03 December, 2010

Kuliglig sa Lungsod

1

Ginising
ng tinig
ng mga
kuliglig
yaring
aking
balahibo
sa batok,
braso’t
binti

kagabi,
nais ko
sana
silang
hanapin.
Subalit
paano,
gayong
tanging
tainga
ang sa
kanila’y
nakakikita
rito
sa matuwid
na kalsada
ng lungsod?

Humarurot
ang aking
antok
palayo
sa pagbigat
ng kanilang
hininga.
Ganitung-
ganito
nga sila
pagka-
katapos
buhusan,
lunurin
ng lamig:
siksik
liglig
umaapaw
ang ligalig.

Sa mga
sandaling
iyon—
napapanis
na ang
laway ng
buong
kapuluang
wala
man lang
bakas ng
pagkabalisa
sa paninimdim
ng paligid.
Sapagkat
ang nata-
tangi niyang
pagkabalisa
ay bara sa
kalsada.


2


May luksa sa asong nawala,
subalit kung kulisap— wala
kahit buntong-hininga.
Sapagkat walang puwang sa kalunsuran
ang mga mumunting lumbay.
Sapagkat dito:
nakamamatay ang pakikiramay.


3

At sa aking paghihintay
sa muling pagdantay ng pungay:
isang munting obituwaryo ang nalathala
nang subukan kong tumula.
Patung-patong na mga puntod
ang aking mga taludtod.

Agad kong sinindihan ang munti kong kahibangan.

Sapagkat siksikang lansangan lamang
ang ngalan ng aking pangamba
rito
sa
matuwid
na
kalsada
ng
Maynila.

02 Disyembre 2010

No comments: