Nagsisiksikan sa buwan ng Nobyembre ang mga balitang nagbigay sa atin ng atensyon ng mundo: pagtalo ni Paquaio kay Cotto, ang pagtanghal kay Efren Penaflorida bilang CNN hero, na hindi pa man lubusang nananamnam ng ating bayan— ay agad pinapait ng kasabay nitong kaganapan.
“Hudyat na ng eleksyon.” Ang sabi ng aleng katabi ko sa jeep noong Martes.
Sa loob man ng siksikang jeep, LRT at maging sa sakayan ng tricycle— pinag-uusapan ang Maguindanao massacre.
Tumindig ang aking balahibo nang suriin ko kumbakit ganoon ang nasabi ng ale. At lalo akong nabalisa: may bakas ng pagkasanay sa karahasan ang kanyang mga salita.
Na para bang kakambal na ng halalan ang kamatayan sa ating bansa— sa Pilipinas na unang nagkaroon ng demokrasya sa buong Asya.
Gusto niyo bang makita ang mukha ng demokrasya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon? Buklatin mo ang diyaryo, pakinggan mo ang radyo, titigan mo ang telebisyon kung ala-siete’t alas-onse.
Extrajudicial killings, enforced disappearance ang ilan sa kilala nitong pangalan, subalit iisa ang kanyang mukha: lawless violence na pinananatili ng culture of impunity.
At ngayon, muling kaharap natin ang mukha ng demokrasya sa ilalim ni Gng. Arroyo: 46 na indibidwal ang ibinaon matapos igapos, paputukan sa mukha, at hindi pa nakuntento— ang iba ay pinugutan ng ulo. Ilan sa kanila ay babae na ginahasa muna bago paslangin. Dalawa sa kanila ay abogado, na ang isa ay pinutulan pa ng kamay at dinusta ang mismong mukha. Ayon sa balita kahapon, 37 ang tinatayang kasamang mamamahayag na kapwa tinakpan din ng pahayagan ang duguang mukha’t katawan.
At sa nangyari, naetsapwera natin ang Iraq, mula sa pagiging panlima natin sa kasalukuyan, pag dating sa usapin ng journalist killings sa buong mundo.
Kaya naman, mariing kinukundena ng kabataang manunulat ang karahasang ito at ang kainutilan ng mismong adminstrasyong Arroyo na pangalagaan ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Higit yaong nagtataguyod at pumoprotekta sa demokrasya: ang mga mamamahayag at abogado, tulad ng mga naging biktima ng Maguindanao massacre.
Walang ibang dapat singilin sa nangyari kundi si Gng. Arroyo, na lantarang kaalyado ng mga Ampatuan at Mangudadatu, na kapwa kilalang warlords sa Maguindanao— kung saan nakapagtala ang administrasyon ng 12-0 laban sa oposisyon noong halalan 2007.
Sa pagkaganid sa posisyon, hinahayaan ang pag-iral ng private army sa Maguindanao at sa iba pang bahagi ng bansa. Bagay na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga kilalang angkan upang maghari. Bagay na nagpatiklop sa mga pulis at militar sa Maguindanao upang pigilan ang naganap na karahasan. Ayon sa mga ulat, ilang metro lamang sa pinangyarihan ng massacre ay nakatirik ang isang detachment ng militar.
Maaaring makaligtas o mapagkamalian ang isang putok na kung anong tunog lamang, subalit ang bilang ng putok na umalingawngaw upang paslangin ang mahigit 40 katao, ay katakatakang walang nakapansin mula sa mga nagsabing: To serve and protect, Buhay ko, Alay sa Iyo.
Lahat ng ito ay naganap sa ngalan ng kapangyarihan.
At sa ngalan ng posisyon, maraming inosenteng pinatay na para bang hindi tao, na para bang manika lamang na tinaggalan ng kamay, sinira ang mukha— tulad ng ating nasaksihan sa naganap na massacre noong Lunes.
Patapos na ang Nobyembre, at tiyak, ang mga susunod na araw, linggo at buwan ay panahon ng paniningil ng hustisya sa lahat-lahat ng biktima ng karahasan sa ilalim ng administrasyong ito.
Walang hindi naghangad ng hustisya at tunay na pagbabagong panlipunan, subalit ang bawat paghahangad ay may kaakibat na paglaban. Hindi iniluluwal ng simpleng pagsusot ng isang pula’t itim na dog tag na may nakasulat na “Ako mismo,” ang tunay na pagbabago o pagpopost sa facebook o pagjoin sa cause.
Kailan matatapos ang siklo ng karahasan/ cultur of impunity? ‘Pag napagod na ang karamihan sa atin sa pananahimik.
Sabi nga ng isang mamamahayag pangkampus na si Ditto Sarmiento noong Martial Law:
“Kung hindi tayo kikibo, sinong kikibo?
Kung hindi tayo kikilos, sinong kikilos?
Kung hindi ngayon, kailan?”
Sa nagtiyagang bumasa nito, sa mga kapuwa ko kabataan at sa aking mga kababayan:
Tayo na sa Mendiola!
*linya sa kantang Pahayagan
26 November, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
maraming salamat sa panahon para sa pagababasa.
ilang punto:
una, ang pagsasabi mong "no comment," ay isang comment na agad. isang di hayag na pagsalungatsa iyong nabasa o aking sinabi.
ikalawa, ang punto mo ay ilang ulit ko nang narinig. tatay ko, lola ko, kaklase ko, pero pagkatapos kong ipaliwanag ang aking pananaw,hindi ko na muling narinig sa kanila ang mga sinabi mo.
ikatlo, alam mo ba kung bakit may nagugutom? dahil may kahirapan. at bakit kaya may kahirapan? maraming search engines na available, mungkahi ko pag may panahon ka, magbasa-basa. or kung kinatatamaran mo ito, manuod ka ng balita.
ika-apat, bakit nga ba may rally? kung ikaw, hindi ka affected ng usapin sa pagtaas ng gasolina, matrikula,at pagtaas ng kung anu-ano-- ano naman ang ginawa mo para sa mga kapwa mong apektado nito?
ikalima, hindi naman talaga rally ang solution, kung gusto mo ulit malaman, magbasa ka, pwede kitang pahiramin ng libro.
at huling punto, ang pagbabago ay hindi iniluluwal ng pinakahuli mong punto: ang pagbabago ay lagi't laging kolektibo.
muli, salamat sa pagbisita
Post a Comment