Sinabi ko na ang mga ito dati:
1. ‘Wag agad mahuhulog ang loob sa nakikilala/ipinakikilala.
2. Iwasan ang pagsesave ng mga mensahe sa celfone at email.
3. Irolyo at isuksok din sa bus ang mga tiket na magkasamang naglakbay. Mga
resibo ng pagkakape, pag-iinom, o pagsasalo.
4. ‘Wag agad magpapalitrato kasama siya.
5. Habaan ang pang-unawa.
Wala.
Wala na naman akong natupad.
Muli, almost lover na naman ang kinabagsakan ng lahat.
Sabi ng isang dating kaibigang naniniwala sa wika ng bituin, ang Virgo raw na tulad ko ay madaling magmahal subalit matagal makalimot. Nagkataon lang siguro ‘yun sa kaso ko. May masama ba kung madali akong magtiwala? Siguro nga meron. Dahil sa pagkakatapos ng mga pagtatangka sa pagpasok sa relasyon, ako ang laging may L sa noo.
Kahapon, gayong tatlong pirasong kamiseta lamang ang dala pauwi sa Dasma, isang libro ukol sa Diaspora, ilang diario ng mga pamantasan, isang sweater, toiletries— kay bigat-bigat ng aking backpack. Para bang nakasukbit sa aking likod ang buong lungsod. Habang nasa bus papuntang terminal sa Lawton, naalala ko ang chat namin sa fb. Kung paano nanlisik sa akin ang mga titik na nagpaunawang wala na, na muling nadurog ang posibilidad na hanggang kagabi ay pilit kong pinanghawakan.
Akala ko lang meron, pero wala! Wala! Wala na nga! Parang cursor na naghihintay sa susunod kong sasabihin: nandiyan lang tapos biglang wala. At hanggang sa pindutin ko ang x at tuluyan na ngang nawala. Hanggang sa pindutin ko rin ang deactivation, at parang kontrata na naniniguro si fb, kinopya ko ang mga nakaduduling na letra at numero para ipaalam kay fb na sigurado ako sa gusto kong mangyari: ang maglaho muna at mawala.
Bago matulog sa biyahe, binura ko ang lahat ng mensahe na nagpangiti at nagpakunot ng aking noo sa halos isang buwan. Walang dapat matira sapagkat mas mahihirapan akong magpatuloy sa mga paparating na araw.
Iniisip ko kung nasaan ang mga tiket ng bus. Siya ang nagbayad noon. Maano kung mabawasan ang mga naipong tiket sa aking garapon para sa iniisip na artwork? Ang mahalaga’y walang bakas na matira na kakapitan ng aking paglimot. Para sa mga paggising sa mga paparating na araw, tulad lang ng dati ang umaga: trabaho at pag-aaral ang ipinaaalala ng bawat galaw ng kamay ng orasan.
Bigla kong naalala, mayroon kaming litrato sa kamera ng kaniyang kaibigan. Ayos lang dahil wala naman akong kopya. Ayos lang at di naman naupload. Ililigtas din ako ng deactivation sakaling maisilid nga sa worldwide web ang litrato. Matagal ko nang nasabi sa sarili, mahirap makipagtitigan sa alaala kaya di ako kumportable sa pagpapalitrato sa mga panahong nasa bingit ng pag-ibig. Madrama na kung madrama, subalit ito ang isa sa aking paraan upang saklolohan ang sarili sa pagkangalay sa paglalagay ng L sa noo.
Batid ko namang marami na naman akong sablay na nagawa at nararapat ko itong pagbayaran. Batid ko rin na kinulang na naman ako sa pag-unawa. Pero masasabi ko rin na sa nangyari, kahit isang pulgada o kahit kalahati man lang, nadugtungan ito. Kahit papaano, natutunan ko ang salitang kompromiso. Natutunan kong kainin ang aking Ego sardines para humingi ng paumanhin, maunang magtext upang buksan ang tikom na bibig ng aming pagitan, magyaya na magkita. Pero kahit anong effort pala sa pag-unawa, kung wala namang tuwirang pagsalubong mula sa kabilang panig, hindi sasapat ang pagbuntong-hininga sa pagpapahaba ng pisi. Nakatatawa, parang moda ng mismong nasa diaspora ang kinalulugaran ko sa kaniya: wala rito, wala roon. At iyon ang huling gunita bago ako dapuan ng hikab—
ng pungay.
Ginising ako ng mga tanungan ng pasahero sa kung ano ang nangyayari sa may dakong unahan. Kalalampas pa lang ng bus sa arko ng pagbati sa pagdating sa Dasma. Medyo bumagal ang takbo. Nakitanaw na rin ako sa pinag-uusapan. Aksidente raw. Baka may shooting daw. Hanggang sa mabagal na dumaan ang aming bus sa kumpulan ng mga tao. At mula sa bintana, nadungaw ko ang tila eksena sa palabas ni FPJ na nakatulugan ko sa biyahe: isang kotse ang sumadsad sa gilid. Parang may mga tama ng bala ang salamin, isang lalaki na nasa passenger seat ang nakalaylay sa may upuan ng drayber, binendisyunan ng sariling dugo. Muli akong sinakmal ng lungkot.
Hindi ako nagsisisi, subalit oo, nanghihinayang. E ano kung may L ako ngayon sa noo, at least, humakbang ako; naglakbay kahit pa naligaw. Sakaling mapadaan ulit ako sa ganoong sangang-daan, may mapa na ako na patuloy na nabubuo dahil sa mga pagkaligaw.
30 January, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment