Kasunod ng pagkatupok ng mga bulok na upuan, pasilidad sa PUP-Sta. Mesa-- nagliyab ang dila ng mga nagke-claim (batay sa kanilang mga binitawang pahayag)na mga edukado. Sila 'yung kabaligtaran ng kanilang pinararatangang "barbaro" o "bayolente."
Sa totoo lang, kung hindi pa sa antas ng protesta na ipinamalas ng mga mag-aaral-- hindi naman mapag-uusapan ang mga problema sa edukasyon. Kung hindi naman nadistrongka ang gate ng CHED ay hindi bababa si CHED Chairman Angeles. Hindi siya magpapahayag na hindi magtataas ng matrikula (mula sa P15-P200) ang PUP.
Pabilisin natin ang eksena: nagtuluy-tuloy ang protesta, binato ng paintball si Chancellor Velasco ng UPLB, hindi natuloy ang Board of Regents meeting ng UP. Hinuli ang limang student leaders ng PUP na papunta sana sa CHED dala ang mga sira-sirang upuan/pasilidad upang ipakita sa CHED ang kanilang kalunus-lunos na kalagayan. Binomba ng fire extinguisher ang mga estudyante sa CHED.Binawi ni PUP president Guevarra ang kaso. Lumaya ang mga estudyanteng ilang araw rin sa piling ng mga pulis sa Metro Police District. Inangkin ni Mar Roxas ang tagumpay ng pagbasura sa pagtataas ng matrikula sa PUP.
Dalawang linggo na halos laman ng balita ang mga nabanggit. At ang sumunod na tagpo: kanya-kanyang eksena sa pagpapabida/pagpapatalinuhan sa pagsusuri sa nangyari. Dumagsa ang mga nagpoposturang intelektwal/edukado.
Noli de Castro, Arnold Clavio, Bianca Lapus, Alex Magno at marami pa. Marami pa silang nagpanggap na may alam. Marami silang agad bumato ng mga paratang: bayolente, barbariko at kung ano pang mga salitang nasa dila ng mga liberal.
Kung nais nyong malaman kumbakit nagliyab ang damdamin ng estudyante-- halika,sasamahan ko kayong mag-enrol sa UP, PUP at EARIST.
Kay Bianca, hindi ba't taga-PUP ka? Nakita mo ba ang bentilador na iginuhit ng estudyate sa kisame ng isang silid sa main building? Teka, ilan nga ba kayo noon sa classroom? At maalala ko, nakapanghiram ka na ba ng libro sa lib nyo (ang pinakamalaking library sa Southeast Asia pag dating sa sukat)? Hindi mo nabanggit ni minsan ang mga ito sa Bottomline.
30 March, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment