Iba-ibang kuwarto ang pinasok ng aking mga panaginip sa magkakasunod na gabi. Sabi ng maliit kong libro ukol sa panaginip, ito ay manipestasyon ng ating mga bagahe (takot, lumbay, agam-agam) na dala-dala sa pagtulog.
Sa ilang gabi rin, ang mga bagahe ko ay naging sahig, naging dingding, naging cabinet, naging bintana— naging kuwarto.
Kuwarto sa Imus
Halos dalawang buwan na nang iwan ko ang kuwartong ipinahiram ng isang matalik na kaibigan. Kung anong laki ng bahay ay siya namang konti ng taong naroroon. Apat lang kami roon. Sa labas, sa karugtong na bahagi ng bahay sa bandang likod ang mundo ng katiwala. Ang mismong ibaba ng bahay naman ang daigdig ng tatay. Sa taas, naroroon ang aming paraiso.
May apat na pinto sa aming paraiso. Sa pinakadulo ang kuwarto ng aking kaibigan. Katabing-katabi naman ng akin o mas tamang sabihing akin muna. At sa may gawing hagdanan ang dating kuwarto ng bunso niyang kapatid, na isang malaking cabinet na ngayon ng aking kaibigan. Sa pagitan ng aking kuwarto at ng ngayo’y cabinet na kuwarto ang aming CR.
Sa loob halos ng dalawang buwang panunuluyan roon, hindi ko pinatutulog ang puting bumbilya ng aking study lamp. Pumipikit lang ang ilaw kung may maligaw na kaibigan mula sa Maynila, kahit papaano ay may karamay sa titig ng dilim.
Bagama’t di ako naniniwala sa multo, may kumatok noong unang gabi ko roon. Walang tugon ang katok.
Dati, sa mismong kuwarto ng aking kaibigan ang aking ampunan, hanggang sa pumayag ang kapatid niyang may sarili nang bahay na gamitin ko pansamantala ang dati niyang lungga.
Mula nang lumipat ako sa bagong bahay, minsan ko pa lang ‘yun nadadalaw. At ang kasunod ngang pagbisita ay sa panaginip.
Marami-raming bahay na ng gagamba ang naipundar. Nilatagan na ng alikabok ang sahig. Naroron pa rin ang puting kurtinang naiwan ko. Hinawi ko ito gaya ng laging ginagawa sa pagdating. Subalit walang dumungaw na detalye sa labas ng bintana. Wala sa aking paggising ang larawan ng matandang mangga, ang mga sasakyan ng Ford, ang mga bus sa national highway. Tanging ang kuwarto. Ang kuwarto na may sariling silong subalit walang hagdan. Sa ibaba, may isang tao, na kahit anag-ag ang pigura, ramdam kong nakatingala. Hinagilap ko ang aking salamin, at doon, doon ko nakatitigan ang aking sarili. Ako na nasa silong, ako na nasa itaas.
Kuwarto sa Dasmarinas
Kalahati lamang ng dati kong hiniram na kuwarto ang lungga ngayon ng aking mga gamit, ng aking katawan. Kahati ko rito ang isang estudyante. Isang double deck: siya sa ibaba, at sa taas ay mga gamit namin. Mayroon ding tv na pag-aari ng roommate ko.
Sa sahig nakalatag ang aking kutson dahil mas kumportable. Una, hindi ko kaya sa itaas dahil madalas akong mahulog at dahil na rin sa vertigo. Ikalawa, mas maayos ang mga gamit ‘pag nasa itaas.
Palibhasa’y pader lamang na mas mataas lang sa akin ng isang dangkal ang naghihiwalay sa aming kuwarto at bukid, madalas may maligaw na alitaptap sa kuwarto. Na madalas ding makatulugan ko ang panunuod dito habang parang diklap na nagpapaikut-ikot sa munti ko/naming mundo.
Malaki ang naitutulong ng bukid sa aking pagtulog. Maginhawa. Nakarerelax ang simoy. Malayung-malayo sa hininga ng Maynila na nagpalala rin siguro ng hirap ko sa pagtulog.
Inihatid ako ng aking himbing sa aking kuwarto sa Quezon. Naroroon ako, inihahanay ang mga libro ayon sa taas. Naroroon ako, tinitibag ang mga kaharian ng gagamba. Matapos nito, kumuha ako ng isang libro, humilata sa kutson na kaaalmirol ang kobre at mga punda. Nagbasa nang nagbasa habang masayang-masayang naglalaro ang hangin at kurtina.
Sa sumunod na gabi, binisita ko ang kuwarto ng matandang bahay sa Mauban. Binalikan ang mga guhit sa dingding: mga tingting na tao, mga pangalan, mga hugis. Ilang palanggana ang nasa sahig upang sahurin ang kalungkutan ng bubong. Subalit noong sandaling iyon, walang banta ng ulan subalit nakahanda ang mga palanggana. Pagkatapos, isang sulat ang aking binasa. Mabuti na lamang at nakasahod pa rin ang palanggana. Nangalahati ito sa aking pag-iyak. Hindi malinaw kung ano nga ba ang nasa sulat. Idilig ko ang aking luha sa mga orkidya ni lola.
Ang panaginip ay panaginip. Subalit di ko maiwasang mabalisa sa kung ano ang pahiwatig ng kuwarto. Ano ang kinalaman nito ngayon sa pagdating isang manlalakbay? Hindi ko pa alam. At ayaw ko ring pangunahan ang bawat aking pagmulat.
23 January, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment