(Kay Grace at Juaniyo)
Humayo na, humayo sa katanghalian
Habang itong lungsod ay marubdob
Na titindig sa liwanag,
Katumbas ng iyong impit na lumbay.
Sanlaksa ang kaparaanan ng pag-alis:
Kahit piliin pa nating manahimik
Ang ating mga katawan, mga kamay, mga paa, mga pandama
Ay pinababatid ang kanilang tinig sa ating pamamanhid
Tinitipon ang mga bagay sa bawat silid upang igayak
O sinusuyod ang mga kalsada at lansangan
Pagkakatapos ng kinagawiang pag-inom kung dapit-hapon.
Mas madaling umalis
Kung tanghaliang-tapat—
Ang panginurin mula sa pantalan, waring postcard,
Pinaganda ng usok mula sa kusina
At ng namumukadkad na mga punong akasya—
Isang pangkaraniwang tagpo sa araw ng Oktubre
Na marahil ay pareho lamang
Sa iyong pagbabalik: isang di maipaliwanag na paniniyak
Ng di masukat-sukat o yaong
Tinatawag nating di-mawawasak.
*salin ng tulang Ritual for Leaving ni Marjorie Evasco
11 January, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
galing talaga,,
Post a Comment