Bawal ang mabagal sa lungsod. Lahat nagmamadali. Ultimo daliri sa keyboard ay tila naghahabol sa tick tack ng punch clock.
Tuwing haharap ako sa monitor, lagi kong sinasabi sa sarili, check ko lang ang fb, check ko lang ang yahoo, check ko lang ang gmail tapos magbabasa na ako ng balita o magsusulat. Pero sa mga check, check na yon, laging X ang aking napapala sa mga gusto kong gawin. Yan din ang paliwanag kung bakit ang laki ng agwat ng mga petsa sa aking drama dito.(wushu)
Sa lahat, sarili ang pinakamahirap kausap. Pano ba naman, sarili mo rin ang makikiusap sa iyong sarili na saglit lang ha. Teka ichat ko lang muna si ganito/ganon kasi matagal na kaming di nagkikita. Tapos 'yung mga kachat, madalas ay may kanya-kanyang listahan ng rekomendasyon:icheck mo yung bagong music video ni, icheck mo 'yung pic ni, icheck mo 'yung status ni. Hanggang sa magsawa ka sa mga checks (na mayaman na sana ako kung pwede lang tong i-encash). At alam n'yo na ang susunod na eksena ng mga check na to. X.
Lagpas ang kahingian ng bawat araw sa siyang dapat para sa isang tao. Ayokong magsumbong sa pamunuan ng Commission on Human Rights ngayon, baka matawa lang sila. Pano ko nga naman nasabing lagpas ang aking ginagawa sa aking pagiging tao? Ayoko. Ayokong mapagtawanan, at ang mahirap pa dyan, mapagtawanan nang di naman talaga naiintindihan.
***
Di pa man tuluyang nagliliwanag ang siyudad, ayun, di na magkamayaw ang mga tao sa mga estasyon ng tren. Ganito ang bawat araw: milyong katawan ang isinisilid sa bituka ng tren upang ihatid sa mga opisina-- upang tuparin ang mga itinakda ng pagkita ng kumpanya. Kayod-kabayo pero kwentong kutsero ang sweldo.
Kelangang pantayan ang pagiging competitive ng panahon. Sa ngalan ng trabaho, nararapat ilabas lahat ng talento. Mahusay mag-ingles: check. Marunong magcomputer: check. Marunong magfax: check. Marunong magpowerpoint: check. Masarap magtimpla ng kape: check. Di member ng union: check. E marunong magmasahe o pwedeng imasahe? Kahit X, nagiging check.
Alang-alang sa pagsahod sa ambong sweldo, nagmimistula tayong si Naruto. Times two, times two upang matugunan ang kahingian ng kumpanya at mga kahilingan ng sarili. Ayaw nating mahuli kahit isang hakbang sapagkat sikmura ang nakataya sa bawat tick tack ng punch clock.
At tulad ng punch clock, paikut-ikot lamang ang pagmamadali hangga't ang times two, times two teknik ay di ginagamit upang paramihin ang magpapalakas ng laban upang maging times two, times two rin ang alwan ng ating paggising araw-araw.
12 June, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Ang sabi ng punch clock ko: Check! Check! Check! Times two, times two! :)
Post a Comment