabilugan noon, niyayaya ko ang aking mga kalaro para mag-abang sa paraluman sa sagingan. Sabi kasi sa komiks, agimat ang iluluwa ng puso ng saging. Natigil ang lahat ng kabaliwang ito nang magluto si lola ng puso ng saging kinabukasan, wala namang kakaiba. wala namang parang bato o kahit anong alam kong hindi bahagi ng saging na magbibigay ng kapangyarihan.
andami-raming ritwal sa pagpapalit ng kalendaryo. samu't sari ang gimik ni mommy para swertehin. Pero ang totoo, ni hindi pa man lang kami nakatama sa lotto o ilang ulit pa lang siyang nakabalik taya nang matsambahan ang ilang numero. anim kami sa pamilya, saktong bilang ng numerong tinatayaan sa lotto, na siyang laging tinatayaan ni mommy. Hanggang hindi ko namalayan na hindi na ginagawa ni mommy ang paglalagay ng mga barya sa sulok ng bahay, bintana, baitang ng hagdanan, ibabaw ng bigasan.
gawa na rin siguro yun ng matagal na pagkawala ni mommy dahil sa pagho-Hong Kong. bagamat hindi na nagagawa ang ritwal na pampaswerte, marahil, kaya nagDH si mommy dahil bahagi rin ito ng kanyang pagka-uhaw sa swerte.
kayraming nahuhumaling sa swerte. kayraming naglalaway sa alwan-- at karamihan sa kanila, ayun, nasa iraq, qatar, saudi, singapore o kung saan man may pagkukunan ng isasaksak sa sikmura-- bagay na mayroon naman talaga sa pinas pero sa ilalim ng ating sistema ay sa mundo ng dapat umiiral.
at ang puno't dulo ng lahat ng ito?
ang dakilang fantasia: matatag na republika.
isang republika ng maletang puno ng fantasia.
01 January, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment