03 June, 2010

ulan

Ginising ako ng malakas na buhos ng ulan.

Agad kong sinarhan ang mga bintana, na para bang kumakatok na ayaw pagbuksan. Na para bang isang bisita na ayaw masilayan. Na para bang friend request sa facebook na ayaw pahintulutan. Na para bang kahapon na wala nang espasyo sa ngayon.

At napakarami pang para, susme-- ganito ata talaga pag bigla kang naantala sa pamamakyaw ng muta.

Habang sinasalansan ko't iginugrupo ayon sa kulay ang aking mga damit,parang pelikula ang sasabihin ng isa kong kaibigan-- may sulat na ilang ulit tinupi ang nalaglag. Pero hindi ko na binasa. Saulado ko na ang tulang naroroon.

Parang ganito rin ang tagpo noon, umuulan habang nagkakape kami ni makata at sinasabayan ang The Beatles.

All you need is love
All you need is love, love, love
Love is all you need.

Parang pelikula, sabi ko.

Subalit walang cuts o script ang buhay. Hindi tayo itinatakda sa isang tagpo-- nagaganap ang lahat dahil sa kondisyon, konkretong kondisyon ng ating iniinugan. Hindi telon ang ating mundo; laman tayo hindi makulay na anino.

Hindi na lang sana ako nagsalita, pa-artist pa kasi ako, yan tuloy dinugo na naman ako.

Bago kami maghiwalay non, isang sulat ang pinabaon nya sa akin. Ito yung hahalughugin ko sa tuwing nalalango sa pag-ibig upang makabalik ako sa huwisyo-- Subalit hindi pelikula ang Pagsinta-- ang pamagat ng tula ni makata.

Matagal-tagal na kaming hindi nagkikita at kung magkita man ay parang hindi pa rin talaga ganon na masaabi mong nagkita. Ganon pa man, siya ung tipong gusto ko pa rin makita (sa akin yun, ewan ko sa inyo).

Ano kayang ginagawa niya habang pinipindot ko ang mga letra na bumubuo sa pahinang ito? Akala ko isang pangungumusta ang kanyang sulat sa fb nong minsan, ayun,naholdap daw siya noong isang linggo.

Hindi ko man lang kinakitaan ng galit ang kanyang sulat. Kunsabagay, si makata yun. Tiyak, sa gubyerno na naman yun naha-high blood. Mamamapak na naman ako ng pagsusuri kung bakit tuwing magpapasukan o kung may okasyon sa bansa ay andaming nanunutok.

Nagpalit na ang panahon. Nagapalit na ang administrasyon. Mayroon pa bang kapana-panabik sa pagpapalit?

Hindi ko man lang pinakitaan kahit tilamsik ng pananabik ang pagdating ulan.

2 comments:

krn said...

nice post.^^

bobot said...

ano ang nakapananabik?

yung bumalik ka sa pagsusulat at paglikha ng mga istorya (kwento man o katotohanan) na makapagbibigay ng inspirasyon sa mga nangangarap na maibahagi ang ideya nila at mga karanasan...

sa iyong blog, napakaganda!