Nananakit ang aking binti. Sanay naman ako sa mahabang lakaran, pero maglakad/lumusong sa tubig/baha, iba na 'yon.
Ganito ako nakauwi kahapon mula Central Station ng LRT1. Nakauwi? Muntik lang palang makauwi. Isang kanto na lang ay makauuwi na sana ako kung hindi lang hanggang leeg ang kelangan kong lusungin. Languyin pala.
Tapos na ang aming klase nang magsuspend kahapon. Wala namang bago ron: ni hindi nga nakapagwarning ang PAGASA na ganon ang Sabadong naghihintay sa atin. Sa school pa lang ay kita ko na ang bangis ni Ondoy, pero mas mabangis ang mga estudyante: kanya-kanyang pose sa baha sa school. Yung tipong first time nilang makakita ng baha. Pupusta ako, naka-upload na ngayon sa kanilang facebook, friendster, multiply o kung anumang account nila sa www ang ginawa nilang pagpapacute sa baha.
Tumpak yung isang ad sa MRT, na corned beef, hindi sardinas ang MRT. Ganon din naman ang LRT. Pare-preho lng na corned beef ang moda ng biyahe. Body-to-body ang drama sa vito cruz. Nararamdaman ko na nga sa batok ko ang init ng hiningan ni manong na hinihingal. Hindi ko maramdaman ang aiercon, lalong hindi ang habagat. May pumapatak sa aking ulo. Pakiwari ko, pawis na nag-evaporate.
Bumaba ako sa Central dahil inakala ko na baha sa Doroteo. Hay, pahamak talaga ang mga akalang yan. Baha rin naman sa Central. Ang tanga ko, ang slow ko bago maisip na baha ang buong Maynila. Nilakad ko hanggang Quaipo. Kahit mali, inaliw ko na lang ang sarili sa mga nakasasalubong.
Heto ang ilan sa kahit papano'y nagpatawa sa akin habang mag-isang sumusuong/lumulusong:
1. Nabalatan ang payong ng manong na kasalubong ko sa Mc Arthur Bridge. Siyempre tumawa ako nong nakalagpas na siya sa akin.
2. Iba talagang magmahal ang pinoy. May isang kuya na kinarga sa kanyang likod ang gf niya na ayaw maglusong. Parang movie lang. May isang apo na kinalong ang kanyang lola. Parang MMK. May dalawang lalaki ang nagsusubuan ng umuusok na sabaw sa isang kainan na nadaanan ko sa Quaipo.
3. Nakalibre ang mga kumpanya ng patalastas. Kasabay ko sa paglusong ang balat ng napkin at diaper, balat ng kape, gatas, at ultimo cposter ng pelikula.
4. Nakita ko si GMA. totoo. Natrap sasakyan niya sa flyover sa may Sta. Catalina. Ang drama niya, bumababa siya ng sasakyan. sumilip-silip sa ilalim ng tulay. Kinawayan siya ng mga tao na naglulusong. Super kaway din ang presidente niyo. Ang pinakanatutuwa at ang gumuwa ng dapat kong ginawa: bonggang-bonggang sumigaw ang mga bata nang: "Patalsikin si Gloria!"
Padilim na nang marating ko ang Vicente Cruz. Kunsabagay, madilim naman talaga kahapon. Mga bandang ala-sais. Dito ako natagalan. Nahirapan akong magdesisyon kung lulusong ba ako sa Pureza na hanggang dibdib ang baha. Laban!
Tama yung drayber na nakakuwnetuhan ko noon. Pag umuulan sa Pinas, hindi lang dapat payong ang dala mo. Sa susunod na may bagyo, makikinig na ako sa kanya. Magdadala ako ng bangka.
Madiskarte ang Pinoy. Dahil hindi uubra ang padyak, airbed ang kanilang pinagkakitaan. 'Yung mga nandidiri sa ginawa ko ay bumabayad nang mahal. No way. Para saan pa na sumakay ako ehh nalagpasan ko nga ang Recto? Laban!
Mag-aalasiyete na nang marating ko ang Stop and Shop. Bilang premyo sa sarili, bumili ako ng apat na chillimansi pancit canton at isang bote ng san mig light na pambawi sa kahaggardan ng araw na ito. Sinamahan ko ng isang kahang winston lights.
Ibang klase si Ondoy. Muli niya akong pinaglakad dahil wala nang biyahe. Pinalusong hanggang bewang na ang dulo ng aking maghapong pagsuong ay hindi rin ako makauuwi. Hini ko makakain ang pancit canton. Hindi ko maiinom ang san mig iight. Said na ang tinapay sa bakery.
Tanghalian lang ang laman ng aking tiyan at ang tanging pwede kong gawin ay buksan ang winston lights habang nakisisilong sa jeep ni manong na hindi ko na naitanong ang pangalan. Alas-kuwatro pa lang ay andon na raw si Manong. May isang taga-street din namin ang nakisilong sa jeep. Sa may tapat ng bakery, hindi pinansin si Ondoy kaya't sige lang sa pagtoma habang naksawsaw ang paa sa tubig.
"Sabihin mo traffic kaya hindi ka makauwi. Piktyuran mo pa para maniwala," sulsol ng isang kainom sa kaibigan na mukhang hinahanap ng magulang.
Kaya naman pala ang daming nakapakong mga pangalan ng tubero sa mga poste, seyoso nga, barado ang Pilipinas, ang matatag na Republika ng Pilipinas.
27 September, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment