06 October, 2008

Kay Rachelle Mae Palang

Tanggap ko na ang lahat. Subalit, sadyang makulit ang lungkot na panay-panay pa rin sa pagdalaw sa’kin— dumarating nang walang pasabi.

Nitong minsan, bigla na naman akong dinalaw ng lungkot habang ako'y nananalamin. Noong araw na iyon, ikaw ang aking kausap sa panaginip-- ikaw na hindi ikaw. Sa buong pag-uusap natin, ni hindi ka humarap sa akin, ni hindi mo ako nilingon.

Nagkukwentuhan tayo nang hindi nakikita ang ekspresyon ng ating mga mukha. Ni hindi ko narinig ang 'yong pagtawa, ni nasilayan ang pamumula ng iyong pisngi nang kahit sa panaginip ay nagkwentuhan tayo ng mga taong ninanais nating sumundo sa atin sa mundo ng pagiging single.

Habang sinusuklay ang aking magulong buhok buhat sa pagtulog ay muli akong naiyak. Pinaluha ako ng aking imahe sa salamin na suut-suot ang kamisetang ibinigay mo nitong Mayo sa Davao. Ang kamiseta na rin ang ipinantuyo ko sa’king mga mata.

Nabanggit mo noon sa akin sa Davao na pagkatapos ng iyong termino ay nais mong pumunta sa lugar na kung saan higit kang kailangan—doon sa kung saan may mga kababayan tayong hindi man lang nakararanas ipitan ng thermometer sa kili-kili o dampian ng stethoscope ang katawan. Labis akong humanga sa iyo nang pinili mong umuwi nang mas maaga sa Cebu upang makapaghanda sa licensure exam kung kaya’t wala ka sa mga retrato sa puting buhangin at payapang dagat ng Samal Island .

Nagpatuloy ang ating kwetuhan sa YM-- mula sa pag-ibig hanggang sa politika. Nagpatuloy ang tawanan sa telepono, ganon pa rin ang paksa—mula sa taong tinutukoy sa blog mo hanggang sa pag-agapay sa bagong officer ng Visayas.
Naging abala tayo nang dumating ang Hunyo.

Lumipas ang maraming araw na walang sulat o mensahe sa para sa isa’t isa. Pero hindi ako nangamba na nakalimutan na ako ng aking Donya (ang tawag ko sa’yo dahil sa’yong kutis at pangangatawan). Alam kong kahit subsob tayo sa mga gawain at di nakapagpaparamdam sa isa’t isa ay di ibig sabihin na walang sandali na hindi nakiraan sa ating gunita ang alaala ng isa’t isa, natitiyak ko ito.

Habang nasa bahay ako ng isang kaibigan, nakarating sa amin ang balitang hindi agad paniniwalaan ng mga nagmamahal sa’yo, at kabilang ako don.

Ay, ayaw ko pa ring maniwala sa mga ulat nang subukan kong i-google ang pangalang “Rachelle Mae Palang.” Mabilis ang pagbuhos ng ulat ukol sa’yong kamatayan at ng dalwa pang lalaki na iyo raw kasama.

Sino bang di magugulat na ang taong kasama mo lang sa Davao at katuwang upang magturo hinggil sa mga karapata’t kalayaan at sumisigaw ng hustisya para kay “Beng” Hernandez na dating CEGP VP for Mindanao na pinatay ng mga sundalo noong 2002 at sa iba pang biktima ng pampolitikang pamamasalang at sapilitang pagkawala—ay ang pangalang laman ng mga pahayagan at balita sa ineternet ngayon? Ay pangalang namaalam na may mga sisiw na sumisiyap na iniwan?

Tulad ng palusot ng mga sundalo noon nang barilin nila si Beng sa mukha ay ang dahilang inihuhugas nila ngayon sa malansa nilang mga kamay na kumalabit sa gatilyo ng armas na itinutok din sa’yong mukha— ikaw daw ay armado.

Subalit ayon sa sundalong nakausap ng tatay ni Rachelle: walang armas si Rachelle.
Hindi ko masasabi na ang aking pag-iyak habang sinusulat ito ay ang huli kong pagluha—sinong hindi hihikbi sa pagkamatay ng isang tulad ni Rachelle na high school valedictorian, mahusay na student-leader, mapanuri at matapang na editor,mapagmahal na kasama, mabuting anak di lamang ng kanyang magulang kundi pati ng bayan at nurse na handang mag-duty hindi sa ospital sa ibayong-dagat kundi sa isang komunindad na larawan ng pagdarahop?

Tanggap ko na, na hindi ko na maririnig ang tawa ng aking Donya. Hindi ko na makikita ang pamumula ng pisngi ni Rachelle kapag usapang puso na ang paksa.
Maluwag na sa akin ngayon na abo na ang katawang lagi kong niyayakap sa aming pagkikita. Hindi na ako dapat magulat.

Hindi na tayo dapat magtaka kung ang isang Beng o isang Rachelle na walang ibang hinangad kundi ang isang bayan na walang natutulog nang gutom, at sumeryoso sa mga salitang “karapatan at kalayaan” ay tanging sa mga reatrato, alaala o panaginip na lamang natin makikita. Walang dapat ipagtaka dahil ang Pilipinas ay pinamumunuan ng isang Ginang na “evil.”

Tiyak ko na iiyak pa ako ‘pag muli kong maaalala si Rachelle. Ang taong maraming lumuluha sa kanyang pagkawala ay isang taong dakila-- isang tao para sa kanyang kapwa-tao, kaya’t hinding-hindi ko ipagdaramot ang aking luha para sa aking Donyang umibig nang buung-buo.

Magpahinga ka na Rachelle, ikukwento namin sa lahat ang ‘yong kabayanihan. Iyayakap ka namin nang mahigpit sa kalayaan, sakaling abutin namin ito.

Maraming salamat!

Mataas na Pagpupugay para sa’yo Rachelle Mae Palang!


*Sorry Rachelle, medyo natagalan akong gawin ito dahil lagi akong naiiyak sa tuwaing susubukan kong dugtungan ang aking huling sinabi. Ganun pa man, heto na at natapos ko rin sa wakas ang aking pagpupugay sa’yo. Muwah!

2 comments:

fatherchito said...

Let Rachelle Mae's sacrifices to love the poorest of the poor unconditionally and to serve them courageously inspire us all to do our best in our own chosen vocation in life.

julie_ann said...

i wish na meet ko ang iyong "donya"..
sa pag basa na iyong blog ay di nmamalayan ang pag landas ng aking mga luha..sobrang nakakalungkot...
nanikip ang aking dibdib,,,sumulak ang poot sa taong kayang gawin ang ganung di makataong pag patay,,na ang tanging ibig lamang ay tumulong sa kapwa...