15 December, 2010

Salin ng Origami

Origami
Marjorie Evasco

Yaring salita’y bumubuka, tinitipon ang hangin
Upang paliksihin ang tagak sa paglipad
Hilaga ng aking araw sa iyo.

Hinuhugisan ko yaring tula
Buhat sa papel, tinutupi
Ang pagi-pagitan ng ating mga kapanahunan.

Yaring tula ay isang tagak
Na sa pagkabuka ng mga pakpak,
Ang papel ay magiging wagas at walang-laman.


Origami
Marjorie Evasco

This word unfolds, gathers up wind
To speed the crane’s flight
North of my sun to you.

I am shaping this poem
Out of paper, folding
Distances between our seasons.

This poem is a crane.
When its wings unfold,
The paper will be pure and empty

12 December, 2010

Bottom

Sa pagitan ng aking pagmamakata-makatahan ay ang pagsasalin-salinan. Heto ang personal na salin ng tula ni Ronald Baytan. Ang English version ay galing sa internet.


Ilalim

Hapdi ang karampatang kabayaran
Yaring aking pagpapaubaya
Sa itinangi-tanging hiling
Na ibigin ng mga bagay-bagay ng pag-ibig
Na sumibol at bumaklas
Sa mga pinid
Ng aking balat. Kapuwa-lalaking kaibigan.
Nararapat mong malamang
Ako’y isang baguhan sa hapdi
At ang aking mga halinghing ay dalisay
Tulad ng mga tisang nagigiba.
At sa iyong bawat paglagpak sa aking kaakuhan,
Ako’y nagiging grabedad
pinananatili ang lapat ng sandaigdig,
Ako’y naging batong
Binarena hanggang maging pinong deposito.

Ako’y bumalikwas,
Tumihaya,
At nangayupapa

Sa kawalan, nilagusan
Ng tingga ng iyong pag-ibig
Hanggang sa ikaw ay makaraos.
Samantalang nahihilata sa iyong likod,
Kinilatis mo ang aking mga mata at nakitang
Ang pagiging ibabaw ay may kabayaran,
At anong sakit, sapagkat walang kahit sino,
Walang kahit sino ang nais mapailalim.


Bottom

Pain must be the price
of my submission
to a long-cherished wish
to be loved by love-things
that grow and rip
open the sealed vaults
of my skin. man-friend.
you must know
i'm a novitiate of pain
and my moans are pure
like bricks breaking
apart at your every plunge.
as you crash into my being,
i become gravity
holding all of earth down,
i become a rock
drilled to grainy sediments.

i twist,

turn,

and shrink

to nothingness, shot through
with bullets of your love
till you are through.
now lying on your back,
you read my eyes and see
being top has a price,
and it hurts, because nobody,
nobody wants to be bottom.

03 December, 2010

Kuliglig sa Lungsod

1

Ginising
ng tinig
ng mga
kuliglig
yaring
aking
balahibo
sa batok,
braso’t
binti

kagabi,
nais ko
sana
silang
hanapin.
Subalit
paano,
gayong
tanging
tainga
ang sa
kanila’y
nakakikita
rito
sa matuwid
na kalsada
ng lungsod?

Humarurot
ang aking
antok
palayo
sa pagbigat
ng kanilang
hininga.
Ganitung-
ganito
nga sila
pagka-
katapos
buhusan,
lunurin
ng lamig:
siksik
liglig
umaapaw
ang ligalig.

Sa mga
sandaling
iyon—
napapanis
na ang
laway ng
buong
kapuluang
wala
man lang
bakas ng
pagkabalisa
sa paninimdim
ng paligid.
Sapagkat
ang nata-
tangi niyang
pagkabalisa
ay bara sa
kalsada.


2


May luksa sa asong nawala,
subalit kung kulisap— wala
kahit buntong-hininga.
Sapagkat walang puwang sa kalunsuran
ang mga mumunting lumbay.
Sapagkat dito:
nakamamatay ang pakikiramay.


3

At sa aking paghihintay
sa muling pagdantay ng pungay:
isang munting obituwaryo ang nalathala
nang subukan kong tumula.
Patung-patong na mga puntod
ang aking mga taludtod.

Agad kong sinindihan ang munti kong kahibangan.

Sapagkat siksikang lansangan lamang
ang ngalan ng aking pangamba
rito
sa
matuwid
na
kalsada
ng
Maynila.

02 Disyembre 2010