Hindi natutulog ang lupit ng lungsod, Lirio.
Sa bigat ng talukap ng magdamag,
higit pang humaharurot ang mga bangungot.
Dinadagit ang lahat-lahat, at sa iyo nga:
hinablot ang huling mga araw ng taon,
itinakas ang mga posibilidad
sa pagmulat ng bagong kalendaryo.
Dala lamang ba ito ng mga nakatulog na poste?
Subalit ilang pusa na nga ba
ang hindi man lamang nakatawid
sa ikalawa o ika’tlo nitong buhay
gayong tapat na tapat ang tanghali?
O marahil bunsod lamang ito ng lamig ng Disyembre
na nagpadulas sa gaspang ng lansangan?
Ngunit ilang aso na nga ba
ang hindi man lamang nakaamoy
sa sangsang ng sagasa
gayong singaw na singaw ang sungit ng Marso?
Sana lang, sana nga ay nananakot lang si lola:
ito ay kalakaran sa pag-aalay ng tibay
sa mga kalsada at tulay.
Ay! Kay hirap ngang liripin, Lirio,
kung anong oras, kung saang panig
bubungad ang panganib
upang ipagsawalang-bahala
ang paniniyak ng ating mga talampakan,
ang paghihintay ng mga naaroroon
sa kabilang dako nitong lansangan.
Lagi’t lagi, nagmamadali ang lungsod, Lirio.
Inaaborido ng dagok ng punch clock.
Inaapura ng mga pagsikmura
sa bagsik ng bisig ng pagawaan,
sa tagibang na timbangan ng pamilihan,
sa lisik ng titig ng tanggapan,
sa pasma ng mga palad ng pamantasan
alang-alang sa mga minamahal.
Oo.
May puso ang lungsod, Lirio.
Subalit nagsasaaspalto
sa pagsambulat
ng mga pagkabalisang
di mabura-bura ng bula ng bote,
ng suob ng usok,
ng saliw ng awit ng limang piso.
Kaya nga’t kailangan pang
magpaalala ng mga kalsada.
Sapagkat,
sapagkat madalas makaligta
ang mga dibdib na minamanhid
ng siksik, liglig, umaapaw
na ligalig.
Maliban sa ngiti at tango, ni minsan
hindi tayo nag-usap, Lirio.
Marahil, hindi na kailangan pa.
Sapagkat sapat na sapat na
ang salita ng iyong Sandata
na nangungusap sa himno
ng mapagpala mong pihit—
pumapawi sa hingal, hiwa
ng talim ng ating paghinga
sa lungsod ng lubak-
lubak na pag-ibig.
Gising na, Lirio.
Naiinip na ang Sandata
sa muling pagsakop sa Espasyo.
Nananabik na muling alayan ng ngiti
ang mga labi ni Mean.
* Si Lirio Salvador ay isang kilalang sound artist. Nakapagtanghal at nakapag-exhibit ng kanyang mga likhang instrumento sa maraming museo. Nitong Enero, nakatakda sana siyang magtanghal sa Singapore. Sa parehong buwan, itinanghal din ang kaniyang mga obra sa Vargas Museum sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman habang walang-malay siyang nakaratay sa Ospital ng La Salle. Hanggang ngayon, malayang nakapagmamaneho ang mga salarin.
09 February, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
Mahusay ang tula. Saan ka nga pala sa Quezon?
wow! binisita ako ng makata ng taon. hehehe Batang QNHS ako. Congrats nga pala! :)
Patalun-talon ako:Sampaloc at Lucena.
Post a Comment